Ni: Edmund C. Gallanosa
Masarap mamasyal ‘di ba? Iba ang pakiramdam ng nakakabyahe o nakakapamasyal sa iba’t ibang lugar. Pagod man sa katawan, kakaiba naman ang naidudulot nito sa iyong personalidad dahil lumalawak ang iyong kaalaman.
Subalit sa pagbabyahe, pinaka-malaking balakid ang budget. Kung kapos ang budget, maraming limitasyon sa iyong pamamasyal. Ang itinerary ay hindi masusunod, sapagkat maaaring hindi magkasya ang inyong pinag-ipunan.
Huwag malungkot, dahil may mga lugar sa ating daigdig na maaari kang makapamasyal sa mababang halaga. Mahalaga na may nalalamang background sa inyong pupuntahan. Kahit na kayo ay nagpaplanong gumamit ng travel agent, mainam pa rin na pag-aralang mabuti ang inyong byahe at huwag iasa lahat sa inyong ahente. Tandaan: ang inyong misyon ay sulitin ang byahe. Marapat lamang na kahit papaano, may alam kang personal sa iyong pupuntahan upang ganap ngang masulit ang iyong puhunan.
Narito ang listahan ng ilang bansang maaaring puntahan, sa maliit na budget, kayo’y tamang masisiyahan!
Aerial shot ng Zanzibar Island sa Tanzania. Maganda subalit kagiliw-giliw bumyahe dito dahil mura ang magstay sa lugar na ito.
Zanzibar Island. Narinig n’yo na ba ang isla ng Zanzibar? Ito ay bahagi ng Tanzania, sa kontinente ng Africa. Sa pangalan pa lang tunog mahal na ‘di ba? Subalit nagkakamali kayo. Mura ang mamasyal sa islang ito. Mula sa Tanzania (nakatuntong ka na ng Africa, sa wakas!) maaaring sumakay ng ferry boat papunta sa Zanzibar sa halagang 35-50 dollars lamang kada tao. Pagdating sa isla, maaari kang tumuloy sa mga ilang transcient-style airbnb sa halagang 40 dollars lamang kada gabi. Beach front na, at may paddleboard at wind-surfing lessons na kasama! Kung nagtitipid naman sa pagkain, marami po silang street food! At yes, mayroon din po silang bersyon nila ng ‘isaw’ na kamukha rin naman ng ating kinagisnan.
Ang kuhang ito ng Naples sa Italy ay mistulang kahawig sa pinaka-sikat na produkto nito—ang pizza. Dito ipinanganak ang isa sa pinaka-sikat na pagkain sa mundo na kinagigiliwan ng lahat.
Naples, Italy. Kung Italian vacation ang hanap at genuine na pizza ang gustong matikman, Naples ang subukan! Ito ang gateway city ng Italy kung pupunta sa mga batikang tourist destination tulad ng Amalfi Coast, Capri at Pompeii. Pero kung hanap lang ay experience ng bakasyon de-Italian style, Naples ang puntahan. Isa ito sa pinakamatandang siyudad sa Europa kaya naman kakakitaan ito ng mga cultural sights at monuments ng sinaunang Italian civilization, at kilala rin ito bilang birthplace ng kinagigiliwan ng lahat—ang pizza. Sa maniwala kayo o hindi, makakain ng paborito ninyong pizza sa lugar na ito sa halagang 5 dollars lamang. Ang neopolitan pizza-making sa lugar ay ginawaran din bilang isa sa UNESCO Intangible World Heritage destination kaya’t anumang oras ay dadatnan ang paggagawa ng paborito ninyong pizza—the genuine Italian way!
Uzbekistan. Nais bang makabisita sa isang bansa na dati-rati ay nasasakupan ng Soviet Union? Tara na sa Uzbekistan! Ang byahe rito ay maituturing na ultimate adventure sa mga nagnanais makapunta sa Central Asia. Magkahalong Persian at Russian influence ang makikita sa kultura rito kaya kakaibang karanasan ito. Huwag kakalimutang bisitahin ang mga relics at religious sites tulad ng Samarkand at Bukhara. Napakalawak rin ang mga lupaing maaaring tayuan ng camping tent at matulog under the stars. Maaari ring mag-stay sa maraming hotels dito na below 100 dollars ang accommodation rate, at kung nais maglibot nang engrande, mura at sulit sa buong lugar, subukan ang booking company na tulad ng Kalpak Travel na isa sa mga traveling experts sa rehiyong ito.
Phuket, Thailand. Hindi makukumpleto ang ating listahan ng ating budgeted tour kung wala ang pagbisita sa Phuket, Thailand. Hindi magpapahuli ang lugar na ito pagdating sa ganda ng ilang beach resort sa murang halaga. Highly recommendable ang Andakira Hotel Patong bilang tutuluyan sa halagang 50 dollars lamang kada gabi. Sa pagtuntong sa kabayanan ng Phuket, ay para na rin kayong pumunta sa Portugal. Maaari rin ninyong pasyalan ang Phi Phi Islands, sa halagang 30 dollars na boat trip, susulitin ang inyong dalawang oras na byahe sa ganda ng tanawin dito.
Oaxaca, Mexico. Kung Mexico naman ang nais pasyalan, bakit hindi subukan ang Oaxaca. Itinuturing itong isa sa pinaka-magandang travel destination ng Mexico subalit mura ang maglibot-libot sa lugar na ito. Andiyan ang mga lumang simbahang dinadayo, art galleries at cafeteria. Huwag kakalimutang bisitahin ang Museum of Oaxacan Culture kung nais makita ang mga relics at golden treasures na nahukay sa Mont Alban. Huwag kalimutang bisitahin ang 20 de Noviembre market, kung nais makatikim ng piniritong tipaklong, iba’t ibang keso, tamales, tortillas at marami pang iba. Maaari ninyo rin konta kin ang Enjoy Oaxaca kung mas malawak pa na sight-seeing tour ang ninanais.
Komodo Islands sa Indonesia. Mala-Jurrasic sa ganda dito at pinamumugaran ito ng mini-version ni Godzilla na mga komodo dragons na sikat sa buong mundo.
Komodo Islands, Indonesia. Adventure ba kamo? Kung byaheng pang thrill-seeker ang gusto mo pero mura ang hanap, dito ka na sa Komodo Islands. Ito ang native home ng tinaguriang little-Godzilla na mga Komodo dragons. Kung nais silang makita, kinakailangang kumuha ng boat tour sa halagang 40 dollars lamang at malasin ang magagandang shoreline at maaari pang magkaroon ng pagkakataong lumangoy kasama ang mga wild manta rays—hindi ang mga komodo dragons. Huwag mag-alala pagdating sa pagkain, sapagkat sa Komodo Islands sa Indonesia, garantisadong mura ang mga pagkain!
Karpathos, Greece. Europe ba kamo, pero butas ang bulsa? Sa Karpathos tayo, sa Greece. Bagama’t natatabunan sa kasikatan ng mga lugar na Santorini, Mykonos at Rhodes ang isla ng Karpathos, hindi naman ito papahuli pagdating sa ganda. At ang pinaka-mahalaga—mura ang paikot-ikot dito. Kung ancient ruins ang habol, tumungo lamang sa Aghia Anastasia, at mas madami pang kaalaman, sa Archaelogical Museum ng isla. Maliban sa paghiga-higa sa mga white-sand beaches sa paligid, maaari rin kayong mag fishing, windsurfing, snorkeling, scuba diving at sailing—lahat ng ito pwedeng gawin sa isla ng mga Greco. Isa pang good news? Mura ang mga traditional Greek dishes sa lugar na ito.
San ka na? Byahe na!