PINAS

Taas sahod, kontra-kahirapan

Ni: Ana Paula A. Canua

TAAS sahod nagsimula nang umaray ang publiko matapos ang sunud-sunod na pagtaas ng bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN Law), idagdag pa ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, singil sa kuryente at tubig, isama pa ang nagbabadyang dagdag singil sa pampublikong sasakyan. Kaya naman kanya-kanyang diskarte na ang lahat lalung-lalo na ang mga minimum wage earners para lamang mapagkasya ang kanilang kita.

Upang solusyunan ang hirap na nararanasan ng mga manggagawa, naghain ang Trade Union of the Philippines (TUCP) ng panukalang House Bill No. 7805 o Living wage Act of 2018 para sa dagdag na P320 across the board wage increase sa lahat ng minimum wage earners sa private sectors sa buong bansa. Ibig sabihin mula sa P576, magiging P832 ito ng sa gayon magiging sapat ito para sa pang araw-araw na gastusin ng uring manggagawa.

Nauna na rito, naghain din ang Makabayan Bloc ng panukala para naman sa P750 minimum wage, “Passing the [national minimum wage] bill would increase workers’ wa-ges to P750 nationwide, which would serve as an immediate relief to workers and our families amidst the unabated price increases of basic goods and services brought about by the Duterte administration’s TRAIN Law,” paliwanag ni Bong Labog mula sa kilusang Mayo Uno.

Pag-aaralan pa ng DOLE

Bagamat hindi saklaw ng DOLE ang pagpapatupad mismo ng batas hinggil sa dagdag sahod, malaking epekto naman kung manggagaling sa ahensya ang rekomendasyon na magsasabing karapat-dapat na itaas ang minimum wage.

Sa kasalukuyan pinag-aaralan pa ng DOLE kung posible nga ba na dagdagan ang minimum wage, lalo pa’t maaring hindi ito kayanin ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) o yung mga negosyo na maliit at lokal.

“We have to consider economic factors, inflation rate, prices of basic commodities, and the impact of (these on) the lives of workers, without also forgetting the effect on our employers,” paliwanag ni Bello.

Dagdag ni Bello maaring tumagal ng isang buwan bago sila makapaglabas ng opisyal na desisyon.

Sa ilalim ng panukalang House Bill No. 7805 o Living Wage Act of 2018, ang sinumang employer na lumabag sa dagdag pasahod ay magmumulta ng hindi bababa sa P200,000 o pagkakakulong ng isa hanggang dalawang taon.

“The bill is only for the workers to meet their basic daily needs,” and cope with the spiraling costs of basic goods and services”, pahayag ni TUCP spokesperson Vicente Camilon Jr.

Giit ng grupo, kakayanin ng mga business owner’s ang nasabing dagdag pasahod lalo pa’t lagi namang may sobra sa kita ng kanilang negosyo na napupunta lamang lahat sa mismong may-ari.

Pagbaba ng Purchasing Power

Sa tala ng Central Bank economists, tumaas ng 4.5% ang inflation rate sa bansa noong nakaraang Abril nga-yong taon. Babala nila na maaring umabot pa ito ng 6% kapag patuloy na walang ginawang hakbang ang pamahalaan para isalba ang naghihi-ngalo ng uring manggagawa.

Ang inflation rate o ang pagtaas ng bilihin habang patuloy ang pagbaba ng purchasing power o halaga ng mabibili ay bunga ng iba’t ibang aspeto.  Ang umiiral na TRAIN Law, ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa global market, gayundin ang paghina ng halaga ng piso kada dolyar ay ilan sa mga dahilan kung bakit sumipa ang inflation rate sa bansa. Kapag nagpatuloy ito, mas dadami ang porsyento ng mahihirap at maaring umusbong ang iba’t ibang mas malalang isyu dahil sa kinakaharap na krisis sa kita at hanap-buhay ng mamamayan.

Upang patunayan na mababa na ang purchasing power sa bansa ay nagsagawa ng pag-aaral ang IBON foundation at napatunayan na ang P512 na minimum wage ay hindi na sapat para matugunan ang pa-ngangailangan ng pamilyang may limang miyembro. Ayon sa organisasyon, kailangan na nasa P973 ang kita para masuportahan nito ang gastusin ng limang miyembro ng pamilya kada araw. Nasa P1,168 naman ang kailangan para mabuhay ang may anim na miyembro ng pamilya kada araw.

At dahil iba-iba ang minimum wage sa iba’t ibang probinsya sa bansa, nahuhuli ang Ilocos region sa listahan para sa non-agricultural wor-kers nito na may P576 hanggang P630 lamang na daily minimum wage.

Mga posibleng solusyon

Sa ngayon habang hindi pa natutupad ang dagdag sahod, mahigpit na pinag-utos ni Bello na bantayan ng wage board, Department of Trade and Industry (DTI)  at ng ilang ahensya ang pagtaas ng presyo ng basic commodities, ng sa gayon ay matiyak na walang umaabuso at ginagawang dahilan ang TRAIN Law para magbenta ng sobrang mahal na bilihin.

Nanawagan naman si Se-nate Committee on Public Services Chairman Sen. Grace Poe na maglaan ng subsidy ang pamahalaan upang saluhin ang pinapasan ng mamamayan, lalo pa’t sa atin din ang huling singil kada may pagbabago ng presyo sa merkado.

“There are safety nets that we should be implementing immediately in the hands of the government to make sure those subsidies, such as the fuel subsidy or the Pantawid Pasada Program for our drivers and the Unconditional Cash Transfer (UCT), are distributed on-time to our country men, madaliin na nila na ipamahagi ito para yong kinikita ng TRAIN na dapat talaga mapunta sa kanila ay mapunta na,” ani Poe.

Giit ng senadora na may 28-billion revenue ang TRAIN Law na maaring ilaan upang i-subsidize ang ilang sektor.

Posible ang pagpapatupad ng P750 minimum wage

Ayon sa pag-aaral ng IBON foundation, maaring maitaas sa P750 ang minimum wage kung hahayaan ng mga negosyante na mapunta ang maliit na bahagi ng kanilang kita sa kanilang mga empleyado.Kung susumahin nasa 28.3% lamang ang mababawas sa bulsa ng mga negosyante na may 20 o higit pa na empleyado kung mapapatupad ito na magbubunga ng P8,076 na kita ng kanilang mga empleyado kada buwan.

Malaking tulong din ang pagtaas ng sahod hindi lamang sa mga uring manggagawa kundi maganda rin sa ekonomiya, dahil dito maaring maging aktibo ang economic activity o yung paggastos ng mamamayan na nagreresulta sa mas maraming produksyon, ibig sabihin kung may sapat na pera sila panggastos, kikita ang ekonomiya dahil sa mabilis at epektibong ikot ng salapi.

Bukod pa riyan magkakaroon ang mga manggagawa ng dahilan para makaahon sa kahirapan at mabili ang kanilang mga pangunahing pangangailangan hindi lamang ang makakain kundi pati ang edukasyon sa kanilang mga anak.