PINAS

Benepisyong dulot ng oregano

ANG oregano o coleus aromaticus ay isang ha­lamang gamot. Ito ay may katangian na mabango at may matapang na amoy.

Ni: Vick Aquino Tanes

ANG oregano o coleus aromaticus ay isang ha­lamang gamot. Ito ay may katangian na mabango at may matapang na amoy.

Alam niyo bang nakapagbibigay ginhawa ang oregano kapag may ubo, sipon, at lagnat. Gamot din ito sa sore throat, pigsa at pananakit sa kalamnan at masasabing mabisa itong gamot sa UTI at sakit ng tiyan.

Magpakulo ng isang tasa ng sariwang dahon sa tatlong tasa ng tubig, ilaga ito sa 10-15 minuto. Uminom ng isang tasa tatlong beses isang araw para sa ubo’t sipon.

Para sa ubo at rayuma, maari ring gumamit ng mas matapang na preparasyon. Pigain ang mga dahon ng oregano at uminom ng isang kutsarita ng katas nito, tatlong beses isang araw.

Para sa mga pigsa, sugat, o kagat ng insekto, dikdikin ang mga dahon at ipahid ito sa apektadong bahagi ng katawan, isang beses isang araw.

Ang oregano ay isa rin sa mga kilalang pampalasa o herb na karaniwang ginagamit sa mga lutuin. Madali itong tumubo saan mang lugar sa mundo.

Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman ng oregano tulad ng dahon na pangunahing bahagi ng halamang oregano na ginagamit sa panggagamot. Maaaring ito ay dikdikin, ipantapal, ilaga, at inumin na parang tsaa.

Narito ang ilan pang mga sakit na maaaring magamot ng bisa ng oregano:

  1. Paso. Ginagamit ang dinikdik na dahon ng oregano upang maibsan ang pananakit ng paso sa balat.
  2. Pananakit ng ulo. Ang dahon naman na bahagyang pinitpit ay inilalagay sa sentido para mabawasan ang pananakit ng ulo.
  3. Hika. Ang pinaglagaan ng dahon ng oregano ay mabisa rin para sa kondisyon ng hika.
  4. Bagong panganak. Pinaiinom naman ng pinaglagaan ng dahon ng oregano ang mga ina na bagong panganak.
  5. Kabag. Mabisa rin para sa kondisyon ng kabag ang pag-inom sa pinaglagaan ng oregano.
  6. Sore throat. Ang pananakit ng lalamunan dahil sa sore throat ay maaaring matulungan ng paglunok sa pinaglagaan ng pinatuyong dahon ng oregano.
  7. Pananakit ng tenga. Mabisa naman na pangtanggal sa pananakit ng tenga ang pagpapatak ng sariwang katas ng dahon sa loob mismo ng tenga.