Ni: Paula A. Canua
Dalawang Linggo matapos ang pasukan umiiyak pa rin ba ang inyong anak sa tuwing siya ay papasok sa classroom? Marahil dumadanas ang inyong anak ng Separation Anxiety o Sepanx kung tawagin ng iba.
Ang pagpasok sa bagong mundo ng mag-isa ay maaring magdulot ng Sepanx sa mga bata, lalung-lalo na yung mga kinder o grade one students. Kaya narito ang ilang tips para matalo ang takot tuwing papasok sa klase.
Kausapin ang guro hinggil sa dinadanas ng anak. Makakatulong rin na ipakilala ang inyong anak sa guro.
Huwag palihim na umalis. Kung aalis ka na, siguraduhin na magpa-alam sa kabila ng posibilidad na umiyak siya, sabihin pa rin ang totoo, mas lalala lamang ang Sepanx ng bata kapag palihim na umalis at maaring magdulot sa tantrum sa klase.
Isa pa maaring magdevelop ng kawalan ng tiwala ang bata kapag sila ay inyong iniiwan ng biglaan.
- Pagkatapos magpa-alam, umalis na agad, huwag ng lingunin o kaya ay silip-silipin ang anak. Makatutulong rin ang pagsabi sa anak na siya ay susunduin pagkatapos ng klase.
- Maaring gumawa ng sariling istilo sa pagbaba-bye. Halimbawa maaring mag fist bump bago umalis o di kaya ay paghalik sa pisngi, o pagflying kiss. Sa ganitong paraan nagdedebelop ang routine ng pagpapaalam sa masayang paraan.
- Alamin ang pangalan ng kanyang mga kaklase. Nakakaluwag ng loob sa bata kapag alam niyang ligtas at masaya ang paaralan. Kapag tinawag mo ang kanyang mga kaklase sa pangalan nagbibigay ito ng ideya sa bata na maari itong maging kaibigan, halimbawa imbes na kumbinsihin ang anak na maupo na, sabihin “oh nandito na pala si Chris at Kate, tabihan mo na sila anak.”
- Idebelop ang reward system kapag hindi na umiiyak ang anak, gaya ng pagluto sa kanyang paboritong pagkain at pagsabi kung gaano ka kabilib sa tapang ng bata. Ugaliin din na tanungin ang anak sa mga nangyari sa klase.