MAKIKINABANG diumano ang mga maliliit at katamtamang laki ng mga korporasyon sa ikalawang tax reform package.
Ni: Jonnalyn Cortez
ISinusulong ng mga ekonomista mula sa Department of Finance (DOF) ang pagpasa ng iminumungkahing ikalawang tax reform package. Layon nitong bawasan ang halaga ng nakatakdang buwis sa kita ng mga korporasyon at bigyang-katwiran ang tinatamasang insentibo sa pananalapi ng mga mamumuhunan.
NILALAMAN NG IKALAWANG TAX REFORM PACKAGE
CARLOS G. DOMINGUEZ III: DOF iminumungkahi ang pagsasabatas ng ikalawang tax reform package.
Ayon kay Finance Secretary Carlos G. Dominguez III, iminumungkahi ng ikalawang tax reform package na bawasan ang halaga ng corporate incentive tax o CIT sa 25 porsiyento at pagaanin ang iba pang buwis sa kita ng mga korporasyon. Nakatuon umano ang hakbang na ito upang lalong mapagbuti ang pagsunod ng mga nagbabayad ng buwis.
Nais din ni Dominguez na magbigay ng mga probisyon sa mga kasalukuyang umiiral na insentibo. Pinag-iisipan din nito ang pagtatakda ng limang taong pagsasaayos.
Iminumungkahi rin ni Dominguez na palawakin ang saklaw ng Fiscal Incentives Review Board upang isama ang lahat ng mga tumatanggap ng insentibo na hindi kabilang sa mga kumpanyang pag-aari at kontrol ng gobyerno.
Dagdag pa rito, nais din nito na palitan ang limang porsiyentong kabuuang kita sa buwis ng mas mababang kita sa buwis ng mga korporasyon na humigit-kumulang na 15 porsiyento. Ibig din nitong limitahan ang “Vat zero-rating” sa mga direktang exporter.
Panukala rin ni Dominguez na alisin ang paggamit ng tax credit certificate, bagkus bigyan ng buo at napapanahong VAT refund na salapi.
PAKINABANG SA BAGONG PANUKALA
Sinasabi ng mga ekonomista na magiging kapaki-pakinabang sa mga small and medium-scale enterprises (SMEs) ang ikalawang tax reform package.
“Lowering the corporate income tax rate will help entrepreneurs and small and medium enterprises thrive,” sabi ng DOF sa isang pahayag.
Gayunpaman, sinabi rin nila na para sa interes ng fiscal stability, kasabay dapat ng pagbibigay-katwiran sa mga insentibo sa pananalapi ay ang mababang halaga ng buwis.
Paliwanag ng mga ito, pipi–gilan ng permanenteng pagbibigay ng mga insentibo sa buwis ang mga kampanya na masuportahan ang kanilang mga sarili. Pipigilan din nito ang kanilang kakayahan na ihanay ang mga nasabing insentibo sa mga strategic
priorities na siya namang nagbabago sa paglipas ng panahon.
Sa kabilang dako, sinabi naman ng Action for Economic Reforms (AER) na kailangang palakasin ang negosyo sa bansa.
“Passage of package 2 of the tax reforms is a crucial signal to investors that we are serious in doing reforms in the country,” ani AER fiscal coordinator Jo-Ann Diosana.
Dagdag pa niya, hindi lamang kapaki-pakinabang ang nasabing panukala sa mga negosyo, kundi lilikha rin ito ng mas maraming pangmatagalang trabaho lalo na sa mga lugar sa kanayunan.
SUPORTA NG MGA EKONOMISTA AT IBA PANG ASOSASYON
Sinang-ayunan naman ng maraming ekonomista ang iminumungkahi ng DOF na ikalawang tax reform package. Sa katunayan, walong ekonomista ang nagpahayag ng kanilang suporta sa nasabing panukala.
Kabilang dito sina dating Finance Undersecretary Romeo Bernardo, mga dating hepe ng National Economic and Deve–lopment Authority (NEDA) na sina Arsenio Balisacan, Dante Canlas, Felipe Medalla, at Gerardo Sicat. Kasama rin dito si Monetary Board Member Bruce Tolentino, UP School of Economics assistant professor Renato Reside Jr. at dating presidente ng Philippine Institute of Development Studies (PIDS) na si Gilberto Llanto.
“We express our support for the main principle of a corporate tax system that is broad-based and competitive relative to our peers in the region,” pahayag ng mga nasabing ekonomista. “However, in the interest of fiscal prudence, the lowering of rates should be in conjunction with the rationa–lization of fiscal incentives.”
Dagdag pa nila, ang benepisyo sa buwis ay puhunan ng publiko at dapat lamang na maipon at pakinabangan ng sambayanang Pilipino.
Nakikiisa ang mga nasabing ekonomista sa DOF at Department of Trade and Industry (DTI) na ang mga insentibo sa buwis ay dapat lamang na batay sa pagganap, target, nakapaloob sa tamang oras at malinaw.
Bukod pa rito, sinusuportahan din ng Management Association of the Philippines (MAP) ang ikalawang tax reform package ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Tinawag pa nga nitong isang matapang na hakbang ang nasabing panukala upang pagbutihin ang pakikipagkumpitensiya sa rehiyon.
“[Package 2] is another milestone initiative for the government and a bold move that we believe will create a positive impact overall. The MAP commits its continuing support for the passage of [Package 2],” sabi ng asosasyon sa isang pahayag, ayon kay Dominguez.
Sumasang-ayon ang MAP sa DOF na ang ikalawang tax reform package ay matutulungan ang bansa na makipag-kumpitensiya sa malaking bahagi ng mundo sa pamamagitan ng pagpapababa sa buwis sa kita ng mga korporasyon mula sa kasalukuyang 30 porsiyento. Itinuturing ito na pinakamalaki kumpara sa iba pang mga kumpanya sa Asya.
Binubuo ang MAP ng mahigit-kumulang na 1,000 miyembro na kumakatawan sa isang seksyon ng mga CEO at iba pang mga nangungunang tagapamahala mula sa pinakamalaking mga lokal at multinasyunal na kumpanya na tumatakbo sa Pilipinas.
PAGSASABATAS NG IKALAWANG TAX REFORM PACKAGE
PANgulong Rodrigo Duterte nais isabatas ang ikalawang tax reform package sa katapusan ng taon.
Tiwala naman si Dominguez na matutugunan ang itinakdang oras ni Pangulong Duterte sa pagsumite ng lahat ng mga komprehensibong reporma sa buwis sa Kongreso.
Kasama na rin dito ang pagsasabatas ng nasabing panukala sa katapusan ng taon.
Dagdag pa nito, ibibigay ng DOF ang lahat ng kinakailangang teknikal na suporta ng Kongreso sa pakikinig sa tawag ng Pangulo para ipasa ang ikalawang tax reform package sa taong ito.
“The DOF commits itself to the President’s stated deadline,” ani Dominguez.
Dagdag pa niya, magdudulot ng paglago na may pagkamatao at mataas na pagkaproduktibo ang mga reporma sa buwis na makakatulong din sa mga Pilipino na matamo ang pangarap na maging isa sa mga bansang may mataas na kita sa darating na taong 2022. Makakatulong din ito upang maiahon mula sa kahirapan ang isang milyong Pilipino kada taon.
“The administration is serious about tax reform, and it is definitely serious about having package 2 signed by the end of the year,” saad nito.