Pinas News
Nitong Hulyo 23, 2018 ay muling ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nilalalaman ng kanyang State of the Nation Address (SONA) sa sambayanang Pilipino. Ito ay kaalinsunod sa nakasaad sa kasalukuyang Saligang Batas na ang SONA ay dapat idaos sa ika-apat na Lunes ng buwan ng Hulyo.
Matatandaang ito na ng ika-tatlong SONA ng Pangulo mula nang siya ay maupo sa puwesto noong 2016. Ang SONA 2016 ay nakaugat sa temang “pagmamahal sa bayan” (Love of Country), samantalang ang SONA 2017 ay nakaangkla sa mensaheng, “komportableng buhay para sa lahat” (Comfortable Life for All).
Ang SONA 2018 ay naka-sentro sa pagpapatuloy ng nakaraang dalawang SONA at pagpapatibay ng mga pangako ng pangulo noong siya ay nangangampanya pa lamang na “Darating ang Pagbabago” (Change is Coming). Nais din na ipabatid at ipadama ng SONA 2018 na si Pangulong Duterte ay isang “Ama ng Bansa” (Father of the Nation), na kumakalinga at nangangalaga sa kapakanan, kagalingan at kaunlaran ng kanyang nasasakupan. Tumagal ito ng halos 47 minuto, lagpas ng labindalawang minuto sa 35 minuto pagtatantyang itatagal nito.
Ganunpaman, masasabi kong ito ang isa sa pinakamahusay na SONA na aking napanood at napakingggan, maikli subalit puno ng kaalaman, simple ngunit diretsong tumatalakay sa mga kasalukuyang hamon at isyu na sumasalamin sa lipunang Pilipino: droga, krimen, korupsyon, habang kaalinsabay nitong iwinawaksi ang mga batas, programa at proyektong tutugon sa mga isyu at hamon na ito sa kasalukuyan at sa hinaharap. Sa kasalukuyan, ay binangit ng Pangulo ang mga mahahalagang batas, programa at proyektong naisakatuparan ng gobyerno tulad ng libreng tuition fee at matrikula sa mga pampublikong kolehiyo at pamantasan (Free Tuition Act), Tax Reform Accelaration and Inclusion Law (TRAIN Law), Executive Order 51 na kampanya ng gobyerno laban sa kontraktuwalisasyon at dagdag sahod sa mga pulis at militar.
Sa hinaharap naman ay hinamon ng Pangulo ang kongreso at iba pang ahensya ng gobyerno na isabatas at ipatupad ang mga programa at proyekto hinggil sa Coconut Farmer’s Trust Fund, National Land Use Act, Ease of Doing Business Act, Tax Reform Package 2 para sa micro, small, or medium enterprises (MSME), Universal Health Care Bill at pagpapatibay ng Saligang Batas tungo sa federalismo. Bahagi din ng plano ng gobyerno ang pagtatag ng Department of Disaster Management at pagbabawal sa open pit mining na masasabing bahagi ng programang maging handa sa mga sakuna at maging mapangalaga sa kalikasan.
May ilang mga bagay na hindi gaanong nabigyan pansin sa SONA 2018 partikular na ang hakbangin para matugunan ang tumataas na presyo ng mga bilihin (inflation), pagtaas ng dolyar laban sa piso (devaluation) at kahirapan (poverty). Mga aspetong may kinalaman sa pang ekonomiyang kondisyon ng bansa at nakadikit sa sikmura ng bawat Pilipino. Ganunpaman, ang SONA 2018 sa kabuuan, ay payak ngunit makatotohanan sa punto ng diskurso at naratibo.