PINAS

Paul Marton Dela Cruz: Ang Robin Hood ng Pilipinas

KIlala si Robin Hood sa  mga kwentong pambata bilang isang nilalang na binabali ang batas upang makatulong sa mahihirap. Isa sa mga katangian ng pambihirang bayani na ito ang kakaibang kahusayan sa paggamit ng pana o palaso—ito ang nakitang isport ng Pilipinong si Paul Marton Dela Cruz sa pagdadala niya ng watawat ng Pilipinas upang ipakilala sa mundo ng archery.

ANO ANG ARCHERY?

Ang archery ay isang isport kung saan ginagamit ang bow at arrow bilang pangunahing kasangkapan. Ito ay nagmula sa salitang Latin na “arcus”. Ayon sa kasaysayan, ang archery ay pangkaraniwang ginagamit sa pangangaso o digmaan ngunit sa modernong panahon, isa na ito sa kinahuhumalingang isport at recreational activity. “Archer” o “Bowman” ang karaniwang tawag sa mga kalahok ng isports na ito.

PAGKILALA SA ARCHERY

Isa si Paul Marton Dela Cruz sa mga nangungunang atleta ng bansa sa larangan ng archery. Hindi man patok na isport ang kanyang kinahumalingan, kumpara sa basketball at boksing na siyang paborito ng mga Pinoy, pinatunayan niya na kaya niyang manguna rito.

Sa nakakaraang 2018 Asia Cup- Stage 2 Archery Competition, tatlong gintong medalya ang napanalunan ng Pilipinas dahil sa kanya. Napanalunan niya ang unang pwesto sa Individual Compound Qualification at sa Individual Compound Olympic Round. Ang huling gintong medalya naman ay nakuha niya kasama ang isa pang Pinoy na si Amaya Paz-Cojuangco para naman sa Mixed Team Compound Olympic Round.

“Winning a gold medal in my own country is really overwhelming, and at first I was so nervous because the expectation of people here is so high,” ika ni Paul Marton sa isang panayam ng World Archery press.

SI PAUL SA LARANGAN NG ARCHERY

Ang 31-taong gulang na si Paul na taga- Maynila ay nagsimulang maglaro ng archery noong taong 2003 at nagsimulang lumahok sa mga international na kumpetisyon noong 2006. Bilang isa sa na-ngungunang atleta ng isport na ito, siya ay miyembro ng Philippine Archers National Network and Alliance (Panna) at isa rin sa mga trainors ng mga nais pumasok sa isport na ito.

Marami na rin internasyunal na kumpetisyon ang kanyang sinalihan at isa na nga rito ang 2017 Southeast Asian Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nakapag-uwi siya ng bronze medal para sa Pilipinas. Nawalan man ng tiwala sa sarili sa unang bahagi ng laro ay nagawa pa rin niyang patunayan at humabol upang makakuha ng puwesto.

Naging delegado rin siya ng bansa noong 2015 SEA Games para sa men’s team compound event kung saan isang bronze medal rin ang kanyang naiambag sa Philippine team. Kasama rin siya sa Philippine team na sumabak sa 2014 Asian Games na ginanap sa Incheon, South Korea kung saan ay isang bronze medal rin ang kanyang nakuha.

WORLD RANKINGS

Sa kasalukuyan ay nasa ika-49 na puwesto sa World Archery Rankings si Paul Marton. Ayon sa kanya, ipagpapatuloy lang niya ang laban para sa bansa upang ipakilala ang watawat ng Pilipinas sa pandaigdigang isport ng archery.

Nagpasalamat naman siya sa lahat ng sumuporta sa nakaraan niyang laban. “Salamat World Archery Philippines and Philippine Sports Commission for a very successful Asia Cup Leg 2 World Ranking Tournament. Salamat po sa lahat ng sponsors to make this tournament possible. Salamat F.R. Sevilla Industrial and Dev’t Corp especially Sir Jun Sevilla sa walang sawang pagsuporta sa Philippine Archery, to our WAP secretary general Rosendo Sombrio na laging naka monitor sa development ng aming scores and training, to Benel Archery especially Earl Yap for letting me used your arrows.”

DAGDAG NA KAALAMAN

Isa ng ama ng tahanan si Paul kung saan ay may isa na siyang anak. Nag-aaral siya noon sa University of Makati at nagmula siya sa probinsya ng Nueva Ecija. Kanan ang ginagamit niyang kamay sa paglalaro at ayon sa kanya, ang archery ay hobby lamang niya noon na ngayon ay naging kanyang propesyon.

PANIBAGONG HAMON

Apat na taon na ang lumipas ng sumali siya sa Asian Games kung kaya naman ay balak niyang patunayan muli ang sariling galing upang makakuha muli ng medalya sa kumpetisyong ito sa darating na Agosto 2018 na gaganapin sa Jakarta, Indonesia.

“I’m shooting more arrows and doing additional exercise; my focus now in training is aiming,” ika ni Paul Marton. Opisyal na siyang bahagi ng koponan ng Pilipinas para sa archery sa darating na Asian Games.

Mula sa pagkahilig niya sa bow at araw ay isa na ngayon si Paul Marton Dela Cruz sa mga nangungunang atleta ng Pilipinas sa sports na archery. Dala-dala niya na ang watawat ng bansa sa buong mundo upang ipakilala ang araw at tatlong bituin sa pambihirang sports na ito. Isang kahanga-hangang misyon na nais niyang ipaglaban hanggang sa makamit pa niya ang mas malayong tagumpay.