PINAS

Internet beauty hacks na dapat iwasan

ALLERGIES sa mga DIY beauty hacks ay maaaring magdulot ng dermatitis, hives, at iba pang kondisyon sa balat na maaari ding lumala at maging kanser.

 

Ni: Kristine Joy Labadan

MAY kakaibang sayang naidudulot ang madaliang paglikha ng pampagandang pwedeng ipalit sa nabibiling produkto sa bilihan. Halimbawa na lang ay ang paggawa ng face mask mula sa iyong refrigerator o di naman kaya’y ang mahikang nagagawa ng apple cider vinegar sa iyong buhok. Kahit ang mga taong mahilig sa produktong pampaganda ay ginugusto din ang isang DIY hack ngunit ang mga ito ay maaari ding makasama sa’yo.

Tuklasin ang ilang skincare tricks na kailangang iwasan na paniguradong ipagpapa-salamat ng iyong balat.

Lemon/Lime juice bilang pangtanggal ng dead cells

Epektibo raw ito kung gustong pagmukhaing makapal ang mga labi. Iyon din ang magiging resulta kung ipi-pwersa ito sa ating mukha dahil ang mga ito’y super-acidic juices na matapang para sa balat. Ang maaari pang ikalala nito ay kung ikaw ay naarawan, ito’y pwedeng makapag-resulta ng rashes o di kaya’y delikadong pagkasunog ng balat dahil sa chemical reaction.

Paglagay ng glue sa blackheads

Kahit hindi toxic ang paggamit ng glue sa blackheads ay malaki rin ang tyansa na mairita nito ang sensitibong balat sa iyong mukha. Imbes na magbakasakali, kumausap na lamang ng isang dermatologist tungkol sa Rx retinoid, na hindi katulad ng glue ay napatunayan nang panlagay sa maduming pores.

Coconut oil bilang face moisturizer

Maaaring isa itong kontrobersyal na usapan dahil ang langis ng niyog ang isa sa talagang ginagamit ngayon. Ito ang magandang balita: Gamitin ito sa pagluluto, sa pagpahid nito sa iyong buhok at sa ilang tuyong parte ng iyong balat sa kahit anong paraan, pero ang patuloy nitong paglagay sa mukha ay maaaring maging sanhi ng pagbara ng iyong mga pores.

Toothpaste sa pimples

Maaaring matuyo nito ang tigyawat dahil sa sangkap nitong baking soda at peroxide ngunit may malaki ring tyansang papulahin nito ang iyong nilagyan dahilan para ito’y mairita.

Hilaw na itlog para sa iyong mukha

Ang skin-tightening na nagagawa ng itlog ay matagal nang kilala. Sa patuloy na paggamit nito, ang pinakamalaking kalaban nama’y ang pagkakaroon ng salmonella bacteria.