PINAS

Bakit maraming nagalit sa isang Kuwaiti influencer?

Pinas News

HINDI maiwasan na mara-ming magalit at magpahayag ng hindi magandang reaksyon, lalo na sa parte ng mga Pilipino, kaugnay sa isang pahayag laban sa mga overseas Filipino workers sa Kuwait.

Natural lamang na may lalabas na ganitong reaksyon kapag ang isang tao ay nagpahayag ng diskriminasyon at pagmamaliit sa kapwa na wala sa katuwiran.

Ganito ang nangyari sa Kuwaiti social media influencer na si Sondos Alqattan nang hayagan niyang hindi sinang-ayunan ang bagong batas ng Gulf State na layu-ning protektahan ang mga Filipino domestic workers at mabigyan sila ng mas maiging kondisyon sa trabaho.

Matinding pambabatikos ang kanyang natanggap sa social media hindi lamang mula sa mga Pilipino kundi maging sa kanyang mga kalahi rin.

Dahil dito ay nag-restrict na ang Kuwaiti celebrity sa kanyang mga social media dahil sa walang tigil na pagmumura sa kanya ng mga netizens na karamihan wala ring pakundangan sa kanilang mga pananalita basta’t maipahayag lamang ang kanilang saloobin at galit dito.

Hindi naman kasi maganda ang ipinahayag niya sa kanyang video. Hindi niya matanggap na hindi isuko ng mga Filipino workers ang kanilang mga passport sa kanilang employer at aniya ay lalong hindi katanggap tanggap na bigyan ng isang araw na day-off ang mga ’’alipin’’. Kaya kanyang dineklara na hindi na siya tatanggap pa ng Pilipinong manggagawa.

Talagang tinuturing niyang mga alipin ang mga Pilipino na walang karapatan na makapagpahinga ng isang araw sa isang linggo. Ika nga ng isang netizen, kahit makina nga ay napapagod ang tao pa kaya?

Marami ang nanawagan na mag-public apology ang babaeng ito na tinuturing ang sarili na makeup artist at beauty lover. Marami ring nanawagan na i-boycott at i-unfollow ang kanyang Instagram account na may mahigit dalawang milyong followers.

Itinuturing niya ang kanyang sarili na mas mataas na uri na tao kaya para sa kanya ay walang karapatan ang mga Pilipino na mabigyan ng isang araw na pahinga.

Ngunit bihira lamang ang tao na kagaya niya sa Kuwait dahil marami pa rin namang sumuporta sa bagong batas ng Gulf State kaugnay sa kapa-kanan ng mga migranteng Pilipino. Ang kaibahan lamang ay isa siyang sikat na celebrity at influencer na maaaring makapag-impluwesya sa ibang mga Kuwaiti employer.

Sana ay hindi pamarisan ang inilabas na pahayag na ito ni Alqattan dahil tunay na wala itong pakialam sa tinatawag na human rights.