Ni: Quincy Joel Cahilig
SA paggunita ng unang taon ng Philippine Rise, muling binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na walang ibang bansa ang pwedeng umangkin dito at sa mga yamang taglay nito. Sinabi pa niya na handa siyang makidigma sa sinomang bansang aangkin dito.
“Hindi ako papayag. And it will mean war. Nandoon na ‘yung Marines, huwag kayo matakot. Kasama ako doon, sabay tayo sa barko,” matapang na sinabi ni Duterte sa kanyang talumpati sa National SWAT Challenge sa Davao City.
“We will never agree to an insult like that na just because ganito lang tayo you start to fuck with the areas there. I’ll go to war. Do not mess with us because we would not allow it. If it’s time to go to heaven, so be it. Huwag kayo matakot, mauna ako doon,” aniya.
Mayo 2017 nang opisyal na palitan ni Pangulong Duterte ang tawag sa Benham Rise bilang Philippine Rise sa bisa ng isang Executive Order matapos makita ang ilang barko ng China sa karagatang sakop ng teritoryo ng ating bansa.
Kinikilala ng United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Benham Rise, ang undersea plateau 135 milya mula sa dalampasigan ng lalawigan ng Aurora, na may lawak na 13 milyong ektarya. Tanging ang bansa lamang ang may karapatan dito.
Ang pagkilalang ito ng UN ay sinusuportahan ng mga iprinisinta ng Pilipinas na iba’t-ibang mga scientific at technical evidence, gaya ng geodetic, bathymetric, geophysical, at geological data mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at mga international sources upang mapatunayan na sakop nga ng pambansang teritoryo ang Benham Rise.
Ngunit nitong Pebrero ay lumutang ang balitang pinangalanan at matagumpay na nairehistro ng China ang limang undersea features ng Philippine Rise sa International Hydrographic Organization. Inaangkin ng China na sila ang “nakadiskubre” sa mga ito noong 2004.
Matapos pumutok ang balita, ipinag-utos ng Pangulo na tigilan na ang lahat ng pagsisiyasat na isinasagawa ng mga dayuhan sa Philippine Rise. Kinansela niya ang 30 lisensya ng mga maniniyasat mula sa United States, China, Japan, South Korea, at Germany at inatasan ang Philippine Navy na magpatrolya sa nasabing lugar.
Ano ba ang mayroon sa Philippine Rise?
Ang Benham Rise ay natuklasan ni U.S. geologist Andrew Benham noong 1933. Ito ay tinatawag na “natural submarine prolongation” of Luzon na may lalim na 3,000 hanggang 3,500 metro. Pinaniniwalaan ng mga eksperto na mayaman ito sa mineral at gas deposits.
Sa Benham Bank ang pinakamababaw na bahagi nito, na may lalim na 48 hanggang 70 metro, naninirahan ang iba’t-ibang klase ng hayop at halamang dagat.
Ayon sa mga siyentipiko, nasa 200 fish species ang makikita sa Philippine Rise na kinabibilangan ng surgeonfish, hawk fish, at damselfish, kasama na din ang dambuhalang tiger shark, at mga soft at hard corals, algae, at sponges. Sinasabi rin na maraming klase ng tuna ang makukuha din dito tulad ng big-eye, yellowfin tuna, at albacore. Kaya naman malaki ang pakinabang sa Philippine Rise ng mga mangingisda sa mga lalawigan ng Quezon, Aurora, at Catanduanes.
Batay naman sa pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources, may mga indikasyon ng malalaking deposito ng solid methane, na isang uri ng natural gas sa ilalim nito.
Kaya naman hindi na kataka-taka na maraming bansa ang interesado sa nasabing yamang taglay ng Pilipinas.
Maritime research susi sa proteksyon ng Philippine Rise
Nakasaad sa Article XII, Section 2 ng Saligang Batas, ang Estado ay may mandato na protektahan ang mga yamang dagat na sakop ng teritoryo ng bansa, at exclusive economic zone upang mapakinabangan ang mga ito ng mamamayang Pilipino.
Upang maprotektahan ang Philippine Rise, magsasagawa ang gobyerno ng national maritime scientific research (MSR) program dito, na pangungunahan ng 50 Pinoy scientists.
Lulan ng BRP Gregorio Velasquez, ang research vessel na donasyon ng Amerika, lalayag ang mga eksperto sa Philippine Rise at isasagawa ang kanilang pag-aaral hanggang sa huling linggo ng Mayo.
Layunin ng pag-aaral na pangalanan ang limang undersea features sa Philippine Rise, na paghahayag din ng di pagkilala ng Pilipinas sa mga pangalang ibinigay ng China sa mga ito.
Bukod dito, nais ding maunawaan ng mga siyentipiko ang mga prosesong nangyayari sa ating mga karagatan mga impormasyong mahalaga para sa sektor ng pangingisda sa bansa.
Mataas ang kumpiyansa ni Dr. Mario Aurelio, director, UP National Institute of Geological Sciences, na sapat ang kakayahan ng mga siyentipikong Pinoy na magsagawa ng MSR sa Philippine Rise.
“Yes, indeed we have the technical capability, meaning, the expertise,” wika ni Aurelio.
Aniya, matagal nang isinasagawa ng mga Filipino scientists ang pag-aaral sa ating mga karagatan ngunit hindi nga lang laganap sa kamalayan ng publiko ang kanilang mga gawain sa mga nakalipas na taon.
Bagamat tiwala sa kakayahan ng ating mga siyentipiko, aminado si Aurelio na pag dating sa kagamitan ay mayroon pa ring kakulangan. Ngunit, pinag-uusapan na umano ng pamahalaan at ng iba pang mga sektor na may kinalaman sa marine scientific research and exploration, ang pagbili ng karagdagang mga kagamitan at sasakyang pandagat upang malubos ang mga pagsisiyasat na isasagawa sa hinaharap.
“At present, the Philippines does not have a comprehensive agenda that would incorporate all the sectors or all the perspective of scientific research from solid earth to atmospheric to meteorological,” wika ni Aurelio. “And so the objective of this, what we call roundtable discussions now, is geared towards establishing the National Marine Research Agenda.”
Dagdag ni Aurelio, layunin ng itatatag na National Marine Research Agenda na makabili ng karagdagang equipment tulad ng underwater drones, research vessels, at remote operated vehicles.
Aminado naman ang naturang ekperto na, sa ngayon, ay hindi pa sapat ang pondo ng pamahalaan para sa pagsasagawa ng MSR. Wika ni Aurelio, umaaot sa PHP 5 bilyon ang kailangang halaga para makabili ng isang marine research vessel. Samantalang ang isang MSR abroad ay magkakahalaga ng PHP 3.8 milyon kada araw.