Pinas News
DINEKLARA na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang permanenteng ban ng pagpapadala ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Kuwait.
Ito ay matapos ang hidwaan sa diplomatiko kaugnay sa kumakalat na video ng pagligtas ng tauhan ng Philippine embassy sa mga Pilipinong manggagawa mula sa kanilang mapang-abusong employers.
Nagbunsod ito upang patalsikin ng Kuwaiti government si Philippine Ambassador to Kuwait Pedro Villa dahil isa raw itong pang-iinsulto sa sovereignty ng kanilang bansa.
Wala nang makikita pang dahilan ang pangulo upang ipagpapatuloy ang nakatakda na sanang paglagda sa memorandum of understanding (MOU) sa pagitan ng dalawang bansa para sa kapakanan at kaligtasan ng maraming mga Pilipinong manggagawa sa Middle Eastern country.
Hindi naman nagtanim ng sama ng loob ang pangulo sa bansang Kuwait dahil malaki na rin naman ang naitulong ng bansa upang maiahon sa hirap ang maraming mga Pilipino bagkus ay nagpapasalamat pa siya sa naging tulong nito sa kanyang mga mamamayan.
Nais lamang ng pangulo na umuwi na ang mga Pilipinong nanatiling nagtatrabaho sa kanilang bansa lalo na ang mga household worker na bumuo sa 60% sa 260,000 bilang ng mga OFWs sa Kuwait.
Dahil karamihan sa mga biktima ng pang-aabuso ay mula sa mga nanunungkulan bilang household worker sa bansa.
Ano na lamang ang ma-ging kahihinatnan kung obligadong umuwi na sa bansa ang lahat ng mga Pilipinong kasalukuyang nanunungkulan doon?
Malaking sakripisyo ito ng bansa lalo na sa ekonomiya at mismo ng mga OFWs na uuwi sa bansa at haharap sa kawalang tiyak na may trabahong naghihintay sa kanila sa Pilipinas.
Kahit man na pinahayag ng pangulo na marami nang naghihintay na trabaho sa bansa ngunit hindi ito sapat para sa daan-daang libong mga manggagawa na uuwi.
Kung sakali mang mawala na sa listahan bilang destinasyon ng mga OFWs ang bansang Kuwait ay may natatanaw namang maaaring alternatibong patunguhan ng mga manggagawa.
Naroroon ang bansang China na naghahanap ng 100,000 English teacher, ang bansang Japan na nangangailangan din ng Household worker sa lumiliit na populasyon nito, at plano ring gawing alternatibong bansa ang Russia para sa mga OFW.
Mas maigi pa sigurong harapin na lamang ang mga sakripisyong mahaharap sa pagpapauwi ng mga Pilipino mula sa Kuwait kaysa may mangyayari na namang mamatay dahil sa pang-aabuso ng amo sa Kuwait.
Sa hindi kalaunan ang mga alternatibong bansang ito ay magiging destinasyon na ng mga manggagawang Pilipinong nais mangibang bansa na mas ligtas para sa mga Pilipino kaysa nakakatakot na mga mapang-abusong mga amo sa bansang Kuwait.
Ika nga kung may isang pinto mang isinara ay may ibang mga pinto naman ang bubukas.