Ang mag-asawang Marvin at Shiela da Silva ang nagsimula ng Glam Nails and Skin Spa – isang negosyong may pusong tumulong sa komunidad at mga single moms.
Ni: Maridel S. Cruz
NAGSIMULA ang lahat sa isang pangarap ng isang college student na magkaroon ng isang “one stop shop” para sa mga kababaihan. Isang lugar kung saan lahat ng pangangalaga at pangangailangan para sa pagrerelax at pagpapaganda ay naroon na at wala ka ng hahanapin pa.
Ilang taon din ang lumipas bago nasimulan ni Shiela Da Silva, Founder at President ng Glam Nail and Skin Spa, ang kanyang pangarap. Matapos sumubok ng ilang negosyo, taong 2007 nang naisakatuparan din at naging ganap ang isang bagay na talagang nais nyang gawin noon pa man. Kilala ngayon sa pa-ngalang Glam Nails and Skin Spa, marami ang masayang tumatangkilik sa mga serbisyo nito – nails, massage, body skin treatments, facials, waxing, threading hanggang sa iba’t ibang dermatological services.
Di Kagandahang Panimula
Nagsimula ang Glam Nails and Skin Spa sa unang palapag ng isang apartment na may tatlong empleyado lamang. Siya ang kaunaunahang commercial establishment sa kanyang komunidad sa Retiro St., La Loma, Quezon City. Bagamat malapit sya sa lahat – paaralan at simbahan, di lingid sa kaalaman ni Ms. Da Silva na noon ay madalas na takbuhan ang kanyang lugar ng mga holdaper. May mga araw din na wala kahit isang kostumer.
Sa madaling salita, hindi masyadong naging maganda ang resulta sa loob ng tatlong taon. Sumagi sa kanyang isip na maaring di pa handa ang lugar kung saan nya itinayo ang negosyo. Naisip rin ni Ms. Da Silva na siguro ay mabuting ibenta na lamang ang kanyang negosyo.
Mga VIP seats with matching handpainted walls ang naghihintay para sa mga kliyente ng Glam Nails and Skin Spa. Isang patunay kung gaano nila pinahahalagahan ang bawat kostumer at kung gaano sila ka-passionate na magbigay serbisyo.
Bibihirang Pagkakataon
Subalit nabago ang lahat nang mabigyan sya ng oportunidad na ilipat ang negosyo sa isang commercial space sa parehong komunidad. Bagamat walang kasiguraduhan, pinili ni Ms. Da Silva na ituloy ang paglipat ng kanyang negosyo. Unti-unti ay nakilala ang Glam Nail and Skin Spa dahil na rin sa maganda at maayos na serbisyo at patuloy na lumago at nagkaroon ito ng mga branches sa iba’t ibang lugar.
Sa patuloy na panghihimok ng mga sariling kliyente, dumami at nakilala ang Glam Nail and Skin Spa sa pamamagitan ng franchising. Sa napakarisonableng halaga, makakapagfranchise ka na kung saan lahat ng skills na kaakibat ng serbisyo nito pati na ang teknolohiya ng negosyo ay naituturo at naipapasa nang pulido sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan. Bukod dito maari ring palitan na ng sarili mong pangalan ang naifranchise na negosyo basta’t nakalimang taon na at nakilala sa pangalang Glam Nail and Skin Spa.
Mas Malalim na Dahilan
Narito man halos lahat ng gugustuhin pagdating sa pagrerelax at pagpapaganda, may mas malalim na layon ang negosyong ito. Bukod sa nais nitong bigyang serbisyo ang komunidad kung saan ito matatagpuan, tumutulong ang Glam Nails and Skin Spa na makapagbigay ng disenteng hanapbuhay para sa mga kababaihan lalo na sa mga single moms.
Sa isang panayam kay Ms. da Silva, naipaliwanag n’ya kung bakit mga single moms ang pinipili nyang trabahador sa kanyang negosyo. Aniya, “Sila kasi ang madalas na may matinding pangangailangan pero kakaunti ang oportunidad. Isa pa, iba ang drive nila sa pagtatrabaho dala na rin siguro na iisa silang sumusuporta sa kanilang mga anak.”
Hindi naging madali ang set up na ito. Nariyang biglang nag-aabsent o may emergency, madalas na pag cash advance at over hiring para maiwasan ang kawalan ng tao para sa araw-araw na operasyon. Ang dati’y 3 empleyado, ngayon ay nasa mahigit bente na at patuloy na dumarami. Hindi man ideal ang set up, maluwag sa loob na hinarap ito ni Ms. da Silva dahil sa kagustuhang makatulong sa mga kababaihang ito.
Mga Plano sa Hinaharap
Sa ngayon, mayroon ng apat na branches ang Glam Nail and Skin Spa. Dalawa dito ay naitayo sa pamamagitan ng franchising at pagmamay-ari ng mga dati ring kliyente ni Ms. da Silva sa main branch.
Patuloy din ang pagkuha sa mga single moms sa pamamagitan ng maayos at disenteng trabaho na talaga namang nakatutulong na magkaroon ng pagbabago sa kanilang buhay. Sa hinaharap, nais din ni Ms. da Silva na makapagbigay ng scholarship sa mga anak ng mga single moms na ito.
Hindi man naging madali ang panimula, determinasyon, tiyaga at passion na maabot ang pangarap ang naging sandata para maisakatuparan ang Glam Nails and Skin Spa. Puso para makatulong sa mga taong nangangailangan ang patuloy na nagbibigay ng lakas upang magpatuloy ang negosyong nasimulan.
Payo nga ni Ms. da Silva sa mga nais ding simulan ang negosyong ito: “Kailangan galing sa puso ang ginagawa. Ang pera ay susunod na lang pag may passion at kagustuhang makatulong sa mga tao ang negosyong sisimulan.” Bukod pa dito, mapapahanga ka na sa loob ng labing-isang taon ang unang tatlong empleyado nya ay kasama pa rin nya hanggang ngayon, patunay lamang na ito ay isang negosyo na may puso.
Para sa mga interesadong magfranchise ng Glam Nails and Skin Spa, mag-email sa glamnails@yahoo.com/marvindasilva885@gmail.com o tumawag sa 263-1563. Maaari ding bisitahin ang kanilang website sa www.glamnailsphilippines.com,