PINAS

Ang Pagpapalit ng Liderato sa Kamara: Isang Pagninilay

Ni: Dv Blanco

Matatandaang ang nakaraang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte ay naantala ng mahigit na isang oras dahil sa pagpapalit kay Pantaleon Alvarez bilang Speaker ng Kongreso o Mababang Kapulungan (House of Representatives) at ang pagkakaluklok ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo (GMA) bilang bagong House Speaker, ang pang-apat na pinakamakapangyarihang opisyal ng gobyerno kasunod ng presidente, bise-presidente at tagapangulo ng Senado (Senate President).

Ang pagpapalit ng liderato ng Kongreso ay nabahiran din ng mga tanong kung ito ba ay lehitimo at tunay na kinakatigan ng mayorya sa Kongreso sa kadahilanang ito ay naganap ng ang Kongreso ay naka-pahinga (in recess) habang hinihintay ang SONA ng pangulo.  Ibig sabihin, ito ay hindi opisyal na nagpupulong.

Dagdag pa rito ang pagkakawala ng official mace na sumasagisag na ang Kongreso ay opisyal na nagpupulong at sumisumbolo din na opisyal ang mga gawaing tinatalakay at mga pagpapasyang ginagawa ng Kongreso habang nagpupulong, sabayan pa ito ng pagkawala ng tunog ng mikropono.

Lalo pang dumagdag sa kalituhan dahil kinailangan ni GMA na sumisigaw sa gitna ng nagdidiwang niyang ka-alyado para lamang marinig ang kanyang sinasabi.  Isama pa rito ang alinlangan na baka hindi makasama ang nasabing pagkakatalaga sa opisyal na talaan ng Kongreso. Ganunpaman, ang tanong at agam-agam ay napawi ng muling magpulong ang Kongreso pagkatapos ng SONA, at dito ay lubusang pinagtibay na ang pagkakatalaga ni. GMA bilang bagong Speaker ng mababang kapulungan sa pamamagitan ng lagda at boto ng mayorya.

Subalit ating maitatanong, ano nga ba ang aral at mensahe ng mga ganitong pangyayari sa institusyong pulitika at pamamahala? Una, pinapatunayan nito ang kasabihang, sa pulitika, walang permanenteng kaibigan, mayroon lamang permanenteng interes sa kadahilanang ang ilan sa mga dating ka-alyado ni dating speaker Alvarez ay ibinaling ang kanilang suporta kay GMA kapalit ang pangako na iaayon ng mababang kapulungan sa pamumuno ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang mga batas na ipapasa batay sa lehislatibong layunin o legislative agenda ni Pangulong Duterte.

Pangalawa, isinusulong nito ang usapin na magkaroon na ng two-party system para maging malinaw ang posisyon at maging matibay ang paninidigan ng mga institusyong partidong pulitikal sa kanilang kasapian, ideolohiya, adhikain at paniniwala. Matutulungan din nito ang pagkilala kung sino ba talaga ang partidong mayorya at minorya at ang masusing pagtatangi kung sino nga ba talaga ang nasa administrasyon at nasa oposisyon.

Pangatlo, ang pangyayari ay nagpapatunay na ang pag-konsolida at pag-sentralisa ng kapangyarihan ay hindi nakalagak sa iisang partido lamang dahil ito ay magdudulot ng pagka dismaya ng ilang partido politikal para sila ay magsanib pwersa upang pahinain ang impluwensya ng dominanteng partido politikal at mapalawak pa ang pakikibahagi ng iba’t ibang partido pulitikal. Panghuli, ito ay sumasalamin na mahina pa ang ating mga demokratikong institusyon dahil ang katapatan nito ay nakasalalay pa rin sa indibidwal na tao o personalidad at hindi sa institutusyong kanyang kinabibilangan.

Sa bandang huli, mahalaga na ating mapagtanto, na ang pagbuo ng matatag na estado ay nakasalalay sa matibay na demokratikong institusyon, pamamahala at pagkamamayang inuuna ang pambansang interes higit sa pansariling kapakanan.