PINAS

Michael Stich, isang Tennis Hall of Famer

Michael Stich, isang Tennis Hall of Famer

Ang Wimbledon trophy ni Stich matapos talunin si Boris Decker sa 1991 Wimbledon Finals.

Ni: Eugene B. Flores

“The reason I played tennis is because I loved the game,” ito ang wika ni Michael Stich, bagong miyembro ng International Tennis Hall of Fame class 2018.

“But it’s just those special moments, occasions that I remember more than match results or scores I have achieved,” emosyonal na wika nito. “It’s not so much about the special result or a special score that I’ve achieved—it’s about the overall view on this sport.”

 Ang German tennis player na si Stich ay naging Wimbledon Champion noong 1991. Ang The Championships, Wimbledon ay ang pinaka-matandang torneyo sa tennis at kinikilala bilang pinaka-prestihiyoso sa larangan na ginaganap sa All England Club sa Wimbledon, England simula pa noong 1877. Ito rin ang natatanging outdoor tournament na nilalaro sa grass courts.

Bago maging kampeon sa Wimbledon, ang kaniyang nag-iisang kampeonato sa singles, nasa ika-80 pwesto lamang si Stich sa world ranking. Dagdag pa rito ay nakaharap niya ang dalawang superpower sa tennis na si Stefan Edberg, defending champion at ang kapwa German na si Boris Becker. Sila ang nanalo ng lima sa huling anim na Wimbledon titles. Nagharap din ang dalawang itong sa finals ng tatlong beses kung saan nanalo ng dalawa si Edberg.

Ikinagulat ng lahat ang pagkapanalo ni Stich na nakaligtas kay Edberg sa semi-finals at nakaharap si Becker sa finals. Matapos makamit ang tropeo, alam ng lahat na sisikat at mag-iiba ang buhay ng 22 year old tennis player ngunit kasabay ng pagsikat nito ay nanatili itong simple. “I hope I’m not going to be a different person to my friends and my family. I just hope I can stay and be like I am.”

Matapos manalo sa Wimbledon noong 1991, naging kampeon naman ito sa mens double ng  Wimbledon ng sumunod na taon kung saan kakampi nito si John McEnroe. Bumuo naman ng matinding duo ang Germany sa pagkatao ni Michael Stich at Boris Decker sa Summer Olympic Games ng parehong taon na nagresulta ng gintong medalya.

Dumating naman ang mga tagumpay ng 1993 sa pagtatapos ng ATP World Championships kung saan siya lang ang tanging tennis player sa ‘90s history na nagkampeon nang walang talo. Mula 1990-1996, parte si Stich ng German Davis Cup Team na naging kampeon noong 1993.

Bagama’t bigong muling manalo ng Grand Slam Cup, nakilala naman si Stich dahil sa kanyang all-around game, at sa pagiging versatile nito.

“That is the great thing about our sport, about tennis, that it’s not all about winning or losing,” aniya. “It’s about the people that make all that possible, the people that are behind the scenes, people that are on the court that make you feel secure and at home. This is over generations.” 

Naging ikalawa sa pwesto ng singles world ranking sa tennis si Stich noong 1993 samantalang number 9 naman sa doubles noong 1991, ito ang kaniyang pinakamataas na world ranking sa propesyonal na liga.

Ang mga bagong Tennis Hall of Fames: Helena Sukova (kaliwa) at Michael Stich (kanan) suot ang kanilang tinanggap na medalya.

KAMAY SA PAGTULONG

Taong 1997, matapos ang professional tour sa Wimbledon inanunsyo ni Michael Stich na magreretiro na siya sa paglalaro ng tennis. Bagama’t huminto na ang kaniyang mga kamay sa paghampas ng bola gamit ang raketa hindi naman nahinto ang mga ito sa pagtulong sa kapwa. Simula noon ay nagpokus na siya sa kaniyang sariling AIDS foundation. Ang Michael Stich Foundation ay itinatag noong 1994 na nakatuon sa programang HIV and AIDS awareness at maging pagtulong sa mga batang nangangailangan. Mahigit 110 eskwelahan ang napuntahan ni Stich at may 50,000 bata ang kanilang natulungan.

Tunay na malaki ang epekto ng mga atleta hindi lamang bilang inspirasyon sa mundo ng sports kundi maging sa ibang gawaing nakakatulong sa mga bata.