Ni: Vick Aquino Tanes
Nakatakda na ang muling pagbubukas ng mga klase sa lahat ng mga pampublikong paaralan sa bansa sa Hunyo 4.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, layunin nito na matiyak na maayos ang enrollment at makakapasok sa unang araw ng klase sa Hunyo ang mga mag-aaral ng pribado at pampublikong paaralan.
Kasabay nito na matugunan ang mga karaniwang problema at isyu sa tuwing nagbubukas ang mga klase upang matiyak na wala nang magaganap na ano pa mang sitwasyon sa mga paaralan.
Magkakaroon ng Oplan Brigada Eskuwela Information and Action Center sa main office ng DepEd sa Pasig City para tumanggap ng mga reklamo at paglilinaw ukol sa school opening.
Habang magtatatag din ng command center sa mga regional at division offices para mas mapabuti ang pagbibigay ng serbisyo.
Dagdag pa ni Briones na nakikipag-ugnayan na sila sa ibang ahensiya ng gobyerno para matugunan ang iba pang isyu tulad ng kakulangan na pasilidad sa mga paaralan.
SCHOOL SUPPLIES, NAGSITAASAN NA NG PRESYO
Tumaas na agad ang mga presyo ng school supplies sa mga pangunahing pamilihan, ilang linggo pa lang bago magsimula ang buwan ng Hunyo.
Ito ang agad na ibinalita ng Department of Trade and Industry (DTI), na hindi umano maiwasan ang agarang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa school supplies gaya ng mga notebook, pad paper, at iba pang gamit dahil sa taas ng demand nito.
Nabatid na noon pang nakaraang taon ay nagtaas na ng presyo ng mga papel na gagamitin para sa school supply at mas umangat pa ngayong malapit na ang pasukan, para sa school year 2018-2019 dahil sa pagmahal ng raw materials mula sa ibang bansa at apektado rin ito sa paggalaw ng piso kontra dolyar.
Kabilang na rito ang presyo ng mga notebooks, pad papers at iba pang paper materials na kung saan ang presyo ng notebook ay nasa P9 hanggang P12, branded notebooks sa P12 hanggang P34, Grade 1 to 4 pad paper ay P6 hanggang P42 at Intermediate pad sa presyong P13 hanggang P32 na kasalukuyang presyo sa Divisoria.
Dagdag pa ng DTI, mayroon namang mga school supply na hindi nagbago ang presyo tulad ng lapis na nasa P12 hanggang P16.50 (3 piraso kada pack), ballpen nasa P5 hanggang P10.50 kada piraso, crayons nasa P12 hanggang P69.75, eraser nasa P5 hanggang P15 kada piraso, sharpener nasa P8 hanggang P34, ruler ay nasa P10 hanggang P33.
Depende naman sa klase ang mga school bag na may presyong P100 hanggang P350, sa mga bibili naman ng uniporme, nasa P100 hanggang P250 ang pang-itaas habang P150 hanggang P250 naman ang pang-ibaba, depende sa size at kalidad ng tela na posible ring tumaas.
Samantala, ibinida naman ng DTI na naglaan sila ng ‘Diskwento Caravan.’ para sa mga nais makabili ng school supplies na may 50 porsiyentong diskuwento na sulit sa budget para sa pamilya.
K TO 12, MULING SISIYASATIN
Muling sisiyasatin ng Kamara ang estado ng implementasyon ng K to 12 program matapos maghain ng resolusyon ang Makabayan Bloc sa Kongreso.
Base sa House Resolution 1887, sinabi ng pitong miyembro ng Makabayan Bloc na dapat na malaman ng publiko kung epektibo ba ang nasabing programa, sapul nang simulan ito dalawang taon na ang nakakaraan.
Ilan sa mga isyung dapat mabigyan ng update ay ang tungkol sa kakulangan ng mga classroom at mga school equipment.
Ayon kay ACT Teachers partylist Representative France Castro, inihain nila ang house resolution para makapag-imbestiga kung ano ang nangyari sa mga graduate na mag-aaral.
“Sinasabi ng Department of Education na tagumpay yung first batch ng K-12 pero ano na yung nangyari sa mga graduates nito? Saan na sila pupunta?” dagdag pa ni Castro.
Nais naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na malaman kung nakakapagtrabaho na ang mga nagtapos ng K to 12.
“Sabi nila noon na kapag nakagraduate ka na ng senior high, puwede ka na magtrabaho. Pero sa katotohanan ngayon, wala namang tumatanggap ng graduate lang ng senior high. Dagdag-pasanin lang yun, dagdag-gastos,” sabi ni Zarate.
Hindi umano sapat para makakuha ng magandang trabaho ang graduate lamang ng senior high school at masyadong pahirap sa mga magulang ang magpaaral pa ng apat na taon para sa kolehiyo.