Pinas News
HINDI biro ang naranasang pagsubok ng isang Austral-yanong madre na si Patricia Fox matapos na kumpiskahin ang kanyang missionary visa at inatasang umalis ito sa bansang Pilipinas sa loob ng tatlumpung araw.
Ngunit makaraan ng dalawang buwan ay lumuwang din ang paghihirap na nararanasan ni Fox sa pakikipaglaban sa Bureau of Immigration (BI) matapos na baliktarin ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapawalang bisa ng BI sa missionary visa at ang mandato na umalis ito sa bansa ayon sa inapelang kahilingan ng Australyanong madre sa naturang ahensya.
Inilabas ang desisyon ng DOJ sa araw mismo kungsaan nakatakdang umalis na sa bansa si Fox.
Ngunit hindi pa tapos ang laban dahil kung hindi man maaaring makumpiska ang visa ni Fox ay may posibilidad na makansela ang visa nito na magtatapos sa Setyembre 5 ngayong taon at may posibilidad pa ring maideport ang Australyanong madre.
Sa ngayon ay pinahintulutan pang maipagpatuloy ni Fox ang kanyang paglilingkod bilang misyonaryo sa bansa hanggang sa maabot ang pinal na resolusyon ng visa cancellation at deportation nito.
Ito ay isang aral para sa mga banyagang misyonaryo man o turista na sundin ang anumang nakasaad sa batas hinggil sa limitasyon ng mga ito sa political activities sa bansa lalo na ang magpapahayag ng laban sa pamahalaan.
Siguro naman ay ihinto na ni Fox ang mga pagsuporta at pagsali sa mga iniorganisang mga rally ng mga aktibista laban sa pamahalaan. Gawin na lamang niya ang nararapat sa pagtulong sa mga maralita sa bansa kung ito man ang kaniyang layunin.
Puwede namang tumulong sa maralita na hindi na kailangang makisali sa mga protestang ginagawa ng mga aktibista lalo na’t nakasaad ito sa batas na inilatag para sa mga banyaga ng bansa.
Hindi na sana dumaan pa sa ganitong sitwasyon si Fox kung nanatili itong luminya sa nararapat na tungkulin at layunin nito sa bansa na makatulong sa mga maralitang mga magsasaka kung hindi lamang siya lumampas sa limit ng kanilang karapatan sa politika ng bansa.
Napamahal na rin ni Fox ang mga Pilipino dahil sa halos tatlong dekada na itinagal niya dito sa bansa ay hindi niya makayanang iwanan ang kasalukuyan niyang misyon na makatulong sa mga maralitang magsasaka.
Kaya ganun na lamang ang ginhawang naramdaman ng Australian nun dahil na-bigyan pa siya ng pagkakataon na maipalawig ang kanyang gawaing misyonaryo sa bansa sa kabila ng nakasalalay pa rin ang pangambang maikansela at tuluyan siyang mai-deport sa bansa ngayong taon.