Ni: Maureen Simbajon
FOODCART na marahil ang isa sa mga sikat na uri ng negosyong pagkain sa kasalukuyan. Bukod sa hindi ito nangangailangan ng malaking puhunan, madali lang din itong iset-up kumpara sa isang karinderya o restawran.
Ayon kay Josm Rosuello na siyang presidente ng Foodcart Association of the Philippines, “Ang isang food cart ay maaari mo nang masimulan sa maliit na kapital, mula P30,000 hanggang sa maximum na P300,000.”
Ayon din kay Richard Sanz ng Philippine Franchise Association (PFA) sa pakikipanayam nito sa Entrepreneur Philippines, dalawa ang maaring pagpilian ng sinumang nagbabalak na kumuha ng isang food cart. Una – lumikha ng sariling pagmamay-ari, at ang ikalawa ay kumuha ng franchise.
“Kung pipiliin mo ang una nangangahulugan na ikaw ang gagawa ng lahat simula sa paggawa ng logo, hanggang sa paghahanap ng mga supplier,” paliwanag ni Sanz. “Hindi katulad sa franchise, na bukod sa hindi na kailangang dumaan sa ganoon, maiiwasan pa ang yugto ng trial and error. ‘Yun nga lang, may kataasan ang kakailanganing puhunan. Kailangan mo ring sundin ang lahat ng mga tuntunin at patakaran ng isang franchisor,” dagdag pa nito.
Mga kailangang isaalang-alang bago magsimula ng isang food cart business
- Magkaroon ng isang magandang konsepto. Ang konsepto ay dapat palaging nakatugma sa produkto na ibinebenta. Halimbawa, kung ang produkto ay pang pinoy, dapat lahat ay nakatemang pang pinoy din. Ito ay para organisado ang dating sa mamimili, at makatutulong pa ito upang tumatak sa isipan ng tao ang partikular na food cart na ito.
- Pag-isipan at pagtuunan ang produkto ng mabuti. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit babalik-balikan ng mga mamimili ang binebentang produkto. Tandaan na ang food cart ay hindi isang restawran na maaaring i-alok ang iba’t ibang klase ng pagkain. Kung titingnan, lahat ng matagumpay na mga food cart ay nakatuon lamang sa isang produkto – siomai, french fries, popcorn, waffles, at iba pa.
Maaari ring mag-alok ng bagong produkto na wala pa sa market, o makipagkumpitensya sa kung anuman ang sikat o uso sa kasalukuyan.
- Humanap ng magandang lokasyon. Mas mataas ang trapiko ng tao, mas mataas din ang pag-asang makaakit ng mga kustomer, katulad ng mga malls, paaralan, terminal, supermarket, at iba pa.
“Magsaliksik at subukang sukatin ang dami ng mga tao na dumaraan sa isang partikular na lokasyon, at tiyakin din na ang mga taong ito ay nababagay sa iyong target market para sa iyong produkto,” payo ni Sanz.
- Gumawa ng kaakit-akit na disenyo ng food cart. Sa dami ng kompetisyon sa paligid, makabubuti sa negosyo kung maganda at mahusay ang disenyo na pipiliin para sa food cart upang mas makaakit ng mamimili. Gumamit ng matitingkad na kulay kagaya ng pula, dilaw o kahel. Gawin ding simple at madaling basahin ang tekstong gagamitin para sa menu at pangalan ng negosyo. Humingi ng feedback at mga suhestiyon sa mga kapamilya o kaibigan tungkol sa mga paunang ideya at kung paano ito mapapabuti. Maaari ring makipagtulungan sa isang professional artist upang makagawa ng disenyo, logo, at iba pa na tutugma sa inaalok na produkto.
Maraming mga malls ngayon na may mga panuntunan sa espesipikasyon ng food carts para sa parehong dahilan ng kaligtasan at pagpapaganda. Alaming mabuti ang mga ito upang hindi na madagdagan ang gasto sa paulit-ulit na pagpapagawa.
- Presyo ng produkto. Isaalang-alang ang mga kakompetensya sa pagpepresyo. Kung maaari, ibenta ang produkto sa presyong makakapagbigay na ng makatwirang kita. Suriin kung ang presyo ay abot-kaya para sa nakatarget na mamimili. Kung masyado itong mataas, maaaring piliin na lamang ng mga tao na kumain sa iba, at mawalan pa ng potensyal na kita. Isa rin ang lokasyon na kailangan isaalang-alang sa pagtatakda ng presyo. Mas mababa lang ang itakda kung nakapwesto sa mga pampublikong pamilihan, samantalang mas mataas naman kung sa mas high-end na mga lugar kagaya ng sa malls.
- Pagkuha ng Tauhan o Empleyado. Maging mahigpit sa paghahanap ng taong magpapatakbo ng minamay-aring food cart. Maghanap ng isang mapagkakatiwalaan at masipag na empleyadong magtatrabaho nang walang bisyo, at magaling din sa kalinisan. Suriin ang kakayahan ng mga aplikante sa simpleng aritmetika at customer service. Dagdag pa rito, piliin ang sinumang may masayang disposisyon dahil ito ay makakatulong na makahahatak ng mga mamimili.
- Advertisement at promosyon. Isa sa mga pinaka-epektibong uri ng promosyon ay ang libreng sample. Sino ba naman ang makakahindi sa libre, hindi ba? Kapag natikman ng mga potensyal na mamimili ang binebentang pagkain at nasarapan ito, siguradong ipagsasabi nito sa iba. Isa itong magandang panghatak ng mga mamimili. Bukod pa rito, kapaki-pakinabang din ang mga flyers, posters at tarpaulins na may matataas na kalidad sa pag-aakit ng benta.
- Kapital ng negosyo. Huwag i-asa sa credit o utang ang kapital ng negosyo. Mas makabubuti na gamitin ang sariling pera sapagkat kung sakali hindi maganda ang maging takbo ng negosyo, walang maghahabol at manggugulo sa iyo.
- Pagrehistro at pagkuha ng mga kaukulang permits. Bago ang unang araw ng pagbubukas, siguraduhing nakarehistro na ang negosyo sa Department of Trade and Industry (DTI), o Securities and Exchange Commission (SEC) kung korporasyon, at Bureau of Internal Revenue (BIR). Dahil nagsisimula pa lamang at ito ay isang maliit na negosyo lang ang dapat na kunin ay ang non-VAT registration sa BIR. Bukod pa rito kailangan ding kumuha ng clearance mula sa Department of Health (DOH). Dadgag pa rito, siguraduhing kumuha ng barangay permit, at mayor’s permit sa municipal/city hall nang hindi na maabala habang ang negosyo ay nagsisimula na.
- Piliin ang tamang franchise. Kung napagtantong mas madali ang kumuha ng franchise sa halip na magsimula ng sariling negosyo, siguraduhin na ang franchisor ay miyembro at may magandang record sa isa sa tatlong pangunahing asosasyon ng franchise sa Pilipinas: ang Association of Filipino Franchisers, Inc. (AFFI), ang Filipino International Franchise Association (FIFA), at ang Philippine Franchise Association (PFA). Gawin ang mga kaukulang pananaliksik at pagsusuri, makipag-usap sa mga nauna ng nakakuha ng franchise, at kumunsulta sa isang abugado bago pumirma ng anumang kasunduan sa nasabing franchise para sa sariling kapakanan.
Sa kahit na anong negosyo wala laging kasiguraduhan na ito ay papatok o magtatagumpay. Kung kaya’t importante na planuhing mabuti ang bawat hakbang upang maiwasan ang pagkalugi. Ang paggawa ng isang business plan ay makatutulong upang ma-organisa ng maayos ang mga detalye at maisalarawan ang lahat ng mga dapat gawin. Importante rin na tandaan na ang tagumpay ay hindi kadalasang nakukuha lang sa isang magdamag kung hindi ito ay resulta ng tuloy-tuloy na pakikipaglaban, pananalig at dedikasyon sa landas na pinili o pipiliing tahakin.