Alisin ang mga third-party apps na maaaring inaabuso ang iyong mga pribadong impormasyon.
Ni: Maureen Simbajon
ANG Internet ay isa sa mga pinakamahalagang imbensyon na nakapagdulot ng malaking pagbabago sa buhay ng marami. Ito ay isang instrumento upang mas mapadali ang komunikasyon ng kahit na sino saan man sa mundo sa murang paraan. Gayunpaman, ito rin ay nakapagdulot ng mga hindi kanais-nais na pangyayari sa marami.
Minsan, kahit na siguruhin ng isang tao na lubos ang pag-iingat, hindi pa rin maiwasan na mailagay sa panganib ang mga pribado nitong impormasyon sa bawat paggamit ng Internet.
Huwag maging kampante sa paggamit ng Internet. Gawin ang kaukulang pag-iingat.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga maling paniniwala tungkol sa Internet at ang katotohanan sa likod ng mga ito:
Maling Paniniwala # 1:
Ang paggamit ng isang pribadong browser ay tumutulong na mapanatiling pribado ang personal na impormasyon.
Karamihan sa mga Internet browsers ngayon ay nag-aalok ng incognito o private browsing na mahusay na paraan upang maitago ang mga browsing activities sa iba pang gumagamit ng parehong computer. Magkaganunpaman, hindi nito naibibigay ang uri ng online privacy na hinahanap ng karamihan.
Ayon kay Paige Hanson, pinuno ng edukasyon sa pagkakakilanlan sa Norton cyber security firm, “Tuwing umaalis ka sa isang pribadong sesyon, dapat ay binubura na ng browser ang iyong impormasyon, subalit ang iyong mga online activities ay nanatiling nakikita at nai-sisave na maaaring ipamahagi o ibenta sa mga third parties.”
Sa madaling salita, habang pinipigilan ng pribadong pag-browse ang impormasyon mula sa awtomatikong pagkaimbak sa ginagamit na aparato, tulad ng kasaysayan sa pagba-browse o mga nai-download na cookies, ang mga gawaing online ay nakikita pa rin ng Internet Service Provider, mga samahan na nagbibigay ng Internet connection (katulad ng isang kumpanya) at gayundin ng mga website na binibisita.
Ang pribadong pag-browse ay walang alinlangan na mas mahusay kaysa sa standard mode dahil pinipigilan nito ang mga website na mangolekta ng mga cookies na ginagamit para subaybayan ang mga users, ngunit ito ay isang malayong sigaw mula sa uri ng mga hakbang na kailangang gawin para sa maximum online privacy.
ANG DAPAT GAWIN:
Upang mabawasan ang pagkabahala sa online security, mag-install ng isang up-to-date security suite ng isang maaasahang Virtual Private Network (VPN). Makakatulong ito na mailayo ang sarili sa mga palihim na nagmamanman sa mga gawain online. Mahalaga rin tandaan na hindi lahat ng VPNs ay mapagkakatiwalaan lalo na ang mga nag-aalok ng libreng serbisyo. Siguraduhing magsaliksik mabuti kung ano ang pinakamahusay na tutugon sa uri ng pangangailangan.
Maling Paniniwala #2
Kung ang Facebook ay naka-set sa pribado, tanging ang mga kaibigan lamang ang makakakita sa mga ipinamahaging impormasyon.
Ang Facebook ay nag-aalok ng iba’t ibang pagpipilian sa mga users nito kung paano nila gustong ipamahagi ang kanilang impormasyon o tinatawag na posts, ngunit kahit na sa mga piling kaibigan lamang nila ito ipakita, naipapakita pa rin ng pribadong profile ang pangalan, larawan ng profile, cover photo, user I.D., at higit pa, sa iba pang nasa network.
Bukod pa rito, ang mga apps na nai-download ay maaaring magkaroon ng access sa buong listahan ng mga kaibigan sa social media.
Sa nangyaring iskandalo kamakailan kasangkot ang Facebook, isa sa mga pinakasikat na social media sa buong mundo, inamin nito na 87 milyon sa mga gumagamit nito ay maaaring naipamahagi ang kanilang pribadong impormasyon sa isang political ad targeting firm na Cambridge Analytica. Dahil dito, marami sa mga gumagamit ng Facebook ang mas nag-aalala kung gaano kaligtas ang kanilang impormasyon. Iisipin ng iba na upang matiyak na walang sinuman ang maaaring maka-access ng pribadong data sa pamamagitan ng Facebook, ang tanging paraan ay ang hindi na lang paggamit nito.
ANG DAPAT GAWIN:
Maglaan ng oras at basahin nang maigi ang security at privacy setting ng account. Kung hindi maintindihan ang lahat ng ito, kausapin ang isang tao na may sapat na kaalaman tungkol dito o gumawa ng ilang mga online na pagsasaliksik upang mas maging malinaw ito.
Huwag payagan ang anumang third-party apps sa iyong account kahit pa ang mga ito ay libre, dahil maaaring gusto lamang nitong makuha ang iyong data.
Walang lubos na pribado o anonymous sa Facebook. Halimbawa, ang petsa ng iyong kapanganakan ay maaaring nasa contact list ng iyong kaibigan, at maaaring i-sync ang mga contacts na ito kapag nag-sign up sa isang app.
Maaaring hindi mo nalalaman, inaabuso na pala ng mga third-party apps ang iyong pribado at personal na data at maging ang sa iyong mga kaibigan.
Upang ihinto ito, alisin o i-uninstall ang mga apps mula sa Facebook upang matigil ang patuloy na pagnanakaw ng iyong pribadong impormasyon.
Sa kasalukuyan, nakapaglabas na ang Facebook ng isang bagong tool upang mas madaling mapamahalaan ang mga third party apps na may access sa iyong data.
Noon, kung gusto mong tanggalin ang mga third-party apps mula sa pahina ng iyong Facebook account kailangan mo itong gawin nang paisa-isa. Ngunit ngayon posible nang tanggalin ito nang pangmaramihan. Pumunta lamang sa settings at piliin ang apps. Pagkatapos ay piliin ang mga apps na gustong alisin sa pamamagitan ng pag-click sa mga ito o paglagay ng checkmarks, pagkatapos ay i-click ang remove.
Patuloy ang pakikipaglaban ng Facebook sa isyu ng privacy at ang pagkumbinsi sa lahat ng gumagamit nito na ito ay responsable sa lahat ng pribadong impormasyon na ipinagkakatiwala rito.
Oras lang ang makapagsasabi kung ang mga pagbabago na kasalukuyang ipinatutupad ng Facebook ay makakaapekto sa opinyon ng publiko, ngunit sa ngayon mas madaling malaman at masubaybayan kung sino ang may access sa iyong data at kung paano ito mapipigilan. Patuloy na gawin ang mga karagdagang pag-iingat upang hindi malagay sa panganib ang mga mahalaga at iniingat-ingatang impormasyon.