ANG instant noodles ay mayroong tertiary-butyl hydroquinone (TBHQ), isang chemical ingredient na makikita din sa mga pesticides at varnish.
Ni: Vick Aquino Tanes
MALAKI ang pagkakaiba ng pagkain ng orihinal na nilutong pansit canton sa instant noodles. Una na rito ay ang lasa. Lasang-lasa natin ang mga sangkap ng orihinal na gulay, ginisang bawang, sibuyas at kamatis at ang sabaw ng pinakuluang manok o baboy.
Samantalang sa instant ay kunwaring katas lamang na tinadtad ng sangkatutak na powder na pampalasa, na mula umano sa bawang, sibuyas, luya, kamatis at iba pa at siyempre’y hindi mawawala ang vetsin.
Alam n’yo bang tunay na nakasasama sa katawan ng tao o maging sa hayop ang vetsin o sodium bicarbonate? Unti-unti kasing sinisira ng vetsin ang ating mga kalamnan at numinipis naman ang ating mga litid kaya kadalasang nawawalan ng ganang kumain ang kabataan dahil sa labis na asin mula sa vetsin ang kanilang nakakain.
Higit pa rito, ang instant noodles ay Nakatataba! Nakaha-high blood at nakadi-diabetes!
Kaya naman, alamin natin ang tunay na naidudulot ng pagkain ng instant noodles sa ating kalusugan:
- Maraming saturated fat at trans fats ang instant noodles. Posibleng makapagpataas ito ng cholesterol na maaaring magdulot ng sakit sa puso at type 2 diabetes.
- Nakatataba rin ang pagkain ng puro instant noodles. Puno ito ng carbohydrates at kulang sa protina at sustansiya.
- May isang pag-aaral sa South Korea na nakitang ang mga babaeng kumakain ng instant noodles ay mas mataas ang risk na magkaroon ng diabetes, stroke at heart disease.
- Mataas sa fat at sodium (asin) content ang instant noodles at pancit canton. Ang isang pakete ng pancit canton ay nagtataglay ng 600-900 mg ng sodium. Mataas ito dahil ang recommended na sodium na dapat makain sa isang araw ay 1500 mg sodium lamang.
- Batay sa pag-aaral ng Harvard School of Public Health sa Boston, ang pagkain ng instant noodles nang at least dalawang beses sa isang linggo ay nakapagpapataas ng risk ng metabolic changes na nagdudulot ng sakit sa puso at stroke.
- Ayon din sa pag-aaral ng isang gastrointestinal specialist sa Massachusetts General Hospital, nahihirapan ang katawan natin na i-digest o gilingin ang instant noodles. Matagal bago ma-digest ng ating bituka ang instant noodles.
Kaya sa madaling-salita, puwede namang kumain ng instant noodles ngunit limitahan lamang ito sa dalawang beses bawat linggo at tandaang huwag araw-arawin ang pagkain nito.