Ni: Shane Asidao
ISA ang Pilipinas na mayroong samu’t saring bakasyunan. Nasa bansa na nga natin ang ilan sa mga pinakamagagandang lugar sa buong mundo. Tuwing sasapit ang ‘summer’, kabi-kabilang lalawigan ang sumisikat at pinupuntahan ng ilan nating kababayan at mga turista.
Ilan sa mga ito ang Siargao sa Surigao Del Norte. Umaabot man sa ilang oras ang byahe, hindi alintana ito sa mga gustong makaranas sa ‘surfing capital of the Philippines’. Sikat ang Siargao dahil sa napakagandang tanawin at malinis na dagat. Maraming mga sikat na personalidad ang dumadayo sa lungsod. Kamakailan lamang, nagkaroon pa ito ng palabas sa sinehan. Marahil, walang hindi mabibighani sa ganda at sayang mabibigay ng lugar sa mga bakasyunista.
Sa kabilang banda, sikat ang Zambales sa mga gustong magbakasyon sa abot kayang halaga. Kabi-kabila ang ‘beach’ sa Zambales. Mayroong Anawangin, Nagsasa, at Capones na patok na patok lalo na sa mga estudyante. Dahil na rin sa pagiging ‘budget-friendly’ ng lugar, hindi maitatago ang ganda nitong hindi kayang pantayan ng kahit anong halaga.
Kung naghahanap ka naman ng puwedeng puntahan sa parteng ‘south’ ng Manila, nariyan ang Tagaytay at Batangas. Hindi na rin bago sa karamihan ang Tagaytay. Dahil sa apat na oras lamang ang byahe mula sa Maynila, dito mararanasan ang lamig at preskong simoy ng hangin. Marami ang puwedeng pasyalan sa Tagaytay gaya ng Picnic grove. Ilan din sa dinadayo rito ang napakasarap na bulalo at ang makasaysayang Bulkang Taal.
Sa Batangas naman matatagpuan ang ilang mga beach na ‘tourist destination’. Sikat ang Masasa Beach dahil sa ‘white sand’ nito. Napakaganda rin ng tanawin sa Masasa. Kabilang na rin ang malinaw na dagat na tiyak na napakagandang i-post sa ‘Facebook; o ‘Instagram’.
Ilan lamang ito sa mga puwedeng puntahan tuwing summer. Sa dami ng magagandang destinasyon sa bansa, hindi ka na makakapili pa sa uunahing makita. Ngunit, lagi lamang tatandaan na huwag pabayaang maging madumi ang karagatan o ang mga lugar na iyong pupuntahan upang mapreserba ang ganda nito at ang yamang tubig na sariling atin.