PINAS

Sunshine, super mommy sa kanyang mga anak

PARA kay Sunshine, ang kaniyang mga anak ay ang kaniyang inspirasyon at sila rin ang nagbibigay ng lakas ng loob upang maharap niya ang kaniyang mga pinagdadaanan sa buhay.

 

Ni: Melchor Bautista

SOBRANG nasasaktan si Sunshine Cruz bilang ina ng kanyang tatlong mga dalagitang anak na nasa kanyang pangangalaga, dahil pati sila ay iniintriga nitong masangkot sa kontrobersiya ang kanilang daddy na si Cesar Montano.  Kamakailan kasi ay nag-resign ang aktor bilang Tourism Promotions Board (TPB) chief pagkatapos masangkot ang pangalan nito sa maanomalyang P80 million Buhay Carinderia project ng Department of Tourism.

Dahil sa nasabing isyu ay nararanasan ng mga anak ni Sunshine na maparatangan ng ibang tao ng kung anu-anong masasakit na salita, na nag-ugat lang sa panghuhusga ng ibang tao sa kinasangkutang kontrobersiya ni Cesar. Sa aming eksklusibong panayam sa magaling na aktres ay sinabi nito, na masakit ‘yung masabihang ang ipinapa-kain sa kanyang mga anak ay galing sa nakaw!

Ipinapagpapasalamat na lamang ni Sunshine, na buo ang kanyang loob para sa kanyang mga anak, at maraming tao ang sumusuporta sa kanya na nagpapalakas din ng kanyang paninindigan para patuloy na protektahan ang kanyang mga anak.

MAY SARILING KAYOD

Kahit matapang si Sunshine ay hindi rin niya naiwasan ang hindi maapektuhan para sa kanyang mga anak.  Dahil magmula nang magkahiwalay sila ni Cesar at silang mag-iina na ang magsama-sama, ay pinanindigan niya talaga ang tapang na magpakasipag siya sa trabaho para mapakain at buhayin niya ang kanyang mga anak. Kaya nga ilang taon nang nahahalata sa showbiz ang kasipagan ni Sunshine.  Kung hindi pelikula, ay lagi siyang mayroong programa sa telebisyon. Pagkatapos niyang mapasama sa teleseryeng “Wild flower” ng ABS-CBN ay isa siya ngayon sa mga bida ng teleseryeng “Kapag Nahati Ang Puso” sa GMA-7 na malapit nang ipalabas.

“Narito lang naman ako para sa mga anak ko,” pahayag ni Sunshine.

“Mai-paglalaban ko rin naman bilang mommy nila, na nanggagaling din naman sa hirap at pagod ko kung ano man ‘yung kinakain ng mga anak ko mula pa noong 2013.” 

Habang kakuwentuhan namin ang aktres ay matamlay siya dahil sa pagod at puyat sa katatapos lang na taping.

“Sinabi ko sa mga anak ko, na hindi sila dapat na madamay sa anumang intriga. Ipi-naglalaban ko sila sa buhay ko, kahit na magtiis ako ng pagod ay gagawin ko dahil sa kanila.  Sila ang buhay ko at inspirasyon ko na nagpapalakas ngayon sa loob ko sa anumang mga pinagdaanan ko sa buhay,” banggit pa ng aktres.

SHOWBIZ NA RIN ANG PANGANAY

Ngayon ay nasa showbiz na rin ang panganay at 17 anyos na anak nila ni Cesar na si Angelina at ang ginagamit na screen name ay Angelina Cruz.  Para kay Sunshine ay hindi niya pinilit ang kanyang anak para maging singer.  Kailangan daw na bilang kabataan na nagsisimulang mangarap ay hayaan ang kanyang anak na ilabas at patunayan ang kanyang talento.

Hindi naman daw nagi-ging sagabal ang singing career ni Angelina sa pag-aaral nito.  “She knows her priorities, and alam ng Universal Records at ng kanyang talent manager na si Arnold Vegafria ang priorities ng anak ko.  Magtatapos siya ng pag-aaral niya,” paliwanag ni Sunshine.

BAGONG INSPIRASYON

Damay na rin ang lalaking malapit ngayon kay Sunshine na si Mr. Macky Mathay.  Iniintrigang umeeksena raw si Mr. Mathay sa mga anak ni Sunshine, na laging kasama maging sa photos na nakikita sa social media.  Eh, hindi naman daw siya ang daddy ng mga dalagita!

“Macky is very close to me and my children, and vice versa naman po.  Andiyan siya for me and the girls, as I will always be there for his 3 kids din naman,” depensa ng aktres.

“I think people who think properly will appreciate his gesture and support for the children.  He has been nothing but good to us.  We aren’t violating any rules, and I don’t see anything bad sa kung anong support at care ang meron siya for us,” dugtong pa ni Sunshine.

WISH PARA KAY CESAR

Para kay Sunshine ay mayroon na silang ka­nya-kanyang buhay ni Cesar.  “As much as possible, huwag nang pag-usapan ‘yung father ng mga anak ko.  Ang mahalaga ay nasa mas maayos kaming lugar ng mga anak ko.  We always wish him well.  Sinabi ko ‘yon sa mga bata, na ipagdasal nila lagi ang daddy nila, dahil anuman ang nangyari sa amin, daddy pa rin nila ‘yon,” huling sinabi ni Sunshine.