Ni: Jun Samson
MATINDI talaga at kitang-kita ng sambayanang Pilipino na seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte o kanyang administrasyon na tuparin ang isa sa ka-nyang ipinangako noong panahon ng kampanya na lilinisin niya at gigibain ang korapsyon sa bansa.
Kung inyong maaalala ay sinabi ni Digong noon pa man na bukod sa iligal na droga ay malaking problema rin ng bansa ang korapsyon.
Hindi naman maitatanggi ninuman na ang talamak na korapsyon o pagnanakaw sa kaban ng bayan ang isa rin sa dahilan kung bakit mabagal ang pag-usad ng ating ekonomiya o growth rate.
Isa sa patunay na sinise-ryoso at tinutupad ng pangu-lo ang kanyang pangako ay magkakasunod o paisa-isa na niyang sinibak o pinagresign ang ilang mga opisyal na nasangkot sa umano’y katiwalian. Hindi ba at sumambulat sa bansa kamakailan lang ang balitang pinagbitiw o sinibak ni Pangulong Digong si Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo? Ito daw ay dahil sa conflict of interest matapos nagbayad ng advertisement ang Department of Tourism sa blocktime television program ng kanyang kapatid na si Ben Tulfo sa government station sa People’s Television Network channel 4.
Kasunod niyan ay pinagbitiw umano si DoT Promotions Board Chairman Cesar Montano dahil naman umano sa labis na paggastos ng kanyang opisina, kasama na ang mga pag-abroad nito.
Sa usapin naman sa Department of Justice ay inanunsyo ng presidente sa isang press conference sa Malakanyang na tinanggap niya ang resignation ni dating Justice Secretary Aguirre. Nang itinalaga naman si Justice Secretary Menardo Guevarra na kapalit ni Aguirre ay agad na inatasan ni Guevarra ang nadatnan niyang anim na DoJ undersecretaries at limang assistant secretaries na magsumite ng kani-kailang courtesy resignation.
Nag-ugat ang kontrobersya sa DoJ matapos inabswelto ng DoJ sa illegal drug trade si Kerwin Espinosa at iba pang umano’y mga chinese drug lords.
Dahil sa sobrang pagkadismaya ni Duterte ay iniutos nito na isalang sa automatic review ang nasabing kaso.
Nasibak din sa pwesto at nakakulong pa sina Bureau of Immigration Deputy Commissioners Al Argosino at Mike Robles matapos na tumanggap umano ng P50M na suhol mula sa foreigner gaming tycoon.
Sinibak naman ng pangulo si Rudolf Phillip Jurado bilang government corporate counsel dahil din sa umano’y anomalya na nasilip din ng Malakanyang.
Pinakahuli sa sinibak at pinaliguan ng malulutong na mura ng pangulo ay si Bureau of Customs Deputy Commissioner for Management and Information Technology Noel Sales Prudente. Sobra-sobra rin daw kasi ang travel abroad nito na wala namang kaugnayan sa kanyang trabaho pero ginastusan ng pondo ng ahensya.
Ito ay malinaw na nais talaga ni Pangulong Digong na linisin ang korapsyon sa ating Inang Bayan. Bagamat ang lahat ng ito ay hindi pa napatunayan dahil ang iba sa kanila ay hindi naman nasampahan ng kaso sa korte kaya wala pang patunay sa alegasyon. Ang tanong ko lang sa mga mambabasa, kelan kaya mauubos ang mga corrupt officials? Nababawasan kaya sila o nadadagdagan pa?