Ni: Edmund C. Gallanosa
Tanungin mo ang kahit sinong millennial ngayon, mayroon silang sinusundan na vlogger sa YouTube o Instagram star. Marami na ngang mga indibidwal (artista man o hindi) na sumisikat sa social media. Kada-scroll at kada-click ay nakikita natin ang mga posts ng fina-follow nating mga social media influencer.
Likas na sa mga tao ang maghanap ng ‘thrill’ sa buhay. Sa mga byahero, numero unong ikinukunsidera ang ‘safety’ sa kanilang sarili, at sa mga kasamahan. Subalit may mga piling iba, ang hanap sa pagbibiyahe ay hindi lamang mga bagay na kakalma sa kanilang sarili, tulad ng mga magagandang tanawin, kundi magbibigay ng ibayong ‘excitement.’ Ika nga, ang delikado sa paningin ng isang tao, ay pangunahin namang dahilan ng isa pang tao upang ang partikular na lugar ay kaniyang dinadayo.
Alamin natin ang ilang lugar sa iba’t ibang panig ng mundo na peligroso man ang dating, dinarayo pa rin.
Trolltunga ng Norway
Isa sa pinaka-ginigiliw na pasyalan sa Norway ang ‘hanging stone’ na kilala sa bansag na Trolltunga o ‘troll’s tongue’ sa Ingles. Subalit marami ang natatakot na tumuntong dito, kahit pa man ilang segundo. Isa itong lapad na bato na nakabitin sa gilid ng isang burol, sa taas na 800 metro. Tinatayang aabutin ng 10 oras ang pag-akyat sa burol upang maabot ang Trolltunga. Napaka-ganda ng tanawin sa buong paligid sa oras na maabot ang bato, ngunit ang tanong, tutuntong ka ba?
Running of the Bulls, sa Spain
Sikat na festival na ito para kay Santo Fermin sa Pamplona, Spain at welcome pong sumali ang mga turista. Ginagawa ito tuwing Hulyo 6-14 kada taon. Matapos ang isang misa, magsisimula ang palabas na ito sa pamamagitan ng pagpapakawala ng 6 na toro, mailap, matapang at hasang-hasa ang mga sungay. Pakakawalan ito sa isinarang kalye sa gitna ng plaza 825 metro ang haba. Doon, paikot-ikot lamang ito na manghahagad ng mga kasali sa delikadong festival event na ito. Subalit patuloy itong nilalahukan ng halos dalawangpung-libong katao, at tumala na ito ng 100 sugatan at 15 patay mula nang simulan ito ng mga taga-Pamplona.
Mt. Hua-Shan sa China
Isa itong sikat na hiking place sa bansang China, subalit tumatala na ito ng 100 namatay dahil sa pagkakahulog dito. Dinarayo pa rin ito sapagkat kakaiba ang akyatang ito, gilid ng isang matayog na rock formation at ang pinaglalakaran lamang ay tabla na niluma na ng panahon. Isang talampakan lamang ang lapad ng tabla na namamagitan sa iyo at sa siguradong pagkakahulog sa gilid ng bundok na ito. Kung tunay na matibay ang dibdib, subukan ninyo ito!
69-Kilometers Death Road ng Bolivia
Bagama’t tumala na ang kalyeng ito ng halos 200 kinitil na buhay, ginagamit pa rin itong ruta ng mga trak na nagdadala ng supply at ito lamang ang daan na nagkakabit sa ibang bayan. Matarik, madulas, land-slide prone at napapaikutan ng bangin sa isang gilid, subukang tahakin ang daang ito kung kakayanin ng inyong puso. Maganda ang tanawin, mapagmamasdan kung hindi kayo uunahang himatayin.
Aiguille du midi bridge ng France
‘Majestic’ na maituturing ang pagkakagawa ng tulay na ito sa taas na 12,000 feet above sea level, masusubukan naman nang husto ang inyong tuhod kung kakayaning tumawid sa maigsi subalit nakakalulang tulay na ito sa Mont Blanc massif. Hindi lang sa pagtawid nagsisimula ang ‘thrill,’ kinakailangan pa munang sumakay ng cable 20 minuto pataas sa bundok bago pa man masubukan ang tapang laban sa tulay na nabanggit.
Atlantic Ocean Road ng Norway
Hindi po kayo nagkakamali sa inyong nababasa. Ang kalyeng ito sa Norway na matatagpuan sa probinsiya ng More og Romsdal ay sadyang ginawa upang baybayin ang kahabaan ng Atlantic Ocean. Kung inyong susubukang tawirin, maging mapaghanda sa mga naglalakihang alon na maaaring humampas sa inyong sinasakyan, at baybayin ang naturang kalye ng ibayong ingat sapagkat sinadya itong ginawa ng windang-windang, taas-baba tumugma lamang sa natural contour ng hinating parte ng Atlantic Ocean. Tunay na kakaibang byahe ang mararanasan kung tatahakin ang kalyeng ito.
Trift Suspension Bridge, Switzerland
Tama po ang inyong basa, isa po itong suspension bridge—pinaka-mahaba sa buong mundo. Ginawa ito noong 2004 para sa mga hikers lamang, may taas itong 328 feet above sea level at kung susubukan ang tibay ng dibdib, tatawirin ang 558 feet na tulay upang makarating sa kabilang panig. Huwag kakalimutan isa itong suspension bridge, kaya asahang sumasayaw ito sa malakas na hangin. Goodluck!
La Passage du Gois, France
Ordinaryong tuwid na kalyeng maituturing, sa mga hindi nakakaalam dito pinasikat ito sa buong mundo nang ganapin dito ang starting line ng 2018 Tour de France. Sa nais tumawid dito na naka-sasakyan, siguraduhing isama sa byahe ang pagkakaalam ng detalye kung kailan tataas ang tubig. Dahil ang kalyeng ito ay naglalaho sa ilalim ng tubig pagpasok ng high tide. Nais ba ng kakaibang byahe sa gitna ng karagatan, at makikipag-karera sa kalikasan? Uunahan ang pagpasok ng tubig bago ka ilubog sa iyong sasakyan? Ito ang tamang lugar para pasyalan! Matatagpuan itong nagdurugtong sa Île de Noirmoutier at Beauvoir-sur-Mer.
Tianmen Mountain Rd, China
Kilala ang Tianmen hindi lamang sa angking kagandahan ng lugar pati na rin ang zig-zag road nito dahil itinuturing ito bilang isa sa ‘man-made marvel of the world.’ Maituturing na tunay na challenge ang bawat liko ng kalyeng ito at masusubukan talaga ang inyong galing sa pagmamaneho. Magkaganunpaman, namnamin ang ganda ng lugar habang tinatahak ang mountain road na ito. Kung hindi kaya ng sasakyan, pwede naman bisikleta ang gamitin, kung iyong kakayanin!
The Royal Gorge Bridge, Colorado USA
Kakayanin mo kaya ito? Isang suspension bridge sa taas na 900 feet above sea level? Opo, tama po ang basa ninyo. Pinaka-mataas na suspension bridge sa Estados Unidos, at may haba pa itong 1,260 feet! Asahan sa unang hakbang pa lamang ay sasayaw na ang tulay na ito sa malakas na hangin. At sa taas nito, hindi basta-basta ang ihip ng hangin dito na magpapasayaw sa inyo at siguradong susubok sa inyong ulirat. Isang mahalagang tip lamang—huwag na huwag titingin sa ibaba, subalit huwag na huwag din maglalakad nang nakapikit. Sayang ang tanawin! Tara na, subok na sa mga nabanggit!