Pinas News
NAPAKALAKING katanungan kung bakit sa kabila ng kampanya laban sa korupsyon ng administrasyong Duterte ay nakakalusot pa rin ang mga gawain ng masasamang elemento sa bansa.
Magkasamang nakikibaka ang Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang Bureau of Customs (BOC) laban sa iligal na droga upang hindi makapasok sa bansa ngunit bakit nakalusot pa rin ang malaking halagang ito sa mga kamay ng mga otoridad?
Kagaya na lamang sa nakaraang linggo nadiskubre na may nakalusot na shipment ng iligal na droga na nagkahalaga ng P7 bilyon matapos na madiskubre ang apat na magnetic lifting equipment na naglalaman ng naturang droga sa labas ng isang warehouse sa loob ng CRS Subdivision sa Barangay F. Reyes, General Mariano Alvarez, Cavite.
Sa kasamaang palad ay wala ng laman ang mga naturang magnetic lifters at siguradong naikalat na ang mga laman nito sa mga lansangan sa Metro Manila at sa ibang lugar sa bansa.
Itong mga lifters ay kapareho sa naunang dalawang magnetic lifters na ipinakita sa Manila International Container Terminal na naglalaman ng 500 kilo na nagkahalaga ng P4.3 bilyon na shabu ilang araw lamang ang nakararaan.
Tinatayang nasa 1,000 kilo ang nakalusot na iligal na droga na may halagang halos P7 bilyon.
Hindi maaaring makalusot ang ganitong kalaking halaga ng iligal na droga kung walang tiwaling mga tauhan sa loob ng BOC kaya siguradong may tumulong sa international drug syndicate upang mailusot ang iligal na kontrabando.
Masyado nang mapamaraan ang mga international drug syndicate sa paglusot ng iligal na droga sa bansa dahil nagawa pa nilang malusutan ang mga otoridad sa kabila ng maigting na kampanya laban dito at mas lalo silang matapang ngayon. Bakit kaya? Dahil nga ba may mga kaugnay silang mga matataas na tao at may posisyon sa lipunan?
Sa mga unang impormasyon, nabatid na mula sa Golden Triangle syndicate mula sa Taiwan ang mga droga. Labing siyam katao ang tinitingnan ng anti-drug agency na mga person of interest sa drug shipments kabilang ang labing-isang Chinese nationals.
Nakalulungkot na lamang isipin na ang isang toneladang shabu ay kumakalat na sa mga lansangan ngayon. Marami na naman ang magtatamasa nito na mga durugista na siyang may malaking bahagi ng krimen sa bansa.
Sana ay tuluyan nang masugpu ang katiwalian at mga walang kaluluwang opisyal sa pamahalaan na walang ibang hinahangad kundi ang kanilang sariling interes kahit hindi kaila sa kanila na malaking kasamaan ang maidudulot ng kanilang mga masamang gawain sa bansa.