DUMARATING sa punto ng iyong buhay na may makakasalamuha kang katrabaho na alam mong hindi tutugma sa iyo.
Ni: Crysalie Ann Montalbo
SA mundo ng pagtatrabaho, hindi na maiiwasang may makasalumuha tayong ka-trabaho na hindi umaayon sa atin o sa maikling salita, hindi natin nakakasundo sa maraming bagay. May mga pagkakataon na kinakailangan mong kontrolin ang iyong sarili alang alang sa pagiging propesyonal subalit darating ang araw na alam mong hindi mo rin ito malalabanan. Upang mas maging maayos ang pakikitungo mo sa iyong mga co-worker o officemates, narito ang mga bagay na dapat isaalang-alang.
Una, kausapin mo nang personal ang iyong katrabaho.
Komprontahin siya sa paraang hindi makakasakit. Sabihin mo sa kanya ang mga problemang nakikita sa kanya at sa halip na awayin ay dapat magbigay ng suhestiyon bilang solusyon sa kung paano matutulungan ang kanyang sarili pagdating sa trabaho.
Ipaliwanag mo sa iyong katrabaho ang mga posibilidad na maaaring mangyari sa pagitan niya at ng iba pa niyang kasamahan dahil maaaring bumago ito sa paligid. Sabihin sa kanya na mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina dahil maaaring mag-iwan sayo ng masamang impresyon ang inyong boss kung sakaling magtuloy-tuloy pa siya sa kanyang nakagisnang gawain o pananalita.
At sa huli, mahalaga ang pagbibigay ng respeto sa iyong mga katrabaho sa kabila ng kanilang ipinapakitang asal. Maging maunawain sa sitwasyon. Marahil ay may rason sa likod ng kanyang hindi magandang pakikitungo sa kapwa.