INILABAS NG BSP ang bagong pagsusuri ukol sa mga Pilipinong gumagamit at hindi gumagamit ng bangko.
Ni: Jonnalyn Cortez
HANGGANG sa ngayon, maraming Pilipino ang walang account at hindi gumagamit ng bangko. Sa pinakabagong pagsusuri ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2017 Financial Inclusion Survey (FIS), lumabas na 52.8 milyon o 77.4 porsiyento ng mga Pinoy ang walang bangko.
Nakapaloob din dito na tinatayang nasa 15.8 milyon on 22.6 porsiyento na Pilipinong nasa hustong gulang lamang ang may sariling account sa bangko.
Maituturing naman itong magandang balita kahit pa nga tumaas lamang ng .6 porsiyento ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng bangko kumpara sa 22 porsiyento noong 2015.
Sinasabi ng BSP na ang pagmamay-ari ng account sa bangko ay isang palatandaan ng “financial inclusion.” Maaari itong gamitn upang magkapag-ipon ng pera, tumanggap ng sweldo, tumanggap o magpadala ng remittance at pambayad sa mga bayarin.
PORSIYENTO NG MGA PILIPINONG MAY IPON SA BANGKO
Naitalang mayroong naka-depositong pera sa bangko at iba pang mga institusyong pinansyal ang halos 15.8 milyon na Pilipinong nasa tamang edad noong katapusan ng 2017. Maituturing itong bahagyang pag-unlad kumpara sa resulta ng naunang pagsusulit.
Lumabas naman na 11.5 porsiyento rito ay nagmamay-ari ng account sa mga pormal na sektor ng pagbabangko. Gumagamit naman ng mga non-government organization microfinance ang 8.1 porsiyento ng mga Pilipino. Non-stock savings at loan associations naman ang gamit ng 0.3 porsiyentong mga Pilipino.
Halos 1.3 porsiyento lamang ng Pilipinong nasa tamang edad ang may electronic money (e-money) accounts. Takot naman ang halos kalahati o 46 porsiyento na may mga account sa bangko at internet na gumamit ng e-payments dahil na rin sa isyu ng hacking, paglabag sa personal na seguridad, at pagkakaroon ng hindi ligtas na access.
Tumaas ng tatlong porsiyento ng mga nasa tamang edad na Pilipino ang nag-iipon sa bangko noong 2017. Mula sa 45 porsiyento noong 2015, 48 porsiyento na ito ngayon. Malaki naman ang ibinaba ng bilang ng mga nangungutang. Mula 47 porsiyento, 22 porsiyento na lamang ito ngayon. Bumaba rin ang mga nanghihiram sa mga impormal na pautangan mula sa 72 porsiyento hanggang 40 porsiyento.
KARANIWANG DAHILAN NG HINDI PAGGAMIT NG BANGKO
Sinasabing may kakulangan naman sa sapat na pera ang dahilan ng 60 porsiyento ng mga Pilipino na hindi gumagamit ng bangko.
Labingwalong porsiyento naman dito ay nagsasabing wala silang tamang dokumento na kinakailangan upang makapagbukas ng account. Dalawamput’ isang porsiyento naman ang hindi nagbigay ng rason kung bakit hindi sila gumagamit ng bangko.
Sa karagdagan, 10 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabi na ang mataas na bayarin na kinakailangan upang makapagbukas ng account ang dahilan kung bakit hindi sila gumagamit ng bangko. Siyam na porsiyento naman ang nagsabing wala silang sapat na kaalaman kung paano makakapagbukas nito. Parehong walong porsiyento naman ang nagdahilan ng kakulangan sa trabaho at kamalayan kung bakit wala silang sariling account sa bangko.
RASON NG PINOY SA PAGGAMIT NG BANGKO
Sa kabilang dako, ang nangungunang dahilan ng mga Pilipino kung bakit sila nagbukas ng account sa bangko ay upang makapag-ipon. Sinasabing 42 porsiyento rito ay nais na may nakahandang perang makukuha sa oras na may emergency.
Tatlumpu’t isang porsiyento naman dito ay nag-iipon para sa edukasyon habang 29 porsiyento naman dito ay naghahanda para sa negosyo.
Ginagamit naman ng 23 porsiyento ng mga Pilipino ang bangko upang mapag-ingatan ang kanilang pera at 12 porsiyento naman ang nagsasabing isa itong uri ng pamumuhunan para sa kanila.
Bukod pa rito, ginagamit naman ng 18 porsiyento ang kanilang mga account sa bangko sa pagtanggap ng kanilang mga sweldo. Labindalawang porsiyento naman dito ay upang magpadala at tumanggap ng pera. Ang anim na porsiyento naman ay ginagawa itong daan upang tanggapin ang kanilang pensyon.
Samantala, lumabas din sa pagsusulit na dalawang beses na mas lamang na magmay-ari ng account sa bangko ang mga babae kaysa sa mga lalake. Mas partikular ito sa mga non-government organization microfinance at mga kooperatiba.
“Whereas most developing countries face the persistent challenge of women’s financial exclusion, the Philippines presents an interesting case wherein the level of financial inclusion is significantly higher among women than men,” ayon sa pahayag ng BSP.
Sa kabila ng maraming Pilipinong hindi pa rin nagbabangko, marami-rami pa rin ang nag-iimpok dito.
KAPAKINABANGAN NG PAGGAMIT NG BANGKO
Halos siyam sa 10 Pilipino na nasa tamang edad ang may transaksyon ng pagbabayad. Animnapung porsiyento rito ay ginagamit ang kanilang hawak na pera. Marami rin ang nakikipagtransaksyon gamit ang remittances. Ginagamit ng 93 porsiyento ng mga Pilipino ang remittance upang magpadala ng pera. Samantala, 80 porsiyento naman ang gumagamit nito upang tumanggap ng pera sa nakalipas na anim na buwan.
HANGGANG ngayon, maraming Pilipino parin ang gumagamit ng ibang remittance providers upang magpadala ng pera.
Itinala rin sa pagsusulit na 70 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsasabing ang madaling pagsasagawa ng transaksyon gamit ang remittance ang dahilan kung bakit marami ang gumagamit sa atin nito. Ilan pa nga sa mga dahilan ay ang mas murang bayad dito, maraming sangay, mas madaling puntahan at ang mabilis na serbisyo.
PLANO NG BSP
Plano ng BSP na isulong ang mga programang digital finance upang mas maabot at mahikayat ang maraming Pilipinong nanatiling hindi gumagamit ng bangko.
“While formal account penetration remains low and growth is modest, there are opportunities for greater financial inclusion enabled by digital technology,“ paliwanag nito sa isang pahayag.
Ginawa nitong halimbawa kung paano hindi nagagamit ang mga accounts sa mga transakyon tulad ng pagbabayad at remittance.
“The BSP therefore aims to develop a digital finance ecosystem that supports the diverse needs of all users in a manner that is secure, sustainable, convenient, and affordable,” dagdag pa nito.
Bunsod nito, nais ng BSP na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng National Retail Payment System na magtatakda ng mga patakaran, pamantayan at prinsipyo ng pamamahala pagdating sa digital na mga operasyon sa pagpapabayad at istraktura ng pagbebenta.