PINAS

Krisis sa tubig sa 2025

Ni: Assoc. Prof. Louie C. Montemar

PITUMPUNG porsiyento (70%) ng ating planeta ang natatakpan ng tubig kaya parang mahirap isiping kinukulang tayo sa suplay nito. Subalit nasa tatlong porsiyento (3%) lamang ng kabuuang tubig sa mundo ang tubig-tabang kabilang na ang malinis na ginagamit natin at iniinom.

Mahigit isang bilyong tao sa buong mundo ang walang akses sa malinis na tubig at mahigit sa dalawang bilyon ang walang suplay ng tubig sa loob ng hindi bababa sa isang buwan bawat taon. Isang malubhang epekto nito ang pagbagsak ng kalusugan sa maraming mga kumunidad. Halimbawa na lamang: dalawang milyong katao, karamihan mga bata, ang namamatay bawat taon mula sa sakit sa tiyan na karaniwang dulot ng kakulangan sa malinis na pagkukunan ng tubig.

Nariyan pa ang pagbabago ng klima. Dahil dito, nababago pati na ang dating daloy at suplay ng tubig sa buong mundo. Nagiging sanhi ito ng kakulangan ng tubig para sa tao at hayop, pati na nga ng tagtuyot sa ilang mga lugar at baha naman sa iba.

Ayon sa mga pagtatantiya at pag-aaral, maging ng United Nations, dalawa sa bawat tatlong tao sa mundo ang maaaring humarap sa matinding kakulangan sa tubig. Sa pagkasira ng kalikasan maaaring maging mas malala pa ang kalagayan.

Karamihan ng mga pinakaapektadong tao sa nakaambang krisis (73%) ang nakatira sa Asya (69% sa 2050).  Sa kaso nga ng ating bansa, halimbawa na lamang, nitong nakaraang taon lamang, binalaan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Pampanga at mga karatig lugar nito na haharap ang lalawigan sa isang krisis sa tubig sa 2025 kung hindi maayos na tutugunan ang kalagayan sa ngayon.

Dapat unawaing hindi isang kababalaghan ang kakulangan sa tubig. Kapwa may dahilang natural at gawa ng tao sa likod ng kakulangan nito. Sinasabi ngang may sapat na tubig-tabang sa buong mundo para sa pitong bilyong tao. Ang problema, hindi ito pantay na ipinamamahagi at labis itong nasasayang o nadudumihan sa maraming kaso.

Samantala sinusulong ng DOST at DILG ang pagtatayo ng mga “rainwater catchment systems” sa mga komunidad.  Mga imprastruktura ito na sasalo sa tubig-ulan, iipunin ito upang makatitiyak na may suplay ng tubig sa panahon ng tagtuyo.

Subalit hindi pa sapat ang mga hakbang at inisyatiba sa ngayon. Higit sa lahat, kailangan ng isang nakapokus na plano mula sa pambansang liderato upang matiyak ang pamahalaang maayos sa isang usaping maaaring magdulot ng malubhang kalagayan at pati pa nga hidwaan sa ating mga komunidad.