Ni: Vick Aquino Tanes
MALAKI ang pagtutol ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) sa plano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa drug tests ang mga batang nasa 10-taong gulang lamang.
Base sa naging pahayag ni DepEd Sec. Leonor Magtolis-Briones, hindi basta-basta na gawin ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa drug tests ang mga mag-aaral ng Grade 4 o mga batang nasa 10-taong gulang pa lamang dahil labag ito sa batas.MALAKI ang pagtutol ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) sa plano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa drug tests ang mga batang nasa 10-taong gulang lamang.
Nararapat lamang umano ang drug testing para sa mga secondary at tertiary level students, maging ang mga guro at staff ng mga paaralan na kung saan ay nasimulan na nila ang drug testing dito.
“Hindi naaayon sa batas at hindi basta-basta na isailalim ang mga batang nasa 10-taong gulang na ipa-drug test. It has to be on the high school level, hindi yung grade 4. Ang instructions ni President Duterte ay at the grade four level, ay i-enhance ang curriculum tungkol sa drugs. We are very careful about this dahil you can destroy a child’s life,” ayon kay Sec. Briones.
Paliwanag ni Sec. Briones, “The Department of Education observed that the proposal of the Philippine Drug Enforcement Administration to test all students age 10 and older may require the amendment of the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, which authorizes drug testing for secondary and tertiary level students only”.
Nagbabala pa ang DepEd sa PDEA kaugnay sa halaga ng financial cost para sa proposal na ipa-drug test ang mga kabataan na kakailanganin ng mahigit P2.8-billion na wala ang DepEd at PDEA.
Nabatid na ang populasyon ng mga mag-aaral ng Grade 4 hanggang Grade 12 ay nasa total na mahigit 14 million. Kung lalaanan ng pondong P200 per student para sa testing fee ay mangangailangan ng pondong aabot sa P2.8-billion.
PDEA: DRUG TEST SA MGA GURO, ESTUDYANTE KASADO NA
Itinuloy na ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagsasagawa ng ‘mandatory drug test’ sa mga guro at estudyante.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, may mga nahuhuli silang guro at mga estudyante sa kanilang mga operasyon kaya isusulong nila ang pagsasagawa ng drug test, maging sa mga elementarya.
Nanindigan si Aquino na mula grade 4 pataas ang kanilang isinailalim na estudyante sa drug test kasama ng kani-kanilang mga teacher.
Batay sa record ng PDEA, ang pinakabata na kanilang naaresto ay nasa edad na 10-taong gulang at sa ngayon ay nakipag-ugnayan na ang PDEA sa Dangerous Drugs Board (DDB) at Department of Education (DepEd) hinggil sa pagpapatupad ng panukala subalit marami naman ang nagbigay ng pagtanggi kaugnay sa usapin.
Bukas naman ang DepEd sa mungkahi ng PDEA ngunit kailangan umanong tiyakin na hindi maaabuso ang mga kabataang dadaan sa drug testing.
Una nang sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones na dapat na ipaalam muna sa mga magulang ang mandatory drug test sa kani-kanilang mga anak dahil sensitibo ang usapin.
Kaugnay sa usaping drug testing sa mga batang nasa 10-taong gulang, umani ng kabi-kabilang reaksiyon ang panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency na magsagawa ng mandatory drug testing.
“Hindi namin ginagawa ito to harass children. We do not do this to harass parents. We are trying to do this because we want to save children,” paliwanag ni PDEA chief Aaron Aquino.
Base sa Dangerous Drugs Law, ang pinapayagan lamang na magkaroon ng drug testing sa paaralan ay mga sekon-darya at kolehiyo at nakasaad din sa RA 9165 Section 36 na random at hindi mandatory sa lahat ng high school at college students ang pagsusuri sa posibleng paggamit ng droga.
Wala ring batas na naglalaan ng pondo para sa mandatory drug test sa mga mag-aaral sa elementary at hindi rin puwede na isama ang elementarya sa pondong nakalaan para sa random drug test para sa sekondarya at kolehiyo dahil tiyak na kukulangin ito.
Bagaman maganda ang intensiyon ng PDEA ay hindi ito maaari sa kasalukuyang naaayon sa batas.
CHED, ACT AT HUMAN RIGHTS, TUTOL DIN SA MANDATORY DRUG TESTING
Nauna nang sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) Officer-In-Charge Prospero De Vera ang nais ng komisyon na maging “drug-free” ang mga unibersidad at kolehiyo pero malayo naman ito para sa mga mag-aaral na nasa elementarya pa lamang.
Nakiisa naman ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Department of Education (DepEd) kaugnay sa mungkahi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mandatory drug testing sa lahat ng mga estudyante mula grade 4 pataas.
Ayon kay ACT Philippines Secretary-General Raymond Basilio, paglabag sa karapatan ng mga guro, maging sa mga estudyante at malaking insulto ito sa kanila kaya hindi nararapat ang nais ng PDEA.
Maging ang Commission on Human Rights (CHR) ay tutol din sa nais ng PDEA dahil sa posibilidad na maging epekto nito sa kabataan.
Ayon kay CHR Commissioner Gwen Pimentel-Gana, hindi basta-basta dapat magsagawa ng drug testing dahil maituturing child abuse kung pipilitin ang isang bata.
ILANG SENADOR AT KONGRESISTA, UMALMA SA NAIS NG PDEA
Masyado pa umanong bata ang gustong ipa-drug test ng PDEA, kaya naman umalma ang ilang senador sa nais ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa drug test ang mga mag-aaral sa elementary na mga batang 10-taong gulang pa lamang.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, dapat linawin ng PDEA ang batayan nila dahil ang mga nasa sekondarya at kolehiyo lang ang iniuutos ng Comprehensive Dangerous Drugs Act na isailalim sa random drug test at hindi ang mga Grade 4 na estudyante.
“Mandatory drug test sa elementary pupils, kailangan ng batas,” ayon pa kay Sen. Sotto dahil kailangang amyendahan ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 bago maipatupad ang gusto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mandatory drug test para sa mga estudyante sa elementarya.
Tinukoy ang nakasaad sa Section 36 ng batas na nagpapahintulot ng drug test sa sekondarya at kolehiyo lamang at nakasaad din na random ang drug test at hindi obligadong sumailalim dito ang lahat ng estudyante, particular na ang mga nasa mababang lebel.
Ayon kay Sotto, sang-ayon siya sa mandatory drug test sa elementarya kung para ito sa pagsawata ng paggamit ng iligal na droga at aprub din ito na umpisahan ang drug test sa mga mag-aaral sa Grade 6.
Giit naman ni Senator JV Ejercito na pondo ang kailangan kung maisasakatuparan ang nais ng PDEA para sa drug test ng mga nasa elementary subalit kailangan din malinaw ang usapin bago matuloy ang panukala.
“Pag-aralan muna natin. We have to make sure also kasi magastos din ‘yan. ‘Yung iba nga umaaray na para sa drug test sa pagkuha ng license. Imagine mo millions po ang estudyante, that would cost billions, hindi madali sa atin na gumastos ng ganun,” ayon kay Sen. Ejercito.
May batas naman para sa random drug test sa mga eskuwelahan, ayon naman kay Senador Ping Lacson.
Kasabay nito, tinutukoy ang Section 36 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act kungsaan isinasaad na mandatory ang drug test sa pampubliko at pribadong eskuwelahan sa sekondarya o high school at kolehiyo.
Umalma rin si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III sa mungkahi ng PDEA dahil walang katuturan at walang pakinabang sa drug test at malaking gastos lang sa gobyerno kung pati mga batang 10-taong gulang ay isasailalim sa drug test.
“Kung may bata na nangangailangan ng tulong dahil nagdodroga, hayaan itong humingi ng tulong at huwag nang obligahing magpa-drug test ang mga batang hindi naman nagdodroga,”paliwanag ni Pimentel.
Sa panig naman ng Kongreso, mariing tinututulan ni Magdalo partylist Representative Gary Alejano ang mandatory drug test na gustong ipatupad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga Grade 4 student sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan sa buong bansa.
Kailangan munang ikonsidera ng PDEA ang psychological effects ng mandatory at surprise drug testing sa mga bata, lalo pa ang 10-taong gulang pa lamang ang mga ito dahil maaari itong makapagdulot ng takot at trauma sa mga bata lalo na kung hindi ito naisagawa nang maayos ng mga awtoridad.
Bukod sa posibleng idulot na lamat sa isip at pagkatao ng isang bata, dagdag na gastos lamang aniya ito sa gobyerno at sa mga magulang.
“We are creating an atmosphere of fear among children. Marami na ngang mga bata ang nasaksihan mismo ang pagpaslang sa kanilang mga magulang, kamag-anak, kapit-bahay, o mismong kaibigan dahil sa war on drugs ng administrasyon. This proposal could yet be another scar on the children that will have a long-term impact on their well-being,” paliwanag ni Alejano.
Iginiit naman ng ilan pang mga mambabatas na dapat mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang ugat at pinanggagalingan ng iligal na droga na karaniwang bumibiktima sa mahihirap at hindi ang mga walang muwang na sampung taong gulang na bata.