Ni: Vick Aquino Tanes
ALAM n’yo bang bukod sa nakaka-adik ang mga laro sa video games ay nakakatopak din daw ito?
Batay kasi sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), isang mental health disorder ang pagkalulong sa digital at video gaming.
Ayon sa WHO, isinama na nila ang kondisyong ito sa listahan ng 11th International Classification of Diseases (ICD) na ilalabas ngayong 2018.
Isa itong tinatawag na “gaming disorder,” na kung saan nakatuon na lamang ang pansin ng isang indibidwal sa paglalaro at wala nang interes sa ibang bagay o aktibidad.
Kaya naman lubos na nakasasama ang epekto sa kalusugan ng labis na paglalaro dahil kundi puyat ay hindi na kumakain ang mga lulong sa paglalaro.
Bukod pa rito ay nasisira na rin ang kanilang physical health dahil nakakaligtaan na ang kalinisan sa katawan at nagkakasakit na rin tulad ng panlalabo ng paningin, ulcer, pagpi-pigil ng ihi at iba pa.
Payo ng mga eksperto, gabayan ang mga anak sa paglalaro at limitahan lamang ang oras na uubusin nito at bigyan ng prayoridad ang pag-aaral at pakikisalamuha sa pamilya at kaibigan.