Ni: Ana Paula A. Canua
Ginagawa na ng ilang kumpanya sa bansa ang telecommuting o work-from-home para sa mga manggagawa.
Nilinaw ni Employers Confederation of The Philippines (ECOP) President Donald Dee na tatlong taon na itong ipinatutupad ng dalawang multinational companies kaya’t hindi niya nauunawaan ang layunin ng pagpasa ng bagong panukalang batas.
Giit ni Dee na hindi applicable ang work-from-home scheme sa lahat ng industriya.
Noong nakaraang buwan ay inaprubahan ng kamara sa ikalawang pagbasa ang Telecommuting Act habang ang counterpart bill sa senado ay naipasa noong 2017.
Layunin ng mga panukalang batas na ipatupad ang work-from-home scheme para sa mga kawani para makaiwas sila sa traffic stress at magastos na transportasyon.
Inaasahan naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magsusumite sa Kongreso ng takdang polisiya at panuntunan sa mga industriyang sasailalim sa work from home program.
Iwas sa traffic, ginhawa sa sariling tahanan
Nangungunang dahilan kung bakit malaki ang suportang nakuha ng panukala ay dahil sa malaking ginhawa ang maibibigay nito sa mga empleyadong araw-araw na humaharap sa kalbaryo ng matinding traffic, isama pa ang peligro sa kalsada at baha.
Malaking oportunidad din ito para sa mga may kapansanan na nais kumita ng malaki habang hindi naisasa-alang-alang ang kanilang kaligtasan.
Mahihikayat din ang mga single parents at mga kababaihan na pasukin ang bagong mundo ng paghahanap-buhay habang kanilang ginagampanan ang kanilang iba pang tungkulin.
Anu-anong trabaho ang pasok sa Telecommuting program?
Sa inilabas na paunang datos ng DOLE ilan sa mga trabahong pasok sa work from home scheme ay ang; Encoder/Transcriptionist, medical at legal transcriptionist, Online teacher, Internet Entreprenuer, Costumer Service Assistants sa IT-BPM sector, Virtual assistants gaya ng Article/Content Writer, SEO Specialist , Web Developer/Programmer, Online Writer/Editor, proofreader, Online Trading at financial advisor sa Stock Market. Sa pag-aaral ng DOLE maaring umabot mula sa P15,000 hanggang P60,000 pataas ang sahod ng mga nabanggit na trabaho depende sa lebel ng technicality nito.
Ayon kay Camarines Sur 2nd District Rep. Luis Raymund Villafuerte, “More and more employers have expanded the traditional mode of on-site work to the adoption of flexible working arrangements such as the compressed workweek and telecommuting, among others.”
Bukod sa tipid sa resources gaya ng pamasahe at bawas pagod, maliligtas pa sa mga posibleng sakit dala ng pabago-bagong panahon ang mga work-from home employees na isang malaking bagay sa mga employers dahil mas maayos at mas magandang performance ang maibibigay ng kanilang empleyado.
Nagpahayag din ang Employers Confederation of the Philippines na lumalawak na ang pagtanggap sa telecommuting mula sa mga malalaking kompanya tulad ng Meralco SGS Philippines, Inc., Metro Pacific Investments Corp at Aboitiz Equity Ventures. Kasunod nito ang 2016 report mula sa DOLE na may 261 kompanya na dito sa bansa ang bukas na sa voluntary flexible arrangements sa kanilang mga empleyado.
Mga umiiral na batas sa work from home scheme
Noong Agosto 2013 naglabas ang Bureau of Internal Revenue ng Revenue Memorandum Circular No. 55-2013 o Reiterating Taxpayers’ Obligations in Relation to Online Business Transactions.
Kaugnay nito nagbabala ang DOLE na dapat sumunod sa batas gaya ng pagbayad ng tax pati na ang maliliit na e-commerce business gaya ng online retailing, shopping, advertising at auction.
Rekomendasyon ng DOLE
Nagrekomenda naman ang DOLE na dapat magkaroon ng mga alternatibong hakbang para proteksyunan ang social security benefits ng kompanya at mga empleyado. Giit ng ahensya dapat ay magkaroon ng malinaw at tiyak na direktiba sa pagpapatupad terms and condition sa work from home scheme.
“Telecommuting offers extravagant advantages for employees and more so to the employers, thus, corresponding protection and security must be provided to workers. While Filipinos get totally hooked with the flexibility options that the industry offers, one must still remember that a good gauge in measuring an employment opportunity is the social and security benefits that it provides more than the monthly monetary salary that it gives.
On the part of the government, legislative measures to ensure workers’ protection and tax revenues complied with must be lobbied actively.”
Payo rin ni Senator Joel Villanueva, chairman ng Senate committee on labor, employment, and human resources at nag-silbing may akda ng panukala, “The employers should also be responsible for taking the appropriate measures with regard to software to ensure the protection of data used and processed by the telecommuting employee for professional purposes.”