PINAS

Tipid Stores para sa Tipid Budget

Ni: Crysalie Ann Montalbo

SA kasalukuyang panahon, hindi pa rin biro ang pang araw-araw na gastusin kaya nais nating makapagtipid ngunit hindi rin naman nating hahayaang  malimitahan tayo sa mga bagay na gusto nating mabili at makuha.

Dito sa ating bansa, one-third ng kabuuang populasyon ay mga milenyal.  At   alam  ng  nakararami,  sila ang pinakamalaking target ng maraming kumpanya    pagdating sa pagbebenta ng kanilang mga produkto. Nagbubukas ito ng maraming pagkakataon sa mga kumpanya na magtayo ng mga tindahan na kukumbinsi sa puso ng bawat milenyal.

Likas na sa ating mga Pinoy na maghanap ng mga budget-friendly store na makakatugon sa ating mga pangangailangan araw-araw. Nagiging numero-uno rin at tila dagdag puntos nga ang atraksyon na nagsisilbing estratehiya upang mas mahikayat pa ang mga mamimili na puntahan ito.

Kaya kung ito ang uri ng tindahang hinahanap mo, maaari kang magtungo sa mga tinadahan na siguradong papatok sa’yo, sa’yong pamilya, kasintahan at pati sa mga magkakaibigan.

Ating silipin ang dalawa sa mga tindahan na tumutugon sa iyong hinahangad na sulit na pamimili.

 

ANG Miniso ay isa mga kilalang mall store na dinarayo ng mga milenyal ngayon. 

 

MINISO Japan Store

Itinatag ang MINISO noong 2013 ng Chinese entrepreneur na si Ye Guofu at Japanese designer Miyaki Junya. Sa loob ng maikling oras ay binuksan ang mahigit 1,800 stores sa 40 na bansa. Ayon kay Ye, ang MINISO ay isang negosyong may brick-and-mortar na modelo na itinayo kasama ang e-commerce. Sa tulong ng mabuting pagsusuri sa kanilang mga kostumer at  kakaibang atraksyon, nagawa nila itong maging kakaiba kumpara sa mga online store, ang magbigay ng magandang karanasan.

“Moreover, as a consumer myself, I deeply understand that consumers all desire a combination of high quality and low price, instead of low price and poor quality. And after going around Europe, America, Japan and South Korea and learning from their retailing expertise, we established MINISO,” sabi ni Ye sa isang panayam.

Malaking bahagi sa pagtatayo ng MINISO ang kanilang tema ng minimalism o ang pagiging simple, hindi gaanong magarbo, na mabilis tinanggap ng mga konsyumer. At ito rin ang nagpapatunay na hinahabol ng mga mamimili ang simpleng istilo ngunit magandang kalidad na aayon sa kanilang pananaw.

Nakapagpatayo na rin ng mahigit 20 stores ang MINISO dito sa Pilipinas. Sa loob ng MINISO ay may mga produkto na siguradong hahanap-hanapin ng mga mamimili lalo na sa mga naghahangad ng simple ngunit fashionable na kagamitan. Mayroon ditong mga health and beauty products, digital accessories, school and office supplies, mga panregalo at marami pang iba.

Bukod sa pagiging simple, layunin rin ng MINISO na magtamo ng mataas na kalidad ng produkto na hindi hinahayaan malagay sa alanganin ang proteksyon ng ating kapaligiran. Inilalaan din ang ligtas na materyales na ginagamit sa pagbuo ng mga produkto.

 

Ang DAISO JAPAN  ay kilala rin bilang  isang “Japanese dollar store.”

 

 Daiso japan store

Ang Daiso ay itinayo noong 1972 sa pangunguna ni Hirotake Yano. Una itong pinangalanan bilang Yano Shoten subalit sa ‘di kalaunan ay naging isang corporate company at tinawag itong Daiso noong 1977.

Dulot ng kanilang magandang konsepto na 100 yen store, nabigyan sila ng pansin nang inilabas ito noong Abril 1991.

Sa kanilang misyong “Find Surprises & Fun!” ay talagang binabalik-balikan ng maraming kostumer ang tinaguriang Japanese dollar store. Bukod sa napaka-cute na disenyo ng kanilang mga produkto ay talaga nga namang mura pa at pasok na pasok sa iyong budget. Mabibili ang kanilang produkto simula sa halagang P88.

Tulad ng Miniso, ang Daiso ay nagbebenta rin ng produkto na may kinalaman sa health and beauty, mga kagamitang pang opisina at eskuwelahan, mga budget-friendly na panregalo para sa magulang, kapatid, kaibigan o kasintahan.

Sa ngayon ay may mahigit na 4,000 stores na ang Daiso sa buong mundo kabilang na rito ang Pilipinas.

 

DITO sa Japan Home Center, makikita mo ang kanilang kakaibang istilo sa mala-Pinoy na produkto.

 

Japan Home Center

Nagsimula ang lahat noong 2004. Mula sa pagiging isang seksyon lamang ng nangungunang hardware chain store dito sa Pilipinas, bago matapos ang taon, ang Japan Home Center ay nagbukas ng sarili nilang tindahan sa Market Market, Bonifacio Global City na mainit na sinalubong ng publiko. At matapos ang isang taon ay nagbukas ang nasa 15 branches sa Metro Manila. Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang paglawak ng JHC sa buong bansa.

Ang prinsipyong “costumer first”  ay isang kaugalian na makikita rin sa mga empleyado ng Japan Home Center.

 

Sa kanilang prinsipyong “Costumer First,” ang Japanese Home Center ay may pareho ring layunin tulad ng iba pang budget-friendly stores, ang makapagbigay ng magandang serbisyo sa pamamagitan ng kanilang mataas na kalidad, mababang presyo at ang pagkaengganyo ng kanilang mga mamimili. Ipinagmamalaki nila ang kanilang slogan na “Check Us First.”

Kakaiba ang estratehiya ng Japan Home Center. Ito ay isang Japanese na tindahan ngunit ang kanilang produkto ay mala-Pinoy ang istilo. Tulad ng Daiso, nagsisimula ang presyo ng kanilang produkto sa halagang P88.

Hindi lang milenyal ang pwedeng mamili dito. Maaari mo ring yayain ang iyong nanay o tatay dahil may mabibili ring kasangkapan na kakailanganin sa iyong bahay.

Gabay sa mga Nais Mag-negosyo

Ang pagiging budget-friendly ng Pinoy ay hindi naging sagabal sa mga kumpanyang naghahangad ng maunlad na pagkakakitaan. Bagkus, ito ay nagsisilbing susi sa kanila upang mas maging malikhain pagdating sa pagpaplano o pagtatayo ng negosyo.