Ginawaran ng parangal ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde ang mga kawani ng National Capital Region Police Office sa matugumpay na entrapment operations na humuli sa police scalawags na sangkot sa kindap-for-ransom.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Labing anim na milyong mga botanteng Pinoy ang nagluklok kay Rodrigo Roa Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas noong 2016 dahil sa paniniwala at pagtitiwala na magagawa niyang lutasin ang problema sa krimen at droga, na magreresulta sa mas maginhawang buhay sa bansa. At hangang ngayon, kung pagbabasehan ang mga surveys, marami pa ring mga Pinoy ang naniniwala at nagtitiwala sa Pangulo na magagawa niya ito.
Subali’t sa pagtahak sa tagumpay na ninanais, mayroong mga balakid. Papaano nga naman matutuldukan ang isyu ng droga at krimen kung ang mga alagad ng batas mismo ang promotor at protektor ng masasamang mga gawain?
Sila yung mga tinatawag na “rogue policemen o police scalawags,” na dumudungis sa imahe ng pulisya at sumisira sa pagtitiwala ng madla sa Philippine National Police (PNP).
Mismong ang Pangulo ay aminado na may mga pasaway na mga pulis. Kaya babala niya, hindi sya manghininayang na “tapusin” ang mga scalawags upang matupad ang pangakong kaniyang binitawan sa sambayanan.
“I promised you that including uniformed personnel, huwag kayong pumasok diyan sa droga, ‘yang mga murder-for-hire, kasi ipa-‘project’ ko rin kayo,” sabi ni Duterte sa isang talumpati sa Pasay City.
“You can be very sure there will be a project for you and really that is to neutralize or terminate you. Kung hindi ko ganunin, walang mangyari sa ating bayan,” dagdag ng Pangulo.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag ilang araw matapos inanunsyo ni PNP Chief Oscar Albayalde ang recalibration ng Oplan Tokhang , alinsunod sa sinabi ng Pangulo sa nakaraan niyang State of the Nation Address kung na magiging “relentless at chilling” ang kampanya kontra droga.
Si Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang talumpati sa 68th National Security Council and 69th National Intelligence Coordinating Agency (NICA) founding anniversary celebration sa Philippine International Convention Center, Pasay City.
GIYERA KONTRA POLICE SCALAWAGS
Makikita sa mga numero ang pagiging pursigido ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng PNP sa giyera kontra scalawags.
Base sa datos, 6,401 na mga kawani ng ahensya ang napatawan ng parusa mula 2016. Kasama sa bilang ang 1,828 police scalawags na ang sinibak na sa pwesto dahil sa sari-saring mga paglabag.
Ito ay bunga ng sariling imbestigasyon ng PNP at mga kasong isinampa ng mga sibilyan sa pulis na sangkot sa krimen, at mga paglabag tulad ng grave misconduct, serious neglect of duty, serious irregularity, malversation, dishonesty, at kurapsyon.
“The PNP has sustained the momentum of its continuing internal cleansing program in the 190,000-strong police force over the past two years under the Duterte administration when organizational discipline and internal reform became the centerpiece of the service agenda of PNP Chief Albayalde,” pahayag ni PNP spokesman Senior Supt. Benigno Durana.
Isang dahilan ng pag-arangkada sa paglilinis sa hanay ng pulisya ay ang PNP Counter-Intelligence Task Force (PNP-CITF), na binuo noong nakaraang taon para tutukan ang mga tiwaling pulis sa bansa.
Base sa record ng PNP-CITF, nasa 87 mga pasaway na police personnel ang kanilang na-aresto mula nang Pebrero 2017 hanggang Hulyo 2018.
Ayon kay PNP chief Albayalde, patuloy ang kanilang pagbabantay at pagtukoy sa mga police scalawags, na sangkot sa mga iligal na aktibidad at pumo-protekta sa mga sindikato sa bansa.
“Meron tayong binabantayang 1,000 allegedly involved sa illegal drugs. Nababawasan but hindi natin alam kung meron pang iba. Kailangan nating maging sharp dito. Kailangang ma-identify pa kung sino pa talaga gumagawa dahil alam natin meron pa rin most probabaly wala sa listahan pero gumagawa ng hindi maganda,” sabi ni Alabyalde.
Holistic approach ang gagamitin ng Philippine National Police sa internal cleansing program tungo sa reporma sa pulisya.
PINAIGTING NA INTERNEAL CLEANSING PARA SA REPORMA
Enero nitong taon nang dinoble ang sweldo ng mga pulis sa layuning papaging-sapat ang kanilang kinikita sa pag-asang maiiwasan na ang pagsali nila sa mga iligal na gawain tulad ng pangongotong. Subali’t, base sa mga report, marami pa ring mga pulis ang sangkot sa katiwalian.
Dahil dito, minabuti ng PNP-CITF pag-aralan ang mga posibilidad kung bakit nagpapatuloy ang problema at upang makagawa ng mas epektibong solusyon.
“Nagsasagawa ng pag-aaral that despite na meron na tayong internal cleansing, isang priority program ng PNP ay mayroon pa ring nasasangkot,” wika ni PNP-CITF commander Senior Superintendent Romeo Caramat Jr.
Ang hakbang ay bahagi ng Revitalized PNP Internal Cleansing Strategy, na ayon kay PNP chief Albayalde, gaya ng giyera kontra droga, ay magiging relentless.
“However frustrating it is, hindi tayo bibigay dito. We will continue on,” pahayag ni Albayalde.
Ayon kay Caramat, “holistic approach” ang gagamitin ng PNP sa bago nitong internal cleansing program, na mayroong tatlong pamamaraan: preventive, restorative, at punitive.
Sa ilalim ng preventive approach, mayroong kaukulang training para sa mga pulis para maiwasan nlang masangkot sa anumang iligal na gawain. Kasama dito ang pagkakaroon ng mahigpit na background check sa mga gustong mag-pulis.
“Lahat meron tayong dedicated team para sa intelligence ng lahat ng kapulisan natin. Kung sino ang naatasan na mag-background investigation sa isang pulis na aplikante, and it turned out na loko-loko ang aplikante, ay mananagot ngayon iyung pulis na nag-conduct ng background investigation,” wika ni Caramat.
Samantala, magtutulungan ang iba’t-ibang ahensiya sa pag-beripika ng kung sangkot nga ba o hindi ang isang pulis sa iligal na gawain sa ilalim ng punitive approach.
“Once na ma-validate ng different intelligence agency na itong isang pulis ay talagang sangkot sa iligal na gawain, dito papasok yung dismissal from the service o paano ma-neutralize, huhulihin,” paliwanag ni Caramat. “Pag yung report naman ay it turned out to be false or negative, na talagang hindi siya sangkot o nagbago, doon papasok ang restorative approach. Ibang directorate naman ang hahawak sa mga pulis na ito. Ito yung holistic approach na ginagawa ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police.”
Aniya, importanteng magtulungan ang iba’t-ibang unit ng PNP sa pagsasagawa ng mga nabanggit na hakbangin laban sa kanilang mga tiwaling kasamahan, upang maibalik ang lubos na pagtitiwala ng publiko sa pulisya.
“Yung dati kasi, ang internal cleansing natin, puro punitive lang, walang dedicated personnel. Kaya despite na meron tayong internal cleansing, pinag-aaralan natin bakit meron pa ring nai-involve, ngayon binibilang natin itong tatlong approach o strategy para talagang totally magbago na itong mga kasama nating mga pulis,” wika ng opisyal.