ANG heat stroke ay nangyayari kapag sobrang init ng temperatura ng ating katawan. Lubha itong mapanganib dahil kapag hindi naagapan maaring humantong sa pagkamatay o pagkaparalisa ng katawan.
Kailangan nating paghandaan ang mga sakit at peligrong maaring makahadlang sa atin na maenjoy ang summer fun experience.
Isa sa sakit na dapat iwasan ngayong matindi ang init ay ang heatstroke na karaniwang bumibiktima sa mga may edad na o yung may history ng mataas na altapresyon.
Narito ang mga sintomas ng mataas na temperatura ng katawan na maaring humantong sa heatstroke:
- Labis na pagpapawis o sa iba maaring hindi paglabas ng pawis sa kabila ng nararamdamang init.
- Pagkabalisa
- Pagsusuka at pagkahilo
- Mabilis na tibok ng puso
- Hirap sa paghinga
- Labis na sakit ng ulo
- Pagkahimatay
Kapag naramdaman ang mga sumusunod na senyales agad na tumakbo sa ospital o tumawag sa local emergency number.
Para sa first aid, gawin ang mga sumusunod na hakbang:
- Alisin ang damit ng nahimatay.
- Punasan siya bimpo na nilublob sa malamig na tubig
- Maglagay ng yelo sa mga bahagi ng katawan na mababaw ang ugat, gaya sa wrist, sintido, leeg, likod ng tuhod, kili-kili at alak-alakan.
- Makatutulong kung itatapat din ang electric fan upang magbigay ginhawa sa nahimatay
- Kung nagsisimula pa lamang mahilo, uminom ng malamig na tubig at magpahinga.
Para makaiwas sa heat stroke, huwag maglakad habang tirik ang araw lalung-lalo na sa mga oras na alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Uminom ng maraming tubig, iwasan ang alcohol at kape. Makakaginhawa rin ang pagligo ng dalawang beses sa isang araw, isa sa umaga at isa bago matulog sa gabi.
Hayaan din ang sarili na magpawis, sa ganitong paraan bumababa ang init sa loob ng katawan natin. At huwag kalimutan upang ma-enjoy ang summer kumain ng mga pampalamig o yung mga prutas na nagbibigay presko sa katawan gaya ng pakwan, melon, pipino, singkamas at papaya.