Nasungkit ni Cristiano Ronaldo ang kaniyang ikalimang Ballon d’Or trophy.
Ni: Eugene B. Flores
MATAPOS ang makulay na karera sa mundo ng football dala ang pangalan ng Real Madrid, napagdesisyunan ang isa sa pinagdedebatihang greatest player in the world na si Cristiano Ronaldo na lumipat sa Juventus Football Club matapos ang kanilang 112 million euro deal.
Ikinagulat ng marami ang paglipat ng 33-year old forward mula La Liga patungo sa Serie A kung saan dapat nagsimula ang kanyang karera bilang professional footballer.
Ligtas nang sabihin na nakaukit na ang pangalang Cristiano Ronaldo sa kasaysayan ng football bilang “one of the greatest of all time.” Hindi na mabilang ang mga parangal na kanyang natanggap sa kanyang nagpapatuloy na alamat. Kabilang sa mga ito ang limang Ballon d’Or awards na tumabla sa pinakamarami ng isang European player. Siya rin ang nag-iisang manlalaro na nanalo ng apat na European Golden Shoes.
Bago lumipat ng koponan si Ronaldo, huli itong naglaro sa World Cup Russia 2018 para sa Portugal National Football Team kung saan ay ginulantang sila ng Uruguay, 2-1 sa Round of 16 gayundin ang koponan ng kanyang mortal na kalaban na si Lionel Messi matapos maisahan ng France ang Argentina sa iskor na 4-3.
Bagama’t hindi naging matagumpay ang naging paglalakbay para sa World Cup ni Ronaldo, hindi pa rin maikakaila na makasaysayan ang naging takbo ng kaniyang karera, lalo na ang walong taon niyang pananatili sa Real Madrid.
Nagpamalas ng isang overhead kick si Ronaldo kontra sa Juventus FC noong nakaraang Champions League.
KOPONAN NG KAMPYEON
Bumuhos ang kampyonato na naibigay ni Ronaldo sa Real Madrid kabilang ang dalawang La Liga titles, dalawang Copas del Rey, apat na UEFA Champions League titles, dalawang UEFA Super Cups, at tatlong FIFA Club World Cups. Sa kabuuan, 15 tropeo ang nakuha ng Real Madrid sa pangunguna si Ronaldo, na tinaguriang best Portuguese player of all time ng Portuguese Football Federation.
SIMULA SA MADRID
Taong 2009, naging parte si Ronaldo ng Madrid matapos ang kanilang 94-million euro deal na naging world record transfer fee ng panahong iyon. Umabot sa 80,000 fans ang sumalubong sa pagdating ng kanilang bagong manlalaro na nagkamit ng 2008 UEFA Club Footballer of the Year award sa kanyang dating koponan na Manchester United.
Sinimulan niyang maglaro suot ang jersey number 9 imbis ang kaniyang kilalang number 7 sapagkat ito’y gamit ng kanilang kapitan na si Raúl González Blanco. Maganda ang naging simula ng kampanya ni Ronaldo na nakapag-ambag ng 33 goals sa buong season ngunit bigong makapagbigay ng kampyonato sa Real Madrid. Pumangalawa rin siya para sa Ballon d’Or at FIFA World Player of the Year award na pinangunahan ni Lionel Messi ng FC Barcelona, karibal na koponan ng Madrid. Sa pagsisimula ng 2010 season, naibigay kay Ronaldo ang jersey number 7 matapos umalis si Raúl.
EL CLASICO
Ang tapatan ng Real Madrid at FC Barcelona ay isa sa pinakapinapanuod ay masu-sing inaabangan na taunang laban sa mundo ng sports. Mas pina-igting ang banggaan sa naglalakihang syudad ng Spain nang dumating si Ronaldo sa Madrid kung saan katapat niya ang kapwa five-time Ballon d’Or awardee na si Lionel Messi ng Barcelona. Humakot ng milyong tagahanga sa social media at sa buong mundo ang dalawang pinakamatagumpay na koponan kasama ang dalawa sa pinakamagaling na manlalaro ng football sa kanilang generasyon. Dahil sa tindi ng laban sa pagitan ng parehong koponan at ng kanilang pambatong manlalaro, nabuo ang Messi-Ronaldo rivalry sa pagitan ng kanilang Argentinian fans (Messi) at mga Portuguese (Ronaldo).
HIGIT SA FOOTBALL
Hindi lang sa paglalaro ng football pinahanga ni Ronaldo ang kanyang fans sa Real Madrid at maging sa buong mundo dahil marami na rin ang natulungan at tinutulungan ng superstar. Noong 2015, pinangalanan siya bilang world’s most charitable sportsperson ng dosomething.org. Kabilang sa mga nagawa ni Ronaldo ay ang pagdo-donate ng mahigit 5 milyon euro para tumulong sa mga nabiktima ng lindol sa Nepal. Tumulong din siya para sa isang proyekto upang mapanatili ang mga mangrove sa Indonesia. Pinondohan din niya ang ilang bata para sa kanilang operasyon.
“My father always taught me that when you help other people, then God will give you double,” sabi ni Cristiano noong 2013. “And that’s what has really happened to me. When I have helped other people who are in need, God has helped me more.”
Kamakailan ay ipina-auction niya ang kanyang 2013 Ballon d’Or trophy sa hala-gang mahigit 600,000 euros, at ang lahat ay mapupunta sa Make-A-Wish foundation. Sa kasalukuyan ay inaasahang popondohan ni Ronaldo ang pagpapatayo ng isang pediatric hospital sa Santiago, Chile kasama ang isang Italian businessman.
Tunay na isang modelo ng huwarang atleta si Ronaldo at maasahang marami pa siyang maipapakita sa football sa bago niyang koponan na Juventus FC at maging sa pagtulong sa kapwa.