Ni: DV Blanco
ANG pagkakatalaga ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay bumuhay sa usapin ng pagbabago ng sistema ng gobyerno mula sa orihinal na panukalang federal-presidential tungo sa federal-parliamentary dahil diumano’y ito ang balangkas ng pamahalaan na nilalayon ni GMA noong siya ang pangulo ng bansa.
Subalit mabuting himayin natin kung ano ba ang ibig sabihin at katangian ng pamahalaang presidential at parliamentary. Sa simpleng pagpapaliwanag, ang isang presidensyal na pamahalaan ay binubuo ng mga sangay na ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Ang ehukutibo ang siyang tagapagpatupad ng mga batas, programa at proyekto ng pamahalaan; ang lehislatibo naman ay ang nagsagawa at nagpapasa ng mga batas; ang hudikatura ang nagpapasya kung ang mga nasabing batas, programa at proyekto ng gobyerno ay konstitusyonal at ligal.
Ilan sa mga katangian ng presidensyal na pamahalaan ay ang prinsipyo ng pagkakahiwalay ng kapangyarihan ng tatlong sangay o ang principle of separation of powers, doktrina ng pagtatama at pagbabalanse o doctrine of checks and balance. Ang pangulo ang pinakamakapangyarihang pinuno ng gobyerno at pinuno ng estado na ibinoboto ng tao sa pamamagitan ng malaya, maayos, matapat at mapayapang halalan. Siya ay may hangganang termino o panunungkulan na anim na taon. Maaari siyang mapatalsik sa pwesto sa pamamamagitan ng impeachment.
Ang parlamentaryong gobyerno naman ay binubuo rin ng ehekutibo, lehislatibo at hudikatura at ang mga tungkulin ng bawa’t sangay ay katulad din ng sa presidensyal subalit naiiba ito sa presidensyal sa katangian nito na nakabatay sa pagkakaisa ng kapangyarihan o union of powers ng ehekutibo at lehislatibo; ibig sabihin nito ang nagsusulat (lehislatibo) at ang nagpapatupad nito (ehukutibo) ay iisa lamang ngunit ang doktrina ng checks and balance ay mas mahalagang gampanin ng Korte Suprema na nagdedeklara kung ang batas, programa at proyekto ba na isinulat at ipinatupad ng parlyamento o mambabatas at ng Punong Ministro kasama ang kanyang Konseho ng mga Ministro ay naaayon sa Saligang Batas. Ang punong ministro ang kinikilalang pinakamakapangyarihang pinuno ng gobyerno at alinman sa presidente, hari, reyna, at emperador ang tinataguriang pinuno ng estado (head of state) na mayroon lamang simbolikal o seremonyal na tungkulin. Ang tunay na kapangyarihan ay nasa kamay ng Punong Ministro. Samakatuwid ang Punong Ministro ay hindi lang kapantay subalit higit pa sa Presidente kung ang kapangyarihan sa pamahalaan ang paguusapan.
Ang Punong Ministro ay pinipili ng mga miyembro ng parlyamento mula sa pinaka-dominante at pinakamalaking partido politikal at hindi ng taumbayan. Walang limitasyon sa termino ng panunungkulan ang Punong Minstro. Kung ganoon, hangggang may tiwala ang mga miyembro ng parlyamento sa Punong Ministro, na mahusay at magaling nitong ginagamapanan ang kanyang tungkuin ay mananatili ito sa pwesto. Siya ay puwedeng mapatalsik lamang sa puwesto sa pamamagitan ng boto ng pagkawalang tiwala o vote of no confidence ng mga miyembro ng parlyamento.
(Itutuloy)