ANG ubas ay may mababang lebel ng cholesterol, sodium, fat at mayaman pa sa mga bitaminang K, E at C.
Ni: Kristine Joy Labadan
SA maraming pagkakataon, ang mga bagay na nakakabuti sa balat ng tao ay may benepisyo rin para sa ating buhok.
Isang halimbawa ang antioxidants. Ito ay mahalaga sa pagpigil ng oxidation, isa sa mga pangunahing sanhi ng paglabas ng mga mapinsalang free radicals. Ang mga free radicals ay ‘yun namang nagbubunsod ng pagkasira ng ating selula na nagdudulot ng napapaagang pagtanda.
Isa sa mga matibay na antioxidants ay ang Bitamina E na maaaring makuha sa iba’t-ibang klase ng prutas at gulay, partikular na ang ubas.
Ilang sapat at mahalagang ebidensya na ang nakuha mula sa mga nakaraang pananaliksik ang nagpapakita ng maraming benepisyo nito sa katawan ng tao, kahit pa ang buto nito.
Ang binhi ng ubas ay nagtataglay ng sapat ng konsentrasyon ng Bitamina E. Nakakatulong ito upang gawing makinis at mukhang bata ang iyong balat habang pinapanatiling makintab ang iyong buhok at malusog ang iyong anit.
Habang ang katas ng buto ng ubas ay makukuha sa ilang kapsula at konsentrasyon ng langis, ilang kumpanya na rin ang inilalakip ito sa kanilang mga produkto.
Ang pormulasyon na ito ay ‘di lamang pinipigilan ang paglalagas ng buhok kundi tumutulong din sa magandang pagtubo ng buhok.