Sa panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Duterte ng dalawang taon, pinirmahan niya ang ilang mahahalagang batas ng bansa tulad ng Free Tuition Law, extention of passport and driver’s license renewal at Ease on doing business Act.
Ni: Edmund C. Gallanosa
DALAWANG taon na ang nakakalipas mula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte, naitaguyod niya ang kakaibang pamumuno sa ating bansa. Sa dalawang taon umani siya ng maraming puna, pagkainis at pagkabahala sa kaniyang istilo ng pamamahala. Bagama’t may mga puna, higit na mas madami naman ang nagmamahal sa kaniya at sumusuporta sa kaniyang mga programa at pamamalakad sa gobyerno.
Hindi perpekto ang pangulo. Wala naman umupong pangulo ng bansa na hindi napupulitikanababatikos, minamaliit, kinamumuhian. Bahagi na ng buhay ng isang public official na mapulitika, o mabalot sa kontrobersiya ang pamumuno. Sa dalawang taon ni Digong, naipasa ang ilang mahahalagang batas. Sa kabuuan, Enero ng taong ito ay may 13 mahahalagang batas na pinirmahan ng pangulo. Ang iba sa mga batas na ito, masakit man tantuin, ay dapat naisabatas na noon pang mga nakaraang administrasyon. Sa administrasyon ni Digong ay may malinaw na katotohanan: Kaya naman pala isabatas.
Mga pangakong hindi napako
Isa sa mga mahahalagang ipinasang batas ang RA 10931, na nagbibigay ng libreng tuition fees sa mga state universities at state colleges, saklaw din nito ang mga batas na nagbibigay ng stipend para sa mga estudyanteng mahihirap at dagdag programang maaaring makapagbigay ng loan-assistance para sa kanila.
Ipinasa rin ang RA 10927, mas kilala bilang Anti-Money Laundering Act of 2001 na nagpapalawig ng saklaw nito hanggang sa operasyon ng mga casino.
Binago rin ang Penal Code at naipasa ang revised version nito bilang RA 10951, kung saan mas mataas na fines at dagdag na araw na pagkakakulong sa mga lalabag dito, tulad na lamang sa mga kasong estafa o simpleng pagkakalat ng maling balita.
Mahalaga rin ang pagpasa ng RA 10929, o mas kilala bilang ‘free internet access sa mga public areas, ang RA 10928, o extension ng renewal ng Philippine passport mula five years hanggang 10 years, at ang RA 10930 o driver’s license renewal extension mula tatlong taon hanggang limang taon.
Dumagdag din ang ‘Ease of doing business act’ na magpapadali sa paglalakad ng kaukulang dokumento para sa negosyo. Ang probisyon para mental healthcare at pagpataw sa mas mataas na penalty sa mga ospital at pagamutang tatanggi sa mga pasyenteng hindi kayang makapagdeposito.
Ipinasa rin ang RA 10963 o mas kilala bilang TRAIN law (Tax Reform for Acceleration and Inclusion). Sakop nito ang pagbaba ng mga personal income tax, sa mas mababa ang kita na nangangahulugan na wala ng buwis ang kakaltasin. Subalit ang nasabing batas ay nagpataw naman ng mas mataas na buwis sa mga piling produkto, tulad ng sugar-sweetened beverages, langis at krudo, tobacco at sa mga sasakyan.
Malinaw naman ang panuntunan ng pagpasa ng batas ng bansa, walang mapipirmahan ang pangulo, kung walang mararatipikahan ang mga mambabatas—Kongreso at Senado. Ibig sabihin lamang, kailangang nagkakasundo sila sa prinsipyo at opinyon, na ang isang bill na isasabatas ay mas makakatulong sa nakakarami at praktikal. Kapag ito ay napagbotohan at nanaig ang nakakarami, doon lamang ito iraratipika at padadala sa opisina ng pangulo.
Patunay nito ang kakapasang Bangsamoro Organic Law, na magpapalawig sa kakayanang pamunuan ang Muslim Mindanao, mas kilala bilang Bangsamoro, bilang autonomous region ng Pilipinas at ang batas na ito ay inaasahang magtatapos na sa hinahangad na kapayapaan ng mga muslim nating kababayan at aahon sa kanila sa kahirapan. Bago pa man pumirma si Digong, nagbitiw pa siya ng biro sa huli niyang SONA. Babasahin muna raw nang maigi ng pangulo baka raw kasi ‘may isiningit’ pa ang mga mambabatas sa panukala na siya namang ikinatawa ng marami. Isa sa pinaka-mahalagang probisyon nito ay ang pagsanib sa Philippine National Police ng mga miyembro ng MNLF at MILF—isang hakbang na maaaring magtapos na sa mga radikal ‘run-away armed group,’ private armies at armed extremists.
Hindi naman maikakaila na hangad ng nakakaraming manggagawa ay ang katapusan ng contractualization. ‘Di pa man naipapasa ito sa kamara, malinaw ang bitaw ng salita ng pangulo na mananatili ito na isa sa pinakahahangad niyang batas na maipasa. Aniya, ang sentimyento niya ay nasa mga manggagawa, subalit upang maisaganap ang pagpasa ng naturang panukala, kailangan niya ang tulong ng kamara upang maganap ito.
Kontrobersiyal man sa iba, batas pa ring naipasa
Ang pagpasa ng isang batas ay hindi lamang nakasalalay sa iisang taohindi lamang sa pangulo. Alalahanin natin na ang pagpasa ng batas ay nakasalalay sa nakakarami. Dumaraan ito sa maraming mambabatas, pinag-uusapan—pinagtatalunan. Mula sa mababang kapulungan, ang Kongreso, aakyat ito sa mataas na kapulungan, ang Senado. Matapos ratipikahan ng mga mambabatas, papasok ito sa Office of the President, at matapos suriin at pag-aralan ng pangulo, magiging batas ito kung sakaling pirmahan na ito.
Katulad na lang sa pagpasa sa RA 10931, ang libreng tuition fee law sa mga nagsisipag-aral sa mga state colleges at universities. Ito ay pinasa ng maraming mambabatas, kakampi man ng administrasyon o oposisyon, Ganun din naman ang TRAIN Law, itinuturing na ‘kontrobersyal’ ng ilan, subalit ipinasa rin ito ng magkakasamang miyembro ng Kongreso at Senado, pro-admin man oposisyon.
Malaya naman makapagbibigay ng tutol ang mga mamamayan kung sa tingin nila ay hindi ‘makatao’ o pabor lamang sa ilang sektor ang isang batas na ipinasa. Kung sa tingin nila ay hindi nararapat ang mga ipinasang batas, at mas lalong nagpapabigat sa mga mamamayan, malaya silang kwestyunin ito, ibigay ang kanilang panig sa plenaryo o idulog ito sa korte.
Sa mga bumabatikos sa kasalukuyang administrasyon, imbis na ubusin nila ang kanilang panahon at lakas ay mas mainam pang tumulong na lamang sila para sa mas lalong ikabubuti ng ating pamayanan. Huwag sana nila kakalimutan na ang mga batas na ito ay isinalang-alang ang ikabubuti ng nakakarami—hindi ng iilan.
Dumaraan ang pagpasa ng batas sa mahabang proseso. Sa mapanuring mga mata at magagaling na kaisipan. Kung tutol man ang iba, may paraan upang susugin ito, kontrahin o mabigyan pa ng kaukulang atensyon. Ang mahalaga, ay ang katotohanang maraming batas na naipasa sana noon pa man, sa panahon ni Digong, at sa mata ng iba, kaya naman pala.
Sa panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Duterte ng dalawang taon, pinirmahan niya ang ilang mahahalagang batas ng bansa tulad ng Free Tuition Law, extention of passport and driver’s license renewal at Ease on doing business Act.