PINAS

Hindi kumakagat ang Pederalismo

Pinas News

kapansin pansin ang pag-iiba ng ihip ng hangin sa opinyon ng publiko sa usapin ng pagbabago ng porma ng pamahalaan patungong Pederalismo.

Noong isang taon lamang, nasa 44% ng mga Pilipino ang tutol sa Pederalismo. Ngayon,­ lumabas ang balitang nasa 64% na ng publiko ang hindi sang-ayon na gawing Pederalismo ang sistema ng ating pamahalaan gaya ng pinapanukala mismo ng Ma­lakanyang.

Pinakamatindi ang pagtutol sa Pederalismo sa Luzon (75%), kasunod ng Mindanao (65%), at Visayas (60%), at ang National Capital Region sa 54%. Kakatwang mga taga-Maynila pa yata ang mas sang-ayon sa Pederalismo,

Iniulat na nasa 71% ng  Class ABC o ang mga Pilipinong mas nakaangat sa ekonomiya, ang tutol sa pagpapalit ng porma ng pamahalaan, kasunod ng Class D (68%), at Class E (60%). Lumalabas na hindi ganuon kainteresado ang mas mahihirap na palitan ang porma ng pamahalaan.

Higit sa isang-ikatlo o 36% ng mga Pilipino ang talagang tutol sa pagpapalit, samantalang nasa 30% lamang ang nagpapahiwatig na maaaring bukas sila dito sa hinaharap kahit na laban sila sa pagpapalit sa ngayon.

May dalawang bagay na nagiging malinaw sa ngayon at mahihinuha rin naman ito mula sa ating kasaysayang pampulitika: una, hindi dahil popular ang isang pinuno, agad silang papanig sa kaniyang mga panukala; at pangalawa, hindi basta maitutulak ang isang panukalang patakaran kung hindi ito nakatali sa mga pangunahing usapin ng mga tao sa pang-araw-araw gaya ng kabuhayan.

Napakapopular pa rin ni Pangulong Duterte subalit hindi pa rin niya nakukumbinsi ang marami na may halaga ang Pederalismo bilang panukala.

Lalong lumalaki ang hamon sa Pangulo dahil dama ng mga tao ang sinasabi sa istatistika na hindi bababa sa 12-15% (nasa 3 milyong pamilya o mga 15 milyong katao) ang patuloy na nakararanas ng gutom, at nasa 7M ang nakararanas ng gutom kasabay ng malnutrisyon. May 21.5% naman ng mga Pilipino ang nasa ibaba ng opisyal na itinakdang linya ng kahirapan (poverty line) habang nasa 46% ng publiko ang itinuturing ang kanilang mga sarili bilang mahihirap o naghihirap.

Kailangan pa ng pamunuan ng matinding kampanya para rito. Higit sa lahat, kailangang  makumbinsi ang publiko na may mas magandang kabuhayan sa ilalim ng isang Pederal na pamahalaan.