PINAS

Iwas rabies tips First aid kontra sa alagang pets

Ni: Vick Aquino Tanes

IWAS rabies, alam n’yo ba na hindi lamang sa kagat ng alagang aso o pusa nakukuha ang sakit na rabies?

Ang rabies ay nakukuha sa laway at ihi ng aso, pusa, daga at maging sa nakatagong paniki. Kapag tinamaan ang pasyente ng rabies, maghihintay pa ng tatlo hanggang walong linggo bago magkakaroon ng sintomas.

Ang sintomas ng rabies ay ang pamamanhid sa lugar ng sugat, pagwawala, pag­lalaway at paninigas ng mukha.

Ayon sa pag-aaral, sa ba­wat taon, umaabot sa 600 Pilipino ang namamatay sa rabies at nasa 100,000 naman ang binabakunahan laban sa rabies. Kapag nagkaroon na ng sintomas ng rabies ay mahirap na itong gamutin. Dahil dito, kailangan nating maagapan ang lahat ng kagat ng aso at pusa. Kapag nakagat naman ng alagang aso o pusa, hugasan ang sugat gamit ang sabon at tubig sa loob ng 10 minuto, lagyan ng povidone iodine ang sugat.

Huwag lagyan ng ointment o takpan ng masikip ang sugat ito ay dahil kailangang makalabas ang laway ng hayop na posibleng may dala ng rabies. Para naman sa mga pamahiin, huwag lalagyan ng bawang, suka, patis o toyo ang sugat. Hindi ito nakagagamot at baka magdulot pa ito ng tetanus.

Dalhin kaagad ang pasyente sa ospital o Animal Bite Center tulad ng PGH sa Taft Avenue, San Lazaro Hospital sa Tayuman, Manila, at mga malala-king ospital upang agad na mabigyan ng karampatang lunas para sa rabies.

Kailangan din na maobserbahan ang nakakagat na aso o pusa sa loob ng 10 araw. Kapag nagpakita ang aso ng senyales ng rabies (naglalaway at nagwawala), dalhin ito sa nakatakdang ospital para maeksamen ang utak ng hayop.

Narito ang dapat na tandaan kung kailangan nang magpabakuna:

  1. Kapag nakagat ng hayop at may sugat, kailangan ng bakuna laban sa rabies. Ob-serbahan ang aso ng 10 araw. Kapag walang nangyari sa hayop, ang ibig sabihin ay wala itong rabies at ligtas ang pasyente.
  2. Kapag nalawayan ka lang ng hayop at wala namang sugat sa balat, ligtas ito at hindi kailangang magpabakuna.
  3. Kapag malalim ang kagat ng aso, o nakagat sa bandang mukha o leeg, kaila­ngan agad bigyan ng bakuna at gamot ang pasyente. Dalhin agad sa mga nabanggit na ospital.

Tips para makaiwas sa rabies:

  1. Para makaiwas sa sakuna at makasakit ng ibang tao, pabakunahan ang inyong mga alagang aso.
  2. Huwag hayaang maka­wala ang aso at lagyan ito ng tali.
  3. Ireport ang gumagalang aso sa awtoridad.
  4. Kapag naglalakad sa kalsada, magdala ng payong para may pangtaboy kayo ng aso.
  5. Huwag hayaan ang bata na maglaro sa hindi ninyo alagang hayop.
  6. Huwag guguluhin ang mga hayop habang sila ay kumakain, natutulog o nag-aalaga ng kanilang anak.
  7. Kapag may sugat kayo sa katawan, huwag hayaang dilaan ng aso ang iyong sugat at baka mahawahan ka ng rabies virus.
  8. Sa mga nag-aalaga ng hayop, puwede kayong magpabakuna na laban sa rabies. Kumunsulta sa inyong doktor.