Ni: Pol Montibon
Ala ‘KZ Tandingan’, kampeon sa Radyoke Shining Star 2018 Cabanatuan City
Kamakailan ay nagtagisan ng kani-kanilang mga angking galing sa pagkanta ang labin-isang kalahok sa naganap na championship ng Radyoke Shining Star Campus Edition 2018, isa sa mga flagship project ng Sonshine Media Network International (SMNI) na ginanap sa Cabanatuan City, isa sa mga nanalo ay kopyang-kopya ang isa sa mga kilalang mang aawit ngayon na si Kz Tandingan.
Pagalingan, papormahan at pagandahan ng rendisyon sa bawat kantang kanilang napili ang natunghayan ng mga manunood sa lungsod ng Cabanatuan sa katatapos lang na Grand Championship ng Sonshine Radyoke Shining Star Campus Edition 2018, isang handog na programa ng Sonshine Media Network International.
Walang maitulak kabigin ang mga hurado sa galing ng mga kalahok na animo’y mga batikang mang-aawit at hasang hasa mula sa galaw at porma.
Isa sa mga tinilian at humakot ng hiyawan mula sa mga tao ang mala-KZ Tandingan na rendisiyon ng ‘Rolling in the Deep’ na talaga namang swak na swak sa kaniyang performance, it ay si Lea May Esquivel.
Ayon sa kuwento ng mga magulang ni Leah, siya ay isang mahiyaing bata at talagang ikinagulat nito ang mala-superstar na performance ng kanilang anak pagdating sa stage.
Samantalang si Leah naman, sa kabila ng pagiging magaling sa pagkanta hindi rin daw nakaligtas sa mga bashers.
Pero sa kabila nito ay nagpapasamalat pa rin siya sa pagkakataong gaya ng kompetisyon na ito dahil nabibigyan siya ng oportunidad na maipamalas ang kaniyang talento sa publiko at maging inspirasyon sa ibang tao na may nais abutin na pangarap sa buhay.
Kinagiliwan din ang naging performance ni Marius Theo Belmonte na siya namang hinirang bilang Grand Champion sa Kids Category.
Tanging si Marius ang namayagpag sa limang contestants sa Kids Category sa kaniyang rendisyon ng ‘Stand Up for Love’ sa first round battle at sa nakakatindig balahibong interpretasyon nito sa awiting ‘Bulag, Pipi, at Bingi’ hanggang sa naiuwi nito ang kampeonato.
Ang Sonshine Radyoke Shining Star Campus Edition 2018 ay patuloy na umaarangkada sa iba’t-ibang istasyon ng Sonshine Radio sa buong bansa kung saan layon nitong makadiskubre ng mga magagaling na mang aawit sa henerasyon ngayon at matulungang abutin ang kanilang mga pangarap.
Ilan sa mga naging produkto na ng nasabing patimpalak ang sikat na ngayong mang aawit sa kaniyang henerasyon na si Morissette Amon ng DYAR Sonshine Radio Cebu At NCR Grand Champion Katrina Ve.