Pinas News
HABANG malaking usapin ngayon ang paggalugad ng kapulisan sa mga kalye para masita ang mga kahina-hinalang “istambay,” dapat din yatang pag-usapan na ang tindi ng impluwensiya ng paggamit ng social media sa ating mga kabataan.
Ayon sa mga panimulang pag-aaral, ang mga kabataang Pilipino ngayon ay napaka-“mediatized”. Ang ibig sabihin, matindi at malakas ang impluwensiya ng media sa kanila, kabilang na ang social media.
Nitong nakaraang Mayo lamang, nabalitang nangungunang muli sa buong mundo ang Pilipinas sa dami ng gumagamit ng social media. Ayon ito sa consultancy group na We Are Social na nakabase sa United Kingdom. Tinukoy din ng grupo na umabot na sa 67 milyong Pilipino ang gumagamit sa Internet.
Sa ulat ng We Are Social, na batay sa datos hango mula sa iba’t ibang pinagmulan, sinabing karaniwang gumagamit ang mga Pilipino ng tatlong oras at limampu’t pitong (57) minuto sa isang araw sa mga social media site, lalo na sa Facebook.
Sa ganang akin, dahil sa karunungang magbasa at magsulat, sa kakayanang makipag-usap sa isang banyagang wika lalo na sa Inggles, at sa dami ng Pinoy na nakakalat sa iba’t ibang bahagi ng mundo at nais makipag-ugnayan sa kanilang mga kapamilya at kaibigan saan man sila naroon, hindi kataka-takang marami ang nahihila sa mundo ng social media.
Sa sitwasyong ito, milyun-milyong kabataan ngayon ang aktibo as social media platforms gaya ng Facebook. May 67 milyong Facebook account sa Pilipinas (may 10 milyong Pilipino pa sa Instagram, na pag-aari ng Facebook) at 24 taon gulang ang average na edad ng mga gumagamit.
Napakaraming Pilipinong social media “istambay” sa internet!
Maraming kinakaharap na usapin ang bansa at may malaking potensiyal ang social media upang makatulong sa pagtugon sa mga usaping ito, lalo na sa aspeto ng patuloy na edukasyon ng mamamayan.
Sa mga bago at pinayamang laman ng mga dapat ituro sa mga iskwelahan at pamantasan ayon sa DepEd at CHED, nabibilang ang ilang asignatura kung saan maaring talakayin ang paggamit ng social media at internet sa kasalukuyang mundo. Sana ay maging maayos at mapayabong ang ganitong pag-aaral at mga kaugnay na gawain dahil talagang kailangang pag-ibayuhin pa ang pagpapakalat ng wasto at produktibong kaalaman sa paggamit ng Internet at iba pang makabagong teknolohiya sa komunikasyon.