PINAS

Saan kaya papunta ang PCGG at OGCC?

Ni: Jun Samsun

PATULOY na naninindigan at sumusuporta si Justice Secretary Menardo Guevarra sa hakbang na isinulong sa Kamara de Representantes para sa panukalang pagpapabuwag sa PCGG o Presidential Commission on Good Government at OGCC o Office of the Government Corporate Counsel.

Sa pananaw ni Guevarra ay malayo pa ang lalakbayin o tatahakin ng nasabing panukala dahil hanggang sa kasalukuyan ay wala pa itong counterpart bill sa Senado.

Sa kabila nito ay agad namang dumepensa si Guevarra at sinabing nirerespeto naman niya ang hakbang ng Kamara, pero kung siya anya ang tatanungin o sa legal aspect ay mas nais niyang manatili sa ilalim ng pangangasiwa o pamamahala ng Department of Justice ang PCGG at OGCC.

Samantala tahasang inamin ni Guevarra na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa niya natatalakay kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing bill.

Sa ilalim kasi ng batas ay maaari itong pigilan ng presidente sa pamamagitan ng pag-veto. Ang naturang panukalang batas ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Matapos nito ay iaakyat naman ito sa senado at sakaling makapasa ay dadalhin naman sa Malakanyang at duon na magkakaalaman kung lalagdaan ni Pangulong Digong o ibiveto?

Kung inyong maaalala ay naging kontrobersyal ang PCGG lalo na nuong naupo bilang pangulo si Cory Aquino. Sa panahon na iyon ay masigasig ang PCGG sa paghabol sa umano’y nakaw na yaman ng mga Marcos.

Pero kalaunan ay sumambulat sa sambayanan ang isang larawan na masayang nakikipagsayaw si dating First Lady Imelda Marcos sa isang mataas na opisyal ng PCGG na bisita sa birthday party ni Madam Imelda.

Nagkaroon ng kulay ang nasabing litrato na kapwa naman nila itinanggi. Sa ngayon ay hihintayin muna ang mangyayari kapag naiakyat na ito sa senado at sa Malakanyang. Marahil ang reaksyon ng simpleng mamamayan at pamilya nila Juan dela Cruz ay, “ano ba ang pakialam namin kung ano man ang mangyari sa panukalang iyan na kaugnay sa PCGG? Makakain ba namin iyan? “