Ni: Louie Montemar
Karaniwang tinitignan ang proteksyonismo bilang paglalatag ng mga patakarang pang-ekonomiyang magbibigay limitasyon sa kalakalan ng mga bansa upang maitaguyod ang “patas na kumpetisyon.”
Sa isang banda, sinasabing hindi raw ito maganda dahil, sa kalaunan, anumang hadlang o sagabal sa malayang kalakalan (free trade) ay nagpapahina sa isang ekonomiya.
Para sa mga naunang nagtaguyod nito sa ating bansa noon pang dekada 1940, kailangan daw natin ang proteksiyonismo upang masuportahan ang lokal na sektor ng manupaktura na maaaring malugi sa labis na pagpasok ng banyagang puhunan at mga produkto.
Lalo na ngayon sa panahon ng tinatawag na globalisasyon, sinasabing hindi tama ang proteksiyonismo dahil sa maiiwan sa internasyunal na pag-unlad ang mga bansang hindi bukas sa kalakalan at pakikipag-ugnayan sa iba pang bansa.
Subalit gaano ba katama ang ganitong pananaw na hindi kailangan ang proteksiyonismo? Halimbawa, tama bang basta papasukin na lamang ngayon sa ating bansa ang mga produktong agrikultural gayong maaring lalong matalo sa presyuhan ang mga magsasaka? Sasapat ba ang mungkahing taripa sa Kongreso para kahit papaano ay may makuha tayo mula sa mga papasok na produkto bilang mga import?
Kung tutuusin, isang anyo lamang ng proteksyonismo ang pagpapataw ng taripa.
Sa aking palagay, mas akmang unawain natin sa ngayon ang proteksiyonismo bilang paglalatag ng mga patakarang mangangalaga sa mga karapatan at kagalingan, kapwa ng mga prodyuser at konsyumer.
Kung pababayaan natin na basta na lamang bumaha ang kahit anong produkto sa ating pamilihan, maaaring magbunsod pa ito ng problema para sa nakararami.
Sa ngayon, maraming mga umuunlad pa lamang na bansa ang aktibong nagpapatupad pa ng mga patakarang proteksyonista, habang ang mga mas mauunlad na bansa ay patuloy na nagtutulak na suportahan dapat ang malayang kalakalan.
Sa gitna ng ganitong pagsusuri natin nararapat paglimian ang kasalukuyang mga panukala sa Kongreso upang itulak ang taripa sa importasyon ng pagkain at kaugnay na pag-aalis ng “quantitative restrictions”.
Pag-isipan at pag-aralang maigi ang mga patakarang ito sapagkat mismong ang mga bansang naglalako ng free trade ay mga proteksiyonista rin naman, kung tutuusin.