PINAS

Bela Padilla, bumibida rin ba sa lovelife?

Bela Padilla, bumibida rin ba sa lovelife?

Ni: Crysalie Ann Montalbo

KUMIKINANG ngayon ang career ng Kapamilya actress at screenwriter na si Krysta Elyse Hidalgo Sullivan o mas kilala sa stage name na Bela Padilla mula sa kanyang sunod-sunod na pelikula noong 2017 hanggang sa kasalukuyan.

ROMANTIKONG PELIKULA

Sa kanyang hit romantic film na “100 Tula para kay Stella” na pinagbidahan kasama ang aktor na si JC Santos, kinabiliban ng marami ang pagganap niya bilang rock star na si Stella na hinandugan ng 100 tula ni Fidel, isang lalaking may problema sa pananalita na humahanga sa kanya.

Hindi nagtagal ay sumabak ulit siya sa panibagong romantic-comedy film na “Meet me in St. Gallen” kasama ang Kapamilya aktor na si Carlo Aquino at ginampanan naman ang role bilang si Celeste.

Bakas na sa aktres ang pagiging isa sa mga hugot queen lalo na kapag bumibisita siya bilang host sa noontime show na “It’s Showtime” at nakikipagkulitan kasama si Vice-Ganda at nagpapanggap rin na karibal ng Showtime dancer na si “Ate Girl” o si Jackque.

Ang una nilang pelikula na “100 Tula para kay Stella” ay kumita sa takilya ng P95 milyon sa loob ng isang linggo. Kaya’t sa darating na Agosto, matutunghayan natin uli sa paparating na Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) ang pagganap ng tambalang Bela at JC sa bagong pelikula na “The Day After Valentine’s” kung saan sila naman ay gaganap bilang sina Lani (Bela) at Noel (JC).

 

FREE SPIRIT

Nagiging star nga rin ba si Bela pagdating sa usaping lovelife?

Maraming umaakibat na isyu kay Bela Padilla pagdating sa Kapamilya actor na si Zanjoe Marudo. Maaalalang umulan ng kontrobersiya sa pagitan nila noong kasagsagan pa ng ABS-CBN Primetime Teleserye na “My Dear Heart”.

Noong February, maaalalang nakapanayam si Bela Padilla sa entertainment talk show program tuwing gabi, ang “Tonight with Boy Abunda” kung saan tinanong siya kung ano ang mayroon sa kanilang dalawa ni Zanjoe.

“Di ko po alam, Tito Boy. Kase parang naging ano ako eh… free spirit. So I don’t belong anywhere and I don’t belong to anyone. I am just happy right now, ” kwento ni Bela.

“I watched his interviews, I read his interviews. He’s very vocal naman na he’s not ready right now and I respect that,” dagdag ng aktres.

Subalit sa mga lumipas na buwan ay tila naudlot na talaga ang namamagitan sa kanilang dalawa. Sa comedy talk show na “Gandang Gabi Vice,” sa segment ng “Tanong Mo, Mukha Mo”, ipinakita sa huli ang larawan ng aktor na si Zanjoe Marudo at hindi mawari ang ekspresyon ni Bela.

“Paano ba ang magmahal, kailangan bang nasasaktan?” ang pabirong awit ng dalaga biglang tugon sa larawan ni Zanjoe.

Sinabi rin ng Chinita Princess na si Kim Chiu sa nakaraang episode na bilang isang kaibigan, nagawa na niyang pakialaman ang phone ni Bela at nagbigay siya ng payo na hindi na dapat ipagpilitan ang kanyang sarili sa taong hindi naman pinapansin.

Sa huli ay nilinaw naman ni Bela na masaya siya ngayon at walang boyfriend.

“Nope. I’m not entertaining, I’m not seeing anyone. I’m happy,” sabi niya.

Ibinunyag niya rin na may nanliligaw sa kanya pero hindi niya ito ini-entertain.

“Meron pero wala na, tapos na.”

CAREER OVER LOVELIFE

Para sa kanya, mas pipiliin niya na lang muna ang career kaysa lovelife.

“Kahit sinong tao, kahit ‘yung ex ko, jino-joke na niya dati na kapag pinapili ako kung trabaho or siya. Kahit saan or kahit anong panahon, kung papapiliin ako kung trabaho or lovelife, laging trabaho ‘yung pipiliin ko kasi kailangan ko ‘to eh,” saad ni Bela.

“Parang hindi na lang din ito tungkol sa fact na tumutulong ako, kailangan ko na rin siya para sa sarili ko. Masiyado ko na siyang mahal,” dagdag ng aktres.

Bukod sa “The Day After Valentine’s” movie nila ni JC, excited na rin siyang makatrabaho ang Phenomenal Box Office Star na si Vice Ganda sa upcoming movie na “Fantastica: The Princess, The Prince, and The Perya sa paparating na Metro Manila Film Festival ngayong 2018.

“It would be the first time that I am making a pure comedy film. I watched Vice Ganda’s MMFF entries every year, so I am really happy,” galak niyang sinabi.

Hinahanda niya rin ang sarili niya sa isang martial arts training para sa gagampanan niyang karakter sa pelikula.

“There is a fight scene at the end, so I am just preparing myself for a little bit more,” dagdag ng aktres.

INILABAS na ang official poster ng upcoming movie na “The Day after Valentine’s” na pinagbibidahan ni Bela Padilla at JC Santos.