PINAS

Nora, sinagot ang isyu sa pagpili ng gustong TV network

Ni: Crysalie Ann Montalbo

SINAGOT ni Superstar Nora Aunor na wala siyang problema sa pagtatrabaho sa tatlong malalaking TV Network, ang GMA, ABS-CBN at TV5.

Nilinaw niya ito nang siya ay matanong kung mas pipiliin niya ang GMA-7 kaysa ibang TV Networks. At dahil na rin sa kanyang paparating na primetime show sa GMA na Onanay na magsisimula sa darating na ika-6 ng Agosto.

“Nagkataon lang na dito ako nagkakaroon ng teleserye at dito ako kinukuha. Tapos na rin kasi yung kontrata ko sa TV5,” aniya ng superstar.

Pinuri naman ni Nora ang paraan ng paghawak ng GMA-7 sa kanya.

Para sa kanyang 51 years sa showbiz, wala na siyang mahihiling pa.

“Bilang artista, wala na akong puwedeng hanapin pa. Dahil unang-una, hindi man lahat, nakagawa na ako ng mga pelikulang importante at magaganda. Pinagmalaki naman natin sa ibang bansa karamihan ng mga ginawa ko at magaganda talaga sila.”