PINAS

Pinto Art Museum: Sining at Ekspresyon mula sa puso ng Antipolo

Pinto Art Museum: Sining at Ekspresyon mula sa puso ng Antipolo

Ni: Jomar M. San Antonio

MARAMI sa atin ang naghahanap ng lugar na mapupuntahan makatakas lamang sa ingay ng Kamaynilaan. Tunay ngang ang kapayapaan ng isip at puso ay isang pangangailangan na sagot sa maraming uri ng pagod at stress ng katawan—isang bagay na kayang ihatid ng Pinto Art Museum sa puso ng Antipolo, Rizal.

Isa o dalawang oras na byahe mula sa siyudad ay mararating mo na ang 1.3 na ektarya ng lupaing ito na puno ng kulay, kasaysayan, at higit sa lahat ay sining na mula sa puso ng iba’t-ibang pintor, iskultor, at artist na nagbigay ng oras at pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng sining—ang ekspresyon ng sariling kaluluwa.

 

May anim na pangunahing gallery ang museo ng Pinto na kakikitaan mo ng iba’t-ibang koleksyon ng likhang sining mula sa paintings, sculptures, at mga larawan. Maliban sa mga galleries ay may iba pang mga gusali sa loob ng compound na aantig sa inyong puso at kamalayan sa sining tulad ng Pinto Art Gallery, The Pinto Academy, Museum of Indigenous Art, Chapel, Mindanao Collection, The Forest, at Roofdeck Sunset View. Sa totoo lamang ay kailangan mo ng buong araw upang maikot ang lahat ng museo sa Pinto.

Kung nagugutom naman ay may restaurant sa loob ng museo—ang Café Rizal, na naghahain ng kanilang mga specialties na swak sa iyong panlasa.

 

Tanging kapayapaan at sinseridad ang mararamdaman mo sa pag-ikot mo sa Pinto. Tila ba’y dinidiskubre mo ang lahat ng sulok ng museo kung saan ka man dalhin ng iyong mga paa. Kasabay pa nito ang ma-lamyos ng musika na sumasabay sa natural na tunog ng kalikasan at mga hardin na may dalang pahinga sa iyong tenga at kaluluwa.

 

Maliban sa relaksasyon ng katawan ay perpektong lugar din ang Pinto para sa iyong picture-taking. Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na ito talaga ang numero unong dahilan kung bakit binibisita ng iba’t-ibang tao ang museo. Maliban kasi sa mala-Santorini na disenyo ng mga gusali at arkitektura ay may dala ring sariling si-ning ang mga hardin sa loob ng Pinto—isang dagat ng luntian na napapalamutian ng mga bulaklak at iba pang halaman.

Sa susunod na maisipan mong kailangan mo ng pahi-nga, bakit hindi mo subukang bisitahin ang PintoArt Mu- seum? Kung saan ang sining at kapayapaan ay pinag-isa para sa puso at kaluluwa.