Ni: Assoc. Prof. Louie C. Montemar
IMPLASYON, Dalawang buwan na mula nang mabalita ang isang na-kababahalang pahayag ng Dekano ng UP School of Statistics hinggil sa “inflation” (implasyon) o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ayon sa pahayag na iyon ni Prop. Dennis Mapa, magpapatuloy ang pagdurusa ng pinakamahihirap sa ating bayan dahil sa mataas na antas ng implasyon sa “susunod na dalawang buwan.”
Ngayon, tila damang-dama na nga natin sa bansa ang pagtaas ng mga bilihin. Nababahala na maging ang mga negosyante.
Ayon sa pag-aaral at paliwanag ng nabanggit na Propesor sa nagiging epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa iba pang batayang bilihin, tila hindi inaasahan ng Department of Finance (DOF) ang tunay na magiging epekto ng dagdag-buwis lalo na sa diesel, sa paglobo ng mga bilihin. Higit sa lahat, pinakamatindi pa ang dagok nito sa mga isang-kahig isang tuka sa ating lipunan.
Ayon mismo sa DOF, tumaas ng halos tatlong piso kada litro ang presyo ng diesel dahil sa batas na TRAIN (Tax Reform for Acceleration and Inclusion). Kung ihahalimbawa na lamang natin ang kabuhayan ng mga jeepney driver at titingnan ang kanilang kaso sa Maynila, makikita natin ang mabigat na epekto ng buwis na dulot ng batas TRAIN. Para sa kumukonsumo ng tatlumpong litro kada araw sa pamamasada, ang bawat pisong dagdag-presyo sa diesel ay mangangahulugan ng kabuuang 90 pesos na nababawas sa arawang kita ng isang drayber. Hindi ito biro para sa abang buhay ng kanyang pamilya.
Paliwanag naman ng iba, maraming maaaring maging sanhi ang implasyon at isa lamang ang pagtaas ng buwis. Ayon sa paliwanag ng mga ekonomista, sadyang nagpapataas daw talaga ng presyo ng mga bilihin ang sumusunod: mga presyo ng mga materyales sa produksiyon, halaga ng lakas paggawa, produktibidad, halaga ng palitan ng salapi, paglago ng lokal na ekonomiya, paglago ng ekonomiya ng mga karatig na bansa, interest rates sa mga pautang, pagbibenta ng mga government bonds, at ang pag-imprenta ng pamahalaan ng bagong salapi.
Masalimuot talaga ang implasyon, subalit ang pinakapunto dito, hindi maganda ang labis at mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sapagkat nakasisira ito sa kabuuang ekonomiya. Halimbawa na lamang, pinapatay nito ang interes ng mga tao upang mag-impok. Bakit ka nga naman mag-iipon ng pera sa bangko kung ang isang libo mo ngayon ay magiging walong daan na lamang ang tunay na halaga sa loob lamang ng ilang linggo dahil sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin?
Sa modernong ekonomiya ng mga lipunan, ang pamahalaan talaga ang nasa posisyon upang makialam at subukang makontrol ito. Sa kalaunan, ang mga tamang patakaran para gawing tunay na produktibo ang ekonomiya lalo na sa ating bansa, sa agrikultura at pabahay ay ang magbabalanse sa paglago ng ekonomiya upang hindi maging masakit para sa mamamayan ang anumang pagtaas ng implasyon na kung tutuusin ay isang likas na bagay sa isang aktibong ekonomiya.