Iba talaga ang karisma ni Digong, saan man siya magpunta, talagang dinudumog ng tao. Napaka-simple niya kasing pangulo—madaling lapitan, maka-masa.
Ni: Edmund C. Gallanosa
Sa dalawang taon nang panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte, nananatili pa rin siyang popular sa nakakaraming Pilipino.
Sa kabila ng samu’t saring kritisismo, paninira at pagtutol ng iba sa mga pagdedesisyon ni Digong kung paano papatakbuhin ang ating gobyerno, nananatiling mataas pa rin ang approval rating niya sa madla. Kamakailan naitala sa kakatapos na SWS (Social Weather Stations) survey ang bagong approval rating ng pangulo. Mula sa ‘excellent’ na rating sa 75 points ng Disyembre 2017, ngayon ito na lamang ay nasa ‘very good’ na rating sa 65 points.
Very good na rating para sa isang pangulo. At bumaba pa raw ito ayon sa SWS. Sampung puntos ang ibinaba nito mula sa 75-puntos limang buwan na ang nakakalipas. Ayon sa huling survey result, 76 bahagdan sa mga nasa tamang edad na Pilipino ay nagsasabing may tiwala sila sa pangulo samantalang 10 bahagdan lamang ang ‘mababa ang tiwala’ sa pangulo, habang 14 bahagdan sa mga Pilipino ang ‘undecided’ o hindi makapagdesisyon kung may tiwala sila o wala habang isinasagawa ang survey.
Bakit popular pa rin si Pangulong Duterte? Matapos ang dalawang taon bakit popular pa rin ang pa-ngulo? Malaki kasi ang pagkakaiba ng pangulo ngayon at sa kaniyang pinalitan. Kinakitaan ng kakaibang personalidad si Digong na walang katulad sa mga nakaraang pangulo ng Pilipinas. Dala na rin marahil sa kultura at mind-set ng nakakarami, saan ba nila ilalagay ang kanilang tiwala, sa taong mag-aahon daw sa kanila sa kahirapan sa pamamagitan ng salita lamang o sa taong nakakaunawa at ginagawa ang mga paraan upang maka-ahong tunay sa kahirapan?
Tunay na maka-masa ang pangulo. Si Pangulong Duterte kasi ay totoong ‘people’s man.’ Malapit siya sa mga ordinaryong mamamayan. Alkalde pa lamang siya sa Davao City, ‘no holds barred’ ang approach niya sa pakiki-salamuha niya sa mga mamamayan. Hindi nagkukunwari, walang halong kaplastikan. Kapag galit nararamdaman sa salita, kapag may nais maisakatuparan, nakikita sa gawa.
Ganun din ang ginagawa niyang pamamalakad sa bansa. Hindi siya nag-aatubiling maki-halubilo sa mga tao at malaman ang kanilang hinaing at pangangailangan. Maagap pa lamang sa kaniyang pagkakaluklok sa pwesto ay dinalaw na niya ang mga OFWs sa ibang bansa at inalam ang kanilang kalalagayan. Ganun dun sa ating mga sandatahang lakas—at sa iba pang sektor ng ating lipunan ay kaniyang hinaharap upang makuha ang kanilang saloobin nang personal.
Nakikitaan din ng tapang ang pangulo upang personal niyang pangunahan ang laban sa kriminalidad at ipinagbabawal na gamot. Hands-on ang approach niya sa mga isyu at hindi nagtuturo ng kung sino-sinong isasabit kung magkaroon ng suliranin sa isang bagay—maghahanap ng solusyon at hindi nag-aaksaya ng panahon. ‘Yan ang istilo ni Digong na siya namang tinatangkilik ng mas nakakarami.
Gagawin ang nararapat sa kapakanan ng kababayan. Minsan nang sinubukan ng pagkakataon na masilayan ng tao kung hanggang saan ang kakayanan ni Digong bilang pangulo ng Pilipinas. Minsan na niyang pinilay ang isang bansa noong pahintuin niya ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait, dahil na rin sa inaabot na pang-aabuso sa mga kababayan natin doon. Ang kaniya lang naman, totohanin ng mga taga-Kuwait ang sinasabing ‘proteksyon sa manggagawa’ at noong ilang Pilipino na ang pinasya na niyang pigilin ang pagbabyahe sa nasabing bansa. Malaki ang naging epekto nito sa Kuwait, at makailang buwan lamang ay gumawa na ng panibagong kasunduan sa pagitan ng Kuwait at Pilipinas. Sino ang nagwagi dito? Malinaw na ang mga overseas contract workers natin.
GDP (Gross Domestic Product) Ayon kay Political Analyst Ramon Casiple, dalawa ang mabigat na dahilan sa popularidad ng pangulo na mahalaga sa bawat Pilipino. “It’s largely positive, in two counts ‘yan—economy, ‘yung patuloy na mataas na GDP (Gross Domestic Product) growth natin and inclusive growth, bumaba unemployment eh,” Sa ganitong paraan aniya, ninanais ng pangulo na guminhawa ang buhay ng lahat ng Pilipino.
Gumanda ang ekonomiya ng bansa sa pagpasok ng 2018 sa antas na 6.8%, at bumaba naman ang unemployment rate lalo na noong buwan ng Abril, 5.5% ang ibinaba mula sa 5.7%.
Hindi biro ang ‘approval rating na natatanggap ng ating pangulo sa masa. May tutol man, at mga sumasalungat, wala pa sa kalingkingan ng bilang ng mamamayan na para sa kanila, aprub na aprub pa rin ang ginagawa ng ating pangulo. Kailan tayo nagkaroon ng presidente, sa mga lumipas, na umabot sa ganitong taas ang approval rating? Aminin man natin o hindi, iba magpalakad si Digong—may angas, at matindi ang political will. ‘Yan ang hinahanap ng mga nakakarami.
Ika nga ni Harry Roque, Presidential Spokesperson ng pangulo, hindi mada-ling makakuha ng ganitong kataas na grado sa harap ng maraming puna at pag-atake sa kredibilidad ng pangulo. Lalo na ang laban niya sa ipinagbabawal na gamot. Ani Roque, magtutuloy-tuloy ang pangulo sa ganitong istilo hanggang sa huling araw ng kaniyang paglilingkod. “He will continue to steer the ship of State until we reach a drug-free destination where the country’s macroecono-mic fundamentals would be strong and resilient so Filipinos could lead comfortable lives.”
Bumaba man ng 10 puntos ang rating ng pangulo sa Kalakhang Maynila, nanatiling ‘excellent’ pa rin ang grado niya sa Visayas, Mindanao at sa iba pang parte ng Luzon. Popular pa rin ang pangulo lalo na sa mga college graduates kung saan tumala siya ng ‘excellent’ na rating sa marking +76, kumpara noong nakaraan na +73 lamang.
Pambihira ang ganitong antas para sa isang president ng bansa. Ika nga ni Stephen Sackur ng BBC World News sa Estados Unidos mahirap para sa isang politiko ang makatuntong sa ganiyang antas. “If a western politician pick a man 75% approval rating they would regard it as the happiest day of the life.”
Hindi na kailangan pang lumayo sa katwiran kung bakit popular pa rin si Pangulong Duterte. Tama ng sukatan ang GNP (Gross National Product) ng bansa. Tuloy-tuloy ang pagtaas sa ating GNP. Patuloy ang paglalagak ng mga negosyo sa ating bansa mula sa mga dayuhang mangangalakal, at natanggalan ng malaking buwis ang mga mamamayang maliliit ang kita. dumarami ang mga trabaho—dumarami ang nagkakanegosyo. Sa bandang huli, ito ang pinakamahalagang bagay sa bawat mamamayan ng bansa, ang gumanda ang buhay. Sa mga karaniwang mamamayan, ito na ang pinaka-malinaw na batayan.