Ang pagpirma ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Philippine Identification System (PhilSys) Act sa isang seremonya sa Palasyo ng Malacañang.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Aminado ang marami sa ating mga Pinoy na hassle ang isang transaksyon kapag ito ay nangangailangan ng maraming valid IDs. Lalo na’t ang pagkuha ng mga government issued IDs ay talagang kailangang paglaanan ng panahon at pera.
Kaya minabuti ng pamahalaan na bawasan ang abala sa pagkuha at paggamit ng ID ng pamahalaan. Pinirmahan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ang Philippine Identification System Act, na nagtatakda ng isang klase ng identification card na magagamit para sa lahat ng transaksiyon sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan.
Senador Panfilo Lacson, may-akda at sponsor ng Philippine Identification System Act.
Ayon sa batas na akda ni Senador Panfilo Lacson, itatatag ang Philippine ID System o PhilSys, isang centralized database ng mahalagang impormasyon ng lahat ng mamamayan at dayuhang naninirahan sa Pilipinas na lalabas sa identification card na ipapamahagi sa mga magrerehistro ng walang bayad.
Tataglayin ng National ID ang pangalan, kasarian, araw at lugar ng kapanganakan, at blood type. May biometrics information tulad ng mukha, finger prints, at iris scan. Bawat ID holder din ay magkakaroon ng permanenteng ID number o Common Reference Number na panghabangbuhay.
Samantala magiging optional naman ang paglalagay ng marital status at contact information tulad ng cellphone number, at email address.
Hindi na din kakailanganin pang kumuha ng mga government-issued IDs tulad ng Social Security System (SSS) and Government Service Insurance System (GSIS); Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth); Tax Identification Number (TIN); at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) sapagka’t taglay na ng National ID ang lahat ng impormasyong kailangan para sa pakikipagtransaksyon sa mga naturang ahensya.
Kaya naman kumpiyansa ang pamahalaan na malaking ginhawa ang hatid ng PhilSys sa mga mamamayan.
“For the ordinary Juan dela Cruz, the signing of this Act means that he will no longer have to present multiple identification cards simply to prove his identity,” pahayag ni presidential spokesman Harry Roque.
Aniya, ang pagkakaroon ng National ID ay bahagi ng kampanya ng Administrasyong Duterte kontra sa katiwalian.
“Through PhilSys, we hope to improve efficiency and transparency of public services and promote ease of doing business,” sabi ni Roque.
Naglaan na ang pamahalaan ng PHP2 bilyon mula sa 2018 National Budget para sa inisyal na pagpapatupad ng programa, na pangungunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa ilalim ng Philippine Identification System Act, isang ID na lang ang kakailanganin ng mga Pinoy para sa lahat ng transaksyon sa mga ahensiya at financial institutions ng gobyerno.
MALAKAS NA SUPORTA MULA SA MGA PINOY
“Extremely strong” na suporta ang natanggap ng PhilSys mula sa mga Pinoy base sa Social Weather Stations (SWS) survey.
Lumabas sa survey, na isinagawa mahigit isang buwan bago pinirmahan ng pangulo ang batas, na 73 porsyento ng mga Pinoy ang sang-ayon sa pagkakaroon ng National ID, at tatlo sa limang Pinoy ang naniniwalang malaki ang maitutulong nito sa kanila.
Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang Philippine National Police (PNP) ay naniniwalang malaki ang maitutulong nito sa kapayapaan at seguridad sa buong bansa.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo, pahihirapan ng National ID system na makapaghasik ng lagim ang mga kriminal at terorista sa bansa.
“We believe it will promote a peaceful and secure environment where terrorists, criminals, and other unscrupulous individuals will have a difficulty coping to pursue their evil designs and nefarious activities,” wika ni Arevalo.
Aniya, hindi na makapagtatago at makapagpalit ng pagkakakilanlan ang mga masasamang loob kaya mapapadali na ang pagtukoy at pagdakip sa mga ito.
“With the new identification system, we will be able to check and validate their identities,” sabi ni Arevalo. “The former will remain in hiding and cannot avail of the mandated identification card lest they be exposed to arrest and prosecution. They will lose their freedom of movement. Their ability to transact business will be divested with no ID cards to present when demanded.”
Samantala, pinag-aaralan naman ng PNP ang pag-link ng data base nito sa PhilSys para mas mapahusay ang programa.
“With the PhilSys law now in effect, the PNP can look forward to migrating our own National Crime Information System and the National Police Clearance System to a national database for sharing with other government agencies to optimize the operational potential of the entire National ID system,” sabi ni Albayalde.
“All these government applications stand to benefit more than the quite limited law enforcement and internal security applications due to privacy and basic rights issues associated with gathering of personal information that need to be observed and upheld,” dagdag ng hepe ng pulisya.
Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, bukod sa seguridad, malaking tulong din ang National ID sa mga relief efforts sa panahon ng sakuna.
“As a country prone to disasters, the system will allow improved distribution of aid to legitimate disaster victims. Matters such as this can now be better addressed because of the new law,” pahayag ni Lorenzana.
SEGURIDAD TINIYAK
Lumabas sa SWS survey na 61 porsyento ng mga respondents ang naniniwalang poprotektahan ng pamahalaan ang pribadong impormasyong taglay ng National ID, samantalang 49 porsyento ang nagtitiwala sa Duterte Administration na hindi nito gagamitin ang PhilSys laban sa mga kritiko nito.
Nguni’t sa kabila ng mainit na pagsuporta ng nakararami, may pangamba pa rin ang ilan pagdating sa privacy at data security, lalo na’t nagkaroon ng mga isyu noon ang gobyerno kung saan na-hack ang mga websites nito, kabilang ang sa Commission on Elections.
Nangangamba din ang mga data privacy experts sa ilang probisyon sa National ID system, tulad ng pagkakaroon ng record history ng lahat ng transaksyon ng bawat ID holder na maari umanong gamitin sa mass surveillance.
Kaagad naman pinawi ni National Statistician and Civil Registrar General Lisa Grace Bersales ang mga pangambang ito sa pagsabing tanging korte at ang ID holder lamang ang makapapahintulot na maibahagi ang mga pribadong impormasyon.
“It’s very explicit in the law that only under two situations information will be shared. Only if the citizen says yes or the court says yes,” wika ni Bersales.
Siniguro ni Senador Franklin Drilion na protektado ng Data Privacy Act ang pribadong impormasyon na tataglayin ng National ID.
Sinigundahan ni Senador Franklin Drilon ang pahayag ni Bersales. Aniya, sinuguro ng Senado na protektado ang lahat ng pribadong impormasyon taglay ng PhilSys sa ilalim ng Data Privacy Act.
“We have provided enough safeguards to protect the individual’s right to privacy and to prevent unscrupulous persons from accessing confidential information,” wika ni Drilon.
Samantala, upang matugunan ang lahat ng isyu at pangamba sa data privacy at security, inatasan ni Pangulong Duterte ang PSA na makipagtulungan sa National Privacy Commission, Department of Information and Communications Technology, at PhilSystem Policy and Coordination Council.