PINAS

UCT, ginhawa sa mga dukha

ANG UCT ay ayuda mula sa gobyerno para sa mga mahihirap na maaapektuhan ng mga pagbabago na dulot ng TRAIN law. LARAWAN MULA SA DSWD

 

Ni: Noli C. Liwanag

NANG magsimulang magtaasan ang mga presyo sa pagsisimula ng year of the Earth Dog, sinabi ng isang opisyal na dahil marahil ito sa TRAIN Law na nagpataw ng mga bagong buwis sa mga ilalabas pa lang na produkto.

Malaki ang posibilidad na ang taas-presyo ay dahil sa pagsasamantala ng mga negosyante, bukod pa sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Ang ilang kumpanya ng langis ay nagpatupad na kaagad ng taas-presyo sa pagsisimula pa lamang ng bagong taon, at inaasahang ganito rin ang gagawin ng maliliit na tindahan.
Ang karagdagang buwis sa coal ay inaasahan ding magpapataas sa singil sa kuryente dahil ang mga coal plant ang pangunahing lumilikha ng kuryente sa Pinas.

Kilala ang Pilipinas sa pinakamataas na sumingil ng kuryente sa Asya, na isa sa mga dahilan kung bakit hirap pumasok ang mga dayuhang mamuhunan  sa  bansa.

Ang taas-singil sa kuryente ay lalo pang nakapipigil na mapaangat ang pagsigla ng industriya ng manufacturing sa bansa.

Dahil din sa TRAIN ay tumaas ang buwis sa mga inuming tinitimpla (juices). Bagamat ikinasisiya ito ng mga opisyal na nababahala sa pagdami ng Pilipino na may labis na timbang, labis naman itong nakaapekto sa operasyon ng maliliit na tindahan na nagbebenta ng mga de-boteng softdrinks at juice.

Ang mas mababang buwis ng TRAIN para sa mga manggagawa ay 25 porsiyento lang para sa mga sumusuweldo ng P21,000 kada buwan o P250,000 bawat taon, mula sa dating 32 porsiyento ay malaking kapakinabangan para sa maraming Pilipino. Mas malaki ang maiuuwi sa kanilang pamilya at may ekstrang panggastos na tiyak na magpapasigla sa ekonomiya. Ngunit napakaraming walang trabaho sa bansa, at hindi sila makikinabang sa binawasang buwis.

Ang taas-presyo ng mga bilihin ay tinagurian namang inflation ng mga ekonomista. Taong 2016 nang itakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang target na 2-4 na porsiyentong inflation para sa nasabing taon hanggang 2018.

Nang manungkulan bilang ika-16 na pangulo si President Rodrigo Roa Duterte noong 2016, ang inflation rate ay nasa 2%, ang pinakamababang target na naitala ng BSP. Noong Enero, pumalo ito sa 4%, ang pinakamataas na antas sa nakalipas na tatlong taon.

 

Nanay Gabriela Sanchez: “Dahil sa UCT, may pambili ako ng pagkain, gamot, at pampa-ospital.” LARAWAN MULA SA DSWD

 

 Kapakanan ng mga mamayan

“Tungkulin namin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyakin ang kapakanan ng mga mamamayan ang mangibabaw.” “Kaya  gagawin namin ang lahat upang maibigay ang kaukulang mga benebisyo tulad ng Unconditional Cash Transfer (UCT) grant sa lalong madaling panahon.”
Ito ang pahayag ni DSWD Secretary Virginia Orogo hinggil sa pagpapatupad ng UCT sa nakaraang 2nd Press Brie-fing on Economic Reforms kamakailan sa Malakanyang.

Ang UCT ay ayuda mula sa gobyerno para sa mga mahihirap na maapektuhan ng mga pagbabago na dulot ng TRAIN law, isa na rito ang inaasahang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Lilinawin ko lang po na hindi nito layunin na matugunan ang pangkalahatang pangangailangan ng mahihirap nating mga kababa-yan. Ito po ay para lamang tugunan ang kasalukuyang kalagayan ng mahihirap,” saad ni kalihim Orogo.
Ngayong taon, tatanggap ang mga benepisyaryo ng UCT ng P200 kada buwan o P2,400 sa isang taon. Para sa taong 2019 at 2020 naman, tatanggap sila ng P300 kada buwan o may kabuuang P3,600 sa isang taon.

 Pamamahagi ng UCT

Mayroong 10 milyong target na benepisyaryo ang UCT.
Kabilang rito ang 4.4 milyon na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps, 3.0 milyon na mahihirap na senior citizen na benepisyaryo ng programang Social Pension ng DSWD, at 2.6 milyon na mahihirap na pamilya base sa Listahanan 2015.

Sa kasalukuyan ay naipamahagi na ng DSWD ang P10,086,230,400 halaga ng UCT grant sa mga benepisyaryo ng Pantawid. Matatapos ang pamimigay ng UCT grants sa 4.4 milyong 4Ps beneficiaries sa katapusan ng buwan ng Hulyo.

Kasabay nito ay ipinami-migay na rin ang UCT grants sa ating mga mahihirap na senior citizens. Nauna ang senior citizens mula sa San Fernando City sa Pampanga na nakatanggap ng kanilang UCT grant na nagkakahalaga ng P2,400. At tuloy-tuloy na ang pamamahagi ng UCT grants para sa mga benepisyaryo ng SocPen sa iba’t ibang rehiyon sa pamamagitan ng mga field offices.

Para sa tatlong milyong social pension beneficiaries, target ng DSWD na matapos ang pamimigay ng UCT grants sa katapusan din ng Hulyo.

Para naman sa 2.6 milyong benepisyaryo ng Listahanan, sisimulan na din ang pamimigay tulong sa kanila sa susunod na buwan.  Ang Listahanan ay isang programa ng DSWD na naglalayong kilalanin at alamin kung nasaan ang mga mahihirap nating mga kababayan. Ang Listahanan ay isinasagawa tuwing ika-apat na taon, ang pinakahuling Listahanan ay ginawa noong 2015.

Nakatakdang mag-isyu ang Land Bank of the Philippines ng mga cash cards para sa sampung milyong benepisyaryo bago matapos ang taong 2018 upang maging mas maayos at mapadali ang pagbibigay ng ayuda sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong.

Layunin ng gobyerno na mas mapadali ang proseso ng pay out para sa mga benepisyaryo ng UCT kaya kasalukuyang pinoproseso na sa buong bansa ang validation, updating, pagrerehisto, at enrollment ng mga benepisyaryo na wala pang cash cards sa Land Bank.

 Sa mga senior citizens

Ipinaliwanag ng DSWD na may programa para sa maralitang senior citizens na tinawag na Social Pension.

Ang Social Pension ay isang programa ng DSWD na nagbibigay ng P500 kada buwan sa mga mahihirap na senior citizens na mahihina na, may karamdaman, o may kapansanan, walang regular na kita o suporta sa pamilya; at walang pension na nakukuha mula sa gobyerno o pribadong institusyon. Sila ang nangangailangan ng dagdag na tulong mula sa TRAIN kaya kasama po sila sa makakatanggap ng UCT.

“Gusto man natin na bigyan ng tulong ang lahat ng ating mga senior citizens sa buong Pilipinas, ang atin pong prayoridad sa UCT ay bigyan muna ang mga mahihirap nating mga nakatatanda na walang kinikita, suporta sa pamilya o walang pension na naku kuha,” paliwanag ni DSWD Secretary Virginia Orogo. Sana po maintindihan kami dahil hindi naman po kaya ng ating gobyerno na bigyan lahat. Ibinibigay po natin ang tulong na ito doon sa tala-gang nangangailangan.

Pambili ng gamot at pagkain 

Hindi kalakihang halaga ang UCT subsidy, ngunit napakasarap na malaman na ang ayuda na naipapamahagi ng gobyerno ay nakakatulong sa ating mga kababayang nakatanggap nito, lalo na sa ating mga nakatatanda.
Isa si Nanay Gabriela Sanchez, 84 taong gulang, ang nakatanggap ng kanyang UCT grant.
Ayon kay Nanay Gabriela, masayang-masaya siya dahil makakatulong ang UCT sa pambili ng kanyang pagkain,gamot, at pampa-ospital.